
NALALAPIT na araw ng Pasko. Karamihan ng sumusubaybay at nakikilahok sa okasyon ay abala sa kani-kanilang paghahanda. Malaking bahagi ng paghahanda ay ang pumaroon at pumarito sa mga pamilihan upang kumalap ng mga regalo at pagkain na bahagi na ng kinagisnan natin tuwing pagsapit ng Pasko. Bukod sa mahina na ang puso ko dahil sa ” ataque de corazon” na naranasan ng inyong abang lingkod na isang stroke survivor, mabagal at mahina na po ako lalo na sa paglalakad. Ito ang kawikaan ng marami lalo na ang mga kapwa kong dual citizens. Dahil dito, mapapansin na naglilitawan na parang kabute ang mga nagsasamantala. Ito ang naranasan ko sa pagpunta ko sa isang mall na malapit sa akin na itago lamang natin sa pangalang SM Megamall.
Sa likod ng Building B, na humaharap sa malaking open parking sa tabi ng ADB, mapapansin na humihimpil doon ang isang grupo ng mga taksi na nagaabang sa mga pasahero. Ayon sa nakalap kong impormasyon, ito ay tinaguriang himpilan ng mga taksi na nakapila upang serbisyuhan ang mga galing sa Megamall. Heto po ang hindi maganda. Imbes na i-base sa metro, ng mga drayber ay nangongontrata upang ihatid ang kanilang pasahero. Mula sa Megamall hanggang sa tinitirahan ko sa likod ng likod ng mall na itatago lamang natin sa pangalang Robinson’s Galleria, sumisingil sila ng P150. Samantala mapapahiya ang metro dahil hindi ito hihigit sa presyo ng “flag down.”
Diretsuhan na tayo. May sindikato ang mga drayber ng taksi doon, at minarapat ng inyong abang-lingkod na isiwalat ito. Kaya nananawagan po ako sa LTFRB at Eastern Police District na manmanan nila ang gawain ng sindikatong ito at panagutin ang mga dapat managot. Ito na marahil ay malaking regalo lahat ng mananakay. Kasihan nawa tayong lahat ni Poong Kabunian.
***
NAGHAIN ang mga mambabatas mula sa Makabayan bloc ng resolusyon na umuudyok sa pamahalaan na makipagtulungan sa imbestigasyon ng ICC sa pag-amin ni dating pangulong Rodrigo Roa Duterte na ginamit niya ang confidential fund upang magsagawa ng pagpatay. Kahit nagsulat si SWOH ng liham na umuudiyok sa Kamara na huwag payagan pumasok at magsagawa ng imbestigasyon ang ICC, at naghain si Edcel Lagman ng House Resolution 1482 nakatakdang pakinggan ng Kamara ang salaysay ng mga saksi at kaanak ng mga biktima ng Oplan Tokhang. Sapantaha ko po na nalalpit na ang oras ng pahuhukom at pagtuldok sa malagim na bahagi nito sa ating kasaysayan. Kaya nararapat na abangan nating lahat ang coming soon.
***
TUMANGGI ang National Security Council sa paglalayag ng ilang pribadong mamamayan na magsagawa ng “Christmas Convoy” patungong BRPSierra Madre upang maghatid ng mga regalong nakalap nila para sa mga sundalo na nakahimpil doon. Sa sapantaha ng inyong abang lingkod tama po sila. Ngayon, bago niyo po bansagan na isang “killjoy” o kasapi sa “tropang kontra-Pasko ang NSC at inyong abang lingkod konting paliwanag po: bagama’t batid natin na mahalaga na magbigay ng suporta ang mamamayan sa mga tropa sa BRP Sierra Madre, nangangamba po tayo na mapahamak ang mga sibilyan na magsasagawa ng “Christmas Convoy” dahil hindi tiyak ang seguridad nila dahil sa sensitbong situwasyon sa Ayungin.
Sa maikli naniniguro po ang NSC na walang madadamay na sibilyan dahil batid nila na hindi mahuhulaan ang reaksyon ng mga Tsinong Pulahan. Sa opinyon ng inyong abang lingkod maaaring ihatid ang mga naturang pamasko para sa nagmamanman sa BRP Sierra Madre sa himpilan ng Philippine Coast Guard at ipaubaya sa kanila na isagawa ang “Christmas Drive” na mula sa mga mamamayan na nagpapasalamat sa kanilang atang para sa Bayan. Sa palagay ko kung nagagawa nilang bantayan ang ating mga hangganan, magagawa nilang maghatid ng ating pamasko para sa tropa sa BRP Sierra Madre.
***
“NAHAHARAP kami sa kakaibang na pagbabata sa buhay namin kaya nagawa namin na magbigay ng huwad na salaysay laban kay Senador De Lima. Ito ang laman ng liham na nilagdaan ng pito pang saksi laban kay dating senador Leila De Lima. Ang salaysay nina German Agojo, Tomas Doñina, Jaime Patcho, Wu Tuan Yuan, Engelbert Durano Jerry Pepino, at Anton Tan. Ang manpestasyon na sinumite ni De Lima sa sala ni Hukom Gener, ay nagdagdag ng pito sa mga saksing nag-urong ng restimonya laban sa dating senador, ito ay dumagdag ng mga butas sa kasong hinarap ng prosekusyon. Patunay na base sa huwad na paratang, at nalalapit na ang pagwawalang-sala kay dating senador De Lima.
***
Mga Harbat Sa Lambat: Pinaslang ang radio broadcaster na si Juan Jumalon o kilala bilang “DJ Johnny Walker” matapos barilin habang nasa kalagitnaan ng kanyanvg programa sa Gold FM 94.7 sa Calamba, Misamis Occidental. Nakikiramay ang mamamahayag na ito sa mga naulila.
“Hindi naman ako ang pinakamaganda sa nanalo, kaya ang pagiging Miss Universe is all about luck, kahit tumiwarik ka diyan kung hindi para sa iyo, hindi ka mananalo, swertihan di’yan…” -Gloria Diaz, Miss Universe ,1969
“Zara go away… Sick of you & your rotten dad… Ganda sa Hague…” -Mitch Valdez, artista, magaawit, netisen
***
mackoyv@gmail.com
The post SINDIKATO SA TAKSI appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: