Facebook

Rice export ban ipinatupad ng India… KRISIS SA BIGAS, IBINABALA NI SEN. GO

Hinimok ni Senador Christopher “Bong” Go ang agarang interbensyon ng gobyerno sa sektor ng agrikultura sa harap ng posibleng krisis sa bigas sa pandaigdigang pamilihan.

Ginawa ni Go ang pahayag sa pagdalo niya sa groundbreaking ng bagong Batangas Provincial Medical Center sa Tuy, Batangas matapos siyang mabahala sa ipinatupad na rice exportation ban ng bansang India.

“Ang importante dito ay ang ating Department of Agriculture; government intervention agad ang ating umpisahan dito,” ani Go.

“Alam n’yo, ‘di naman natin masisisi ang India. May prayoridad din po sila, may pinapakain po sila. May sarili din silang market. S’yempre, tayo, hindi nila prayoridad ang pag-export para dito sa atin,” idinagdag ng senador.

Dahil dito, sinabi ni Go na dapat agad kumilos ang pamahalaan at tugunan ang lumalaking alalahanin ukol sa pagbabawal ng India na ma-export ng non-basmati white rice na maaaring makaapekto sa pandaigdigang pamilihan ng bigas.

Binigyang-diin ng senador na kinakailangang suportahanan ang mga lokal na magsasaka at palakasin ang domestic production ng bigas sa pamamagitan ng pagbibigay ng drought-resistant rice seeds, karagdagang fertilizers, karagdagang irigasyon, dagdag na pagsasanay at madaling access sa mga credit facility na may mababang interest rate.

“Ang farmers natin, karamihan po d’yan, ay walang pera po. Isang kahig, isang tuka; suportahan po natin sila para meron na rin tayong kakayahan na mag-produce ng ating sarili,” ani Go.

Ang desisyon ng India na ipagbawal ang pag-export ng bigas ay may malaking implikasyon dahil ang bansa ay bumubuo ng higit sa 40 porsiyento ng pandaigdigang kalakalan ng bigas.

Partikular itong nakalulungkot para sa Pilipinas dahil ang bansa ay apektado sa mga binahang palayan sa mga nagdaang bagyo at pag-ulan.

Bukod dito, ang Vietnam na pangunahing tagapag-importa ng bigas sa Pilipinas ay tumataas na ang presyo.

Kaya nanawagan si Go sa pagpapalakas ng lokal na sektor ng agrikultura na siyang napakahalaga sa bansa.

“Dapat po ay walang magutom. Kaya magtulungan tayo. ‘Wag tayong umasa sa ibang bansa. Dapat po ay maging productive tayo na bansa, suportahan natin ang ating local farmers,” idiniin ni Go.

Isa si Go sa nag-akda ng Republic Act No. 11901 na magpapalawak sa sistema ng pagpopondo sa agrikultura, pangisdaan, at pag-unlad sa kanayunan.

Naghain din ang senador ng SBN 2117 na layong bigyan ng full crop insurance coverage ang agrarian reform beneficiaries, gayundin ang SBN 2118 na magbibigay ng mas magandang insurance coverage at serbisyo sa mga magsasaka.

The post Rice export ban ipinatupad ng India… KRISIS SA BIGAS, IBINABALA NI SEN. GO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Rice export ban ipinatupad ng India… KRISIS SA BIGAS, IBINABALA NI SEN. GO Rice export ban ipinatupad ng India… KRISIS SA BIGAS, IBINABALA NI SEN. GO Reviewed by misfitgympal on Agosto 05, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.