Mangingiming makipagpalitan ng tingin sa tao na ‘di batid ang estado sa buhay higit sa nakasalubong lang sa lansangan. Mag-iisip na baka kung ano ang meron ang taong natitigan lalo’t may umbok sa harapan o tagiliran. May pagkakataon na kakabahan kung masita ng sino kahit walang ginagawang mali. Ang pagiging bago sa lugar ang dahilan ng pagkailang sa nilalakaran. Nariyan na nagmamadali sa paglayo o paglakad higit kung may nagkatitigan na iba ang dating sa titig na ginawa. At walang anu-ano’y sinundan sa paglakad na ‘di batid ang dahilan ng pagsunod. Walang masamang ibig kundi ang maiwasang masabit o masangkot sa gulo sa salang nagkatinginan at ang tao na may umbok sa sintorera ng pantalon. Sa kawalang malay sa lugar na nilalakaran ang umiwas sa mga nakakasalubong ang tamang gawin ng ‘di maindulto ang pamamasyal sa lugar na minsan lang napuntahan.
Ang paglalakad sa mataong lugar ang hanap ng maraming baguhan higit galing sa liblib na lugar ng bansa. Masaya nang masasabi na napuntahan ang lugar na madalas na ibinibida ng mga kaibigang nag-aral o magtrabaho sa mataong lugar na bangit, higit sa kaMaynilaan. Ang pag-iingat sa paglalakad higit sa mga nakaka-ulayaw dapat gawin saan man ito. Hindi masama ang magtanong ng lugar ngunit humanda sa sagot na ‘di inaasahan sa taong bihasa sa lugar. At doblehin ang pag-iingat dahil baka ang napagtanunga’y isa sa mga iniiwasang tao sa lugar na patutunguhan. Isang tunay na karanasan ang binabangit na minsang napanood sa TV o sinehan na katulad na katulad ng karanasan sa lansangan napuntahan sa kaMaynilaan.
Karaniwang karanasan ang nasa itaas ngunit mas katakutan kung paano na ang nakatingina’y isang pulis na dinaan sa palakasan ang pagpasok sa sindikato este sa kapulisan bilang taga pagpaganap ng katiwasayan ng bayan. Maraming kaganapan ang kinakatakutan ni Mang Juan sa kakalsadahan hindi dahil ‘di alam ang lugar na pinuntahan, higit sa taong ‘di matanong at baka masigawan. Ang masakit pasok na ang kaba at nalaman na isang alagad ng batas ang nakausap. Sa karanasan napansin na ang bawat kapulisa’y may sariling paraan sa pagpapalaganap ng tungkulin higit ang galaw sa kakalsadahan. Walang lugar ang pagiging malamya’t baka masita ng nagpapatrolyang kapulisan at kabahan. At sa pagsagot sa tanong eh kung anu-ano ang maisagot na dahilan na parang binasag na alkansya. Dito nagsisimula ang simpleng usapin tungo sa masalimuot na sitwasyon na ibig ng kapulisan.
Maparaan ang maraming kapulisan higit sa pagkakaperahan. Ngunit sa totoo lang mataas ang sahod ng kapulisan kumpara sa ibang propesyon o trabaho. Mataas ang sahod ng kapulisan na siyang bentahe ng pagdami ng kumukuha ng kurso sa kolehiyo hinggil sa pagpupulis. Ang mataas na sahod ang panghihikayat ng pamahalaan upang makapangalap ng mga bagong pulis ng bayan. At tila sala ang pamahalaan sa puntong ito, dahil ‘di ang mataas na sahod ang ibig sa halip ang makahawak ng baril at ang kargang kapangyarihan ang nais. At sa kabilang banda, nariyan ang mas malaking pagkakakitaan bukod sa sahod na tinatanggap sa pamahalaan. Silip ni Mang Juan ang usapin ng droga na mga pulis ang tagalakad at protektor ng bawal na negosyo, mula baba pataas.
Nakapanlulumo ang kaganapan sa PNP sa ano mang antas nito. Marami sa mga unipormadong pulis ang tumatalima sa kamalian higit sa utos ng mga taong nasa poder na nagbibigay ng kaginhawahan sa buhay. Bigyan laman ang bangit, tulad ng insidente sa isang lalawigan sa Visayas na tuwiran ‘di gumalaw ang lokal na kapulisan sa takot na mabalikan ng politiko sa lugar. Kahit batid ang mga may sala hindi kumikilos upang dakpin ang salarin at tila hinayaang makalayo. Batid kung sino ang protector ng salarin at siyang dahilan ng malamyang pagganap sa tungkulin. Dumaan ang ilang araw bago kilusan ang pagpaslang dahil sa paghingi ng tulong ng asawa ng biktima sa mataas na opisyal sa labas ng lalawigan. Sa totoo lang, batid ng madla ang tila hari-hariang politiko na sanay sa pang-aabuso ang gawa sa lugar na pinamumunuan. At minsan nasabit ang anak sa pambubugbog ng isang sekyu sa kaMaynilaan.
Pangalawa, pansin ni Mang Juan ang naganap na pagpasok ng bultuhan ng droga sa loob ng punong himpilan ng kapulisan sa kaMaynilaan. Hindi makapaniwala na magagawa ng kapulisan na ipasok ang mabigat’ malaking halaga ng bawal na gamot gayung mahirap ang pagpasok ng sinuman sa nasabing himpilan, hindi ang dalang kontrabando, hehehe. Naging isang malaking usapin na kinarga ng kapulisan ang usaping ito na naging daan sa retirement ng dating puno ng kapulisan. Gamit ang takdang edad sa pagreretiro ang ginawang dahilan sa pagbibitiw.
Pangatlo, ang isang kaganapan sa isang bayan sa kaMindanaoan. Nagkaroon ng sigalot ang dating magkasangang politiko sa lugar na dahilan upang damputin ang isang alkalde sa isang bayan sa utos kuno ng puno ng lalawigan. Hindi sisilipin ang usaping politika sa halip nais bigyan pansin ang kilos ng kapulisan na sumusunod kuno sa lehitimong utos ng puno ng lalawigan. Ang masakit, nakikiusap ang isang ginang sa pulis na magdadala sa alkaldeng hinuhuli na kausapin ang nasa kabilang linya ng CP. At nang malamang ang CPNP ang nasa kabilang linya ng CP tumangi ang pulis na nakikiusap at bumaba upang maiwasan na makausap ang Hepe ng kapulisan. Ano bayan? O’ sadyang mahina ang liderato ng kasalukuyang hepe ng PNP na kahit mababang rango sa kanilang hanay’ ayaw itong makausap. Sabi nga ni Sen. Tobats, sa oras na iyon pupuntahan nito ang hepe ng kapulisan sa lalawigan at pagsisipain niya ang mga ito.
Panghuli, napansin sa mga uploaded video ng kapulisan na gumagawa ng kabutihan sa kapwa, na pananakot ang simula ng video gayong kabutihan ang gawa. Bakit kailangang simulan sa pananakot ang mabuting gagawin, dahil ba pulis at kailangang maging brusko upang tumalima si Mang Juan? Ang pagpapatupad ba ng kaayusan ng pamayanan ay sinisimulan sa hawak na bakal. Bakit ‘di simulan sa positibo at maluwalhati ang katapusan? Kailangan bang kinatatakutan sa pagpapatupad ng batas sa halip na ginagalang at sinusunod ni Mang Juan, tanong lang po.
Mahirap tanggapin ang mga kaganapan sa taas na larawan ng kabuuan sa kapulisan sa bansa. Ang kawalan ng respeto ng ilang nasasakupan ng punong kapulisa’y isang kabiguan sa kanilang hanay. Masakit sabihing may mali o kulang sa oryentasyon ang kapulisan at kailangang muling sumabak sa pagsasanay higit ang pagiging magalang sa mga opisyal. Hindi kumbinsido ang Batingaw na ito ang kalakaran sa kabuuan sa kapulisan. Batid na marami ang matitinong pulis kontra sa mga bulok. Ngunit mas nakakakuha ng atensyon ang kamalian kontra sa kabutihang nagawa. Muling isabak sa re-training at re-oryentasyon ang kapulisan higit sa pagiging tapat at mabuting alagad ng batas na iginagalang at ‘di kinatatakutan. Ang pagkakamali sa nakaraa’y gawing hagdan sa kinabukasan na ang pulis o PNP’y tagaligtas sa isip at karanasan ng taong bayan. Tapusin ang kaisipan ni Mang Juan na ang kapulisan ang arogante sa kakalsadahan.
Maraming Salamat po!!!
The post AROGANTE SA KAKALSADAHAN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: