SA Section 7 ng ating 1987 ng ating Constitution ay matinding pinahahalagahan ang karapatan ng tao na mabatid ang mga impormasyon o kaalaman na may kinalaman sa interes ng madla.
Nakadidismaya po na sa loob ng mahigit na 30 taon, wala pang ipinapasa at inaaprubahang Freedom of Information (FOI) bill ang ating Kongreso.
Dahil walang FOI Law, sobrang hirap po na mabigyang pagkakataon ang taumbayan na mabigyang pagkakataon na makakuha ng impormasyon tungkol sa trabaho, transaksiyon na pinapasok ng ating public official.
Di ba po, sabi e, “Public office is a public trust.”
Dahil kapos sa transparency at accountability ang ating public servants, ito ay nakatutulong sa mga tiwali na mailihim sa madlangbayan ang korapsiyon, kawalang-silbi nila sa tungkulin.
Dahil sa kapos sa impormasyon, may takip at itinatago sa mata ng publiko ang mahahalagang transaksiyon may kinalaman sa interes ng bayan at ng bansa, ano ang nangyayari?
Hindi magawa ng taumbayan na makalahok sa kilusang magpapabago ng talamak na katiwalian, kainutilan ng mga korap at kasabwat ng mga taong gobyerno na ginagamit ang kapangyarihang bigay sa kanila ng mamamayan.
Madalas, may panawagan na sumali, kumilos ang publiko sa paglaban sa korapsyon, pero paano ito gagawin kung kapos, kulang sa impormasyon.
Yung simpleng request sa State of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng bayan e hirap na hirap nang maibigay, lalong mahirap makakuha o pahirapan pa bago maibigay ang mahahalagang impormasyon tungkol sa mga transaksyon, kontrata at negosyong pinapasok ng taong gobyerno.
Walang gaanong naging silbi ang Executive Order (EO) No. 2 ng nakaraang administrasyon, series of 2016 na pinirmahan ni dating Presidente Rodrigo Duterte na iniuutos sa mga pinunong opisyal ng ehekutibo na ipatupad ang ‘Right to Information;’ ‘Full Public Disclosure and Transparency in the Public Service and Providing Guidelines Therefor.’
May nangyari ba, wala, kasi itong Office of the Ombudsman ang siyang unang kumontra sa EO ni Duterte, sa ating pagkaalam.
Noong 2018, ipinatigil, ibinawal ni Ombudsman Samuel Martires ang malayang pagbibigay sa media ng SALN ng mga public official.
Konti lang sa LGUs noong 2018 ang tumupad sa joint memorandum ng Presidential Communications Operations Office (PCOO) at Department of the Interior and Local Government (DILG) na nag-uutos na sundin ang EO No. 2 ni Duterte.
At kahit na may sariling version ng FOI sa mga siyudad at munisipalidad, dumadaan pa rin sa butas ng karayom ang publiko na mabigyan ng mga dokumento at iba pang impormasyong may kaugnayan sa interes ng bayan.
Kung may makuha man, kulang o mga walang kuwentang impormasyon ang inilalabas sa publiko, ito ay lalo na kung ang impormasyon ay tungkol sa katiwalian o kawalang-silbi o makupad na kilos ng mga taong gobyerno sa tungkulin.
Sa Kamara at Senado, inaamag at hindi na natalakay ang kani-kanilang version ng FOI at kung ano-ano lang batas ang inaaprubahan na maipatupad man, walang silbi at pahirap sa taumbayan.
***
Totoong mahalaga sa bawat mamamayang Filipino na maipasa, malagdaan ang isang FOI Bill sa panahon ni Presidente Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. at sa batas na ito, malaya at magaang makakukuha ng mga impormasyon ang madlangbayan sa tatlong sangay ng gobyerno – sa ehekutibo, lehislatura at sa hudikatura.
Kung may FOI law, magagampanan ng mamamayan ang karapatan malaman kung paano ginagampanan ng halal at hinirang na tao sa gobyerno ang kanilang pananagutan at tungkulin sa bayan.
Magpapalakas ito sa taumbayan na hingiin ang bukas at lantad na kilos at pananagutan mula sa pamahalaan.
Kung may FOI Law, walang magagawang itago at ilihim ng mga sangay ng gobyerno ang mahahalagang dokumento at maoobliga na makakuha ng mga impormasyon kailangan ng taumbayan.
Kung nabigo ang administrasyon ni Duterte na mapasa ang FOI Bill, sana, i-certify rin as urgent, at sabihan ni Pres. Marcos ang mga kakamping kongresista at senador na ipasa na ang FOI Bill at malagdaan na para maging ganap na batas.
Dapat itong FOI ay isama at maging prayoridad ng Legislative Agenda ni PBBM.
Sana rin ang LGUs ay magpasimulang magsagawa ng konsultasyon sa bayan upang malaman ang mga dokumentong kailangan at dapat na mabilis na maipasa sa mga tao, at magpalabas ng regulasyon para sa bukas at lantad na paghahayag ng mga gawain, programa, transakyon, programa at proyektong pambayan.
Matapos ito, agad ay magpasa ang mga pamahalaang lalawigan, pamahalaang siyudad at munisipalidad ng kani-kanilang Freedom of Information Ordinance.
***
Matagal nang inupuan sa Kongreso ang FOI Bill sa panahon pa ng administrasyon ni dating Presidente Fidel V. Ramos na umabot sa second reading at sa Senado, tinalakay ang panukala, pero hanggang sa hindi na uli napag-usapan.
Minalas lang at inabutan ng pandemyang COVID-19 ang huling dalawang taon ni Duterte na nagpursige na maipasa ang FOI Bill.
Madalas na nanawagan noon si Duterte sa Kongreso at Senado na bago siya bumaba sa tungkulin, maipasa ang FOI Bill na tinawag niya na “urgent Legislative measure.”
Sabi pa nga dati ni Duterte, ang FOI Bill sa laban ng gobyerno laban sa korapsyon, na ito, lagi nang isinisigaw ng mga politiko na pag nahalal sila, lalabanan, susugpuin nila ang katiwalian.
Madalas ngang panawagan nila sa mamamayan ay tumulong laban sa masasamang taong gobyerno dahil sabi nga, hindi lang trabaho ng matatapat na public official ang pagsawata sa korapsyon: kailangan, mahalagang-mahalaga ang tulong, suporta at tiwala ng taumbayan.
Gustong-gusto nga ito na gawin ng publiko, pero paano nga kung itinatago, sinisira o ayaw ibigay ang mahahalagang impormasyon na kailangan ng bayan.
May mga ‘Help Desk’ na itinayo, may mga anti-corruption organization na itinatag pero konting-konti lang ang tagumpay na nagawa laban sa katiwalian.
Walang 100% compliance ang mga lokal at pambansang ahensiya ng gobyerno sa itinatakda ng Section 7 ng ating Konstitusyon.
Kung may sumusunod, kumbaga sa tubig, patak-patak lamang, walang todo bukas na buhos upang ang uhaw ng taumbayan sa tama, maayos at mapagkakatiwalaang impormasyon ay matighaw.
Kailangang amyendahan ang 2012 Data Privacy Law na ginagamit ng mga ayaw magbigay ng mga impormasyon na may kinalaman sa interes ng bayan.
Ginagamit ang Data Privacy Law sa pagtangging maglabas ng impormasyon na hinihingi ng mga grupong nais tumulong laban sa kabulukan sa gobyerno at pribadong sektor.
Panahon na po, Pangulong Marcos na magpasa ng FOI Bill!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay sumulat o magmensahe sa bampurisma@yahoo.com.
The post PANAHON NA, PBBM NA MAGPASA NG FOI BILL! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: