
MISTULANG nag-amok si Bato dela Rosa dahil sa pressure na ituloy ang formal investigation ng International Criminal Court (ICC) kaugnay ng sakdal na crimes against humanity laban kay Gongdi at mga kasapakat kasama siya. Hindi nagustuhan ni Bato ang mga official action ng mga kalaban niya sa Kongreso.
Unang napagbalingan si Sen. Risa Hontivero na naghain ng resolusyon upang ipahayag ang damdamin ng Senado na marapat makipagtulungan ang gobyerno sa ICC sa pagpapatuloy ng naantalang formal investigation kay Gongdi. Mistulang bata na inagawan ng kendi na nagsalita si Bato na “personal” sa kanya ang ginawa ni Risa.
Tila nagulumihan si Risa pero hindi niya inalis na alaala na ang kanyang namayapang asawa at si Bato ay naging mga kadete sa Philippine Military Academy (PMA), ang pangunahing paaralan sa pagsusundalo sa bansa. Pero hindi barkadahan ang tingin ni Risa sa isyu. Diyan sila nagkaiba at nagkahiwalay ni Bato.
Sumunod na binalingan ni Bato si Kabataan Party List Rep. Raoul Manuel, ang batambatang kinatawan ng mga kabataan sa Kamara de Representante. Nagbanta ang naghuhuramentado na si Bato na kanyang pag-iimbestiga ni Manuel bilang “pagkakanlong” sa mga kasapi umano ng Communist Party of the Philippines (CPP). Hindi malaman kung ano ang batayan ng kanyang akusasyon maliban sa red tagging ng NTF-ELCAC. Walang binanggit si Bato bilang basehan ng kanyang akusasyon.
Hindi diretsong sinagot ni Manuel si Bato ngunit nakikita namin na palihim na tinatawanan at nililibak si Bato dahil sa kanyang walang saysay na banta. Sa kasaysayan ng mga lehislatura sa mga malaya at demokratikong bansa, hindi nawawala sa kanila ang tradisyon ng “parliamentary courtesy.” Alam kasi ni Manuel na bugso ng damdamin ni Bato ang kanyang sinabi. Hindi namin alam na maramdamin si Bato.
Nagbibigay galang ang bawat mambabatas sa kapwa mambabatas. Hindi ginagamit ang poder ng Lehislatura upang ilubog ang kapwa mambabatas. Hindi ito naiintindihan ni Bato. Limitado ang kanyang pag-iisip at kaalaman sa paggawa ng batas. Nahalata ang labis na kamangmangan at kasalatan ni Bato sa kaalaman sa trabaho niya bilang mambabatas.
May katwiran na maaburido si Bato sa takbo ng pangyayari. Dalawa ang maaaring mangyari: una, hindi siya makatakbo bilang reeleksiyonistang senador sa 2025 at kung makatakbo man, tiyak na matatalo dahil magiging abala siya sa pagtatanggol sa sarili sa pagharap sa ICC; at pangalawa, makukulong siya bilang kriminal at malilimutan ng mga tao. Alam ni Bato na wala na siyang kinabukasan sa pulitika.
***
LINGID sa kaalaman ng marami, bumuo ang gobyerno ni BBM ng isang komite sa haharap sa mga krisis. Kasama sa mga isyung hinahawakan ng crisis committee ay ang pangangamkam ng China sa ating teritoryo sa West Philippine Sea, ang sakdal ni Gongdi na nasa estado ng formal investigation sa ICC; at ang tumataas na presyo ng bilihin. Hindi natin alam kung sino ang nasa crisis committee ni BBM bagaman may mga hinuha na kasama si First Lady Liza Araneta-Marcos. Wala si Imee Marcos sa komite.
May mapangahas na netizen ang nagtanong kung naglalaglagan na sila. Ito ang aking mapangahas na sagot: “Mukhang ganoon na nga pero ayokong kumapit sa ganyan pananaw. Sa tingin ko, ginagawa lang ang tama. Tama na umangal tayo sa pangangamkam ng ating teritoryo sa WPS. Tama na makipag-alyansa tayo sa Estados Unidos bilang pagtutol sa ginagawa sa ating ng China. Tama na bigyang daan ang formal investigation ng ICC. Tama na muli tayong sumali sa Rome Statute, ang multilateral treaty na bumuo sa ICC. Tama na harapin ang mga tumataas na bilihin dahil marami ang naghihirap.”
***
LUBHANG mabilis ang takbo ng mga pangyayari sa nakalipas na dalawang buwan – Oktubre at Nobyembre. Inalis ng Kongreso ang confidential at intelligence fund ni Sara at dahil dito wala ng makukurakot si Inday Siba na pera ng sambayanan. Hindi na siya makakagalaw upang maghasik ng lagim sa bansa. Napalaya si Leila de Lima sa bisa ng piyansa na inilagak ng kanyang kampo sa husgado. Mortal na kalaban ni Leila si Gongdi.
Nangako si Leila na uunahin niya ang tumulong sa pagsulong ng sakdal kay Gongdi sa ICC. Kung kinakailangan, uunahin niya ang ICC kesa sa kanyang laban kay Gongdi. Nagpahiwatig si Leila na handa siyang kumakatawan bilang manananggol ng mga pamilya ng biktima ng EJKs sa ICC. Hindi ito magugustuhan ni Gongdi dahil may naiibang prestihiyo si Leila sa international community. Mabaho si Gongdi, walang kasing baho.
Hindi pa ito tapos. Polisiya na rin tulungan ang ICC sa formal investigation kay Gongdi. Hindi ito sinasabi ng diretso pero dahil walang ibinabang executive order o memorandum, at kahit verbal na bilin upang pigilin ang mga taga-ICC sa kanilang trabaho, tuloy-tuloy na ito. Ibinando na ang plano na bumalik ang Filipinas sa ICC.
May mga hakbang na repasuhin ng Kongreso ang prangkisa ng ng SMNI, ang estasyon ng telebisyon na pag-aari ni Apollo Quiboloy na sumikat sa pagkakalat ng fake news. Sa tingin namin, magsisilbi itong senyas upang hingin ng Estados Unidos ang extradition ni Quiboloy.
Noong Huwebes, nagdaos ng pulong balitaan ang kampo ni Quiboloy sa isang panaderya na pag-aari ng utusan ng China. Humingi si Harry Roque sa “lahat ng media practitioner” na suportahan ang SMNI. Pinagtawanan si Harry. Nilibak. Walang epekto ang kanyang kahilingan dahil walang kredibilidad si Harry.
Bukod diyan, nasuspinde na rin ang Smartmatic at mukhang hindi ito ang mangangasiwa ng halalan sa 2025. Naghahabol ang Smartmatic. Tinanggihan naman ng Comelec ang apela ng Smartmatic. Abangan ang susunod na kabanata.
Hindi nalalayo ang muling pagbubukas ng peace talks, o usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front (NDF). Mahalaga ito upang magkaroon ng political settlement ang sigalot sa pagitan ng gobyerno at mga rebelde.
Mukhang ipapasa ng Kamara de Representante ang resolusyon na tulungan ng gobyerno ang ICC sa formal investigation nito kay Gongdi at mga kasapakat. Lumusot na sa komite at tuloy-tuloy ito sa plenaryo. Nakikita namin ang 4th Quarter Democratic Reforms.
***
MGA PILING SALITA: “It’s hilarious that those in the previous admin who led, supported, and cheered jailing de Lima, closing ABS-CBN, harassing media and the opposition, and kowtowing to China, are now desperately portraying themselves as champions of sovereignty, free speech, and press freedom.” – Barry Gutierrez, netizen, ex-lawmaker
“Sus! ano bang klase yang school na San Beda, binigyan pa ng honorary award ang tulad ni Duterte, Aguirre. May katinuan ba utak nyo, eh yang mga yan mga terorista ng bayan, mga sindikato.” – Betty O’hara, netizen, kritiko
“Daig pa ni Pebbles yung humihilab ang tiyan at pinapawisan ng malamig. For the 1st time in his criminal life, he’s at the receiving end of the law. This time wala siyang maaasahang padrino. Justice is coming for you Pebbles” – Joel Cochico, netizen, kritiko
The post ‘FOURTH QUARTER DEMOCRATIC REFORMS’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: