HINDI kinaya ng hilot ang humihilab na tiyan ng anak ni Aling Marya kaya’t nagpasya na dalahin sa pagamutan at doon iluwal ang sanggol na dala sa sinapupunan. Hindi magkandaugaga ang matanda at dali-daling dinala ang anak na hirap iluwal ang sanggol dahil natuyuan ang panubigan sa haba ng pagdaramdam sa panganganak. Sa pagsalang sa paanakan, hindi nagtagal at iniluwal ang bata na tila hirap sa paglabas. Kagyat na pinalo ang puwitan ng malaman ang kalagayang pangkalusugan. Salamat, malusog ang bata at malakas ng pag-iyak ng tapikin ng doktor na nagpaluwal. Sa nagisnan, hindi maalis ang tuwa ng matanda ng makita ang apong siyam na buwang inabangan. Hindi maitago ng matanda ang saya higit ng inang nagluwal sa sanggol ng makitang malusog at tila bibo sa lakas ng pag-iyak.
Tunay na nakapagpapasaya sa magulang ang makita ang batang kawangis ng iniluwal. May sumibol na pag-asa sa magulang ang anak na makakatuwang sa darating na panahon higit sa pagsubok na tatahakin. Walang makapagsabi kung ano ang kapalaran ng batang iniluwal ngunit malaki ang pag-asa ng magulang na magiging mabuti ito dahil ibibigay ang tamang pag-aalaga at pagpapalaki sa anak na nakakasama sa kinabukasan. Mahalaga ang bawat sandaling ginugugol sa pagpapalaki sa anak na ayaw padapuan kahit sa anong insekto. At sa paglaki, hindi mapabayaan na mag-isang pumasok sa paaralan at kailangang ihatid hanggang sa silid aralan at ibilin sa gurong magtuturo.
Lumakad ang panahon naging ganap ang pagkatao ng batang akay-akay ng magulang saan man magtungo. Sa paglaki, unti-unting natutunan ang mag-isa at tumayo sa sariling paa upang ipakita ang sariling kakayahan at nasa tamang edad upang makapag-isa. Sa totoo lang, ikinaiirita ng bata na sinasabihan ng magulang ng mga dapat gawin, ikilos o pag-uugali dahil sa ayaw maturan na mama o papa’s boy / girl. Subalit ‘di maalis sa magulang na paalalahanan kahit sa payak na paraan upang matiyak ang kaligtasan. Walang hindi gagawin o sasabihin dahil ang kagalingan ng anak ang nasa isip at puso. Hindi ikinayayamot at walang pagtatampo na kung minsa’y nasasabihang paulit-ulit dahil ang kagalingan ng anak ang una, higit sa kasalukuyang panahon.
Sa paglabas ng tahanan, umaasa ang magulang na walang masamang mangyari sa anak na pinakamamahal. Umaasa sa mga tinuran na mga aral sa anak ang dala-dala anumang oras higit kung ito’y wala sa piling. Ang aberya ng anak ang kaganapang hindi kayang tanggapin na ikasasawi ng magulang na ganap ang pagmamahal. Ngunit ang masalimuot na kapaligiran na hindi mapanghahawakan ang tunay na sagka sa kaayusan ng mga kabataan. Sa paglabas ng bata sa tahanan, ang paalala’y laging kalakip ngunit hindi katiyakan ng ganap na kaligtasan. Hindi hawak ng magulang ang masalimuot na kapaligiran higit ng inilunsad ang programang nagawa ng namumunong dugo ang ibig sa pamamahala.
Walang sini-sino sa ngalan ng kampanya kontra sa droga, walang inosente, maging sino kaman. Mamalasin ang sino man kung ikaw / ito ang nasa maling lugar at oras ng mga kautusang tagapagpaganap ng laban sa droga. At marami sa mga kabataan ang inalas at inutas dahil sa maling lugar at oras. Nawalan ng hininga ang maraming kabataan dahil sa maling hinala ng mga tagapagpaganap sa programang kontra sa droga. Wala bang halaga ang buhay ng tao o ng Pinoy.
Tatlo ang layon ng programa kontra sa droga, ang kumitil, ang pumatay, at todasin ang sino man upang napagwagihan ang laban sa droga. Sa kabilang banda, naging palasak ang paglapastangan sa buhay ng maraming inosenteng tao na walang relasyon sa inilunsad na laban. Hindi mabilang sa dami ng mga taong nasawi na ‘di nakarating sa gulong ng katarungan. Ang kaliwa’t kanang pagpatay dahil sa gawa-gawang krimen na may kaugnayan sa bawal na gamot ang karaniwang balita sa media at social media. Tulad ng unang banggit, walang umaabot na usapin sa mga sala ng katarungan dahil wala ng magsasalita upang sabihing walang kasalanan. Isa bang Standard Operating Procedure (SOP) na ‘di kailangan ng usapan sa hukuman at ang pagpapasya’y naganap sa lugar ng damputin ng bangkay. Nahan ang halaga ng buhay sa kaganapang banggit?
Ngunit ‘di lahat bulag, pipi at bingi, may isang mamamahayag na nagngangalang Philip Lustre, Jr. ang walang takot na sumulat ng aklat na may titulong Kill Kill Kill. Inilarawan ni Ba Ipe ang walang habas na patayan sa panahon na inilunsad ang laban sa droga ng nakaraang pamahalaan, walang dagdag bawas. Sa halip mga tunay na ganapan ang mga bangit at patotoo sa ibig ng dating pangulo, Kill, Kill, Kill. Naganap ang Kill, Kill, Kill ‘di lang sa panahon ng panguluhan ni Totoy Osla, maging ng ito’y alkalde sa Lungsod ng Dabaw. Malinaw ang pagpapahayag ng mga utos na mga pagpatay higit nang bawiin ng mga gumawa ng pagpaslang ang kanilang sinumpaang sanaysay. Ang pagbaligtad ng mga taong kalahok sa mga pagpatay ang patunay na walang halaga ang buhay sa mga taong mapanglilo.
Sa isang bahagi ng aklat, inilarawan ang pagbubuhol ng usapin upang maalis sa landas ang taong kinaiinisan na minsang nais hukayin ang kasalanan ni Totoy Osla. Pinagtahi-tahi ang mga istorya at pamimilit sa mga bulaang saksi na lumagda sa mga sanaysay. At ito ang ginamit o sanhi ng pagkakulong ng isang ina, anak at lingkod bayan. Ang masakit sa pagkakakulong nariyan na limitado ang galaw maging ang pagdalaw ng mga bumibisita maging ang ilang senador mula sa Estados Unidos. At may kaganapan na halos magbuwis ng buhay si D5 sa isang presong unang inalisan ng hininga ng mga bantay ng selda. At sa huli, nagbaligtaran ang mga bulaang saksi upang mapawalang sala at makapagpiyansa si D5, at ngayo’y ganap na malaya.
Hindi maikakatwa na may bahid ng dugo sa kamay si Totoy Osla, ang ama ng mga patayan naganap sa bayan ng ito’y nasa puno ng Balite sa Malacanan. Ang kawalan ng pagpapahalaga sa buhay ng tao’y tatak ng grupong pinangungunahan nito. Ang pagbagsak ng kabuhayan ng mamamayan ang konkretong patunay na hindi ito para sa bayan at ang sarili ang tinitignan. Ang ‘di mabilang na mga namatay sa ngalan ng laban sa droga’y ang tuwirang dahilan sa napipintong pag-usad ng pag-uusisa ng ICC na dapat harapin ‘di lang ni Totoy Osla, maging ng mga taong sangkot sa mga patayang naganap. Ang hindi balikan kung paano iniluwal ang sangol ang ugat ng kawalan ng pagpapahalaga sa buhay, higit sa mga inosente at walang kasalanan. Panagutin ang dapat panagutin, pahalagahan ang mga buhay na nawala dahil sa salang programa sa droga. Ang pagsulong sa mga usapin ng mga nawalang buhay sa nakaraan ang tamang hakbang para bigyan halaga ang buhay na lumisan.
Maraming Salamat po!!!
The post HALAGA NG BUHAY appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: