ILANG araw na lang ay Pasko na kaya ang iba ay umalis at nag-abroad at pumunta sa Hong Kong, Japan, Singapore, Taiwan at iba pang bansa.
Imbes na magpunta sa ibang bansa ang ating mga kababayan, dapat pakilusin ang ating local tourism officials, i-promote ang turismo sa ating bansa.
Sa mga airline at shipping at transportation industry, gawin mas mura ang pamasahe at ang mga hotel at mga lugar pasyalan, ibaba ang gastos para maengganyo ang mga Pilipino na mas bisitahin at mas mahalin ang ating bansa. Mas cheaper kasi ang mag-travel abroad kaysa magpasyal sa ating mga probinsiya.
Suportahan natin ang local tourism.
***
Tama ang mga programang ipinatutupad ng Metro Manila Development Authority para mapaluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA at sa iba pang ruta ng mga sasakyan sa Matro Manila.
Pero ang mahusay na daloy ng trapiko ay nahahadlangan ng ilegal na gawain ng ilang traffic enforcers sa Metro Manila, nariyan na sitahin at pahintuin ang mga sasakyan – na nagiging sanhi ng masikip na trapiko – para sa mga paglabag na walang dahilan naman, kungdi ang nais lamang ay makagawa ng paraan para mapuwersa ang isang hinuling tsuper na mag-alok ng suhol o lagay.
Sa kabila ng ilang insidente na napanood pa sa telebisyon at naiulat sa radyo at pahayagan ang ilang huli-sa-aktong-pangongotong, hindi pa rin natatakot ang mga “buwayang traffic enforcer sa kalsada.”
Paano nga ay nasasamantala ng mga tiwali at mga opisyal na “matindi ang pangangailangan” para sila ay makalikha ng mga paraan at dahilan para makapangikil.
Mapapansin ang mga ilegal na paradahan ng mga legal at kolorum na sasakyan na nakahambalang sa mga kalsada, at ang dahilan nito ay ang lagay o proteksyon para hindi hulihin sa paglabag sa batas-trapiko.
Bunga ng ganitong masamang gawain, ang mga tsuper naman ay nagiging abusado at kaskasero sa kalsada na madalas ay maging sanhi ng malulubhang aksidente sa kalsada, at ano ang masaklap na bunga nito?
Kamatayan sa minamalas na pasahero o naglalakad sa kalsada, bukod pa ang malaking pinsala sa katawan ng mga biktima at ang pagkasira ng mga ari-ariang pribado at pag-aari ng gobyerno.
Ang kailangan ay mahigpit na pagdidisiplina at pagpapataw ng mabigat na parusa o multa sa mga pasaway sa kalsada.
Ang katiyakang sila ay magmumulta o makukulong ang siyang pinakamabisang banta at panakot sa mga taong ang hilig ay lumabag sa batas upang makapanlamang at kumita sa masasamang paraan.
***
Tulad ng katuwaan o kapayapaan, ang lungkot at ligalig ay patunay na tayo ay buhay na buhay. Hindi kahiya-hiya ang pagluha. Natural lamang kung manahimik, maging mapag-isa kung may nararamdamang kalungkutan at kirot sa dibdib.
Hayaang lumuha, magdamdam, pero ang buhay ay patuloy na gagalaw, hindi hihinto ang mundo dahil may kabiguan ayaw nating tanggapin. Isuko natin ang sarili sa katotohanan. Hindi na mababago pa ang lahat sa pagluha, sa pagmumumok. Kumilos na para baguhin ang nangyari na. Kung hindi tatanggapin ang kabiguan, hindi matatamo ang tagumpay na tiyak darating sa patuloy na pagbangon at paglaban sa mga hamon at pagsubok sa buhay.
Sabi nga: No pain, no loss is too great for us to overcome. Let’s love thyself.
***
Uulitin ko dear readers ang kuwento noong 1940 nang dumating ang mga hapon sa maraming dako ng bansa, pero hindi gaanong pinansin ng ating pamahalaan.
Tulad ng mga “Intsik-beho,” kahit nakatitikim ng diskriminasyon at panglalait noon ang mga dayuhang hapon ay mababait, at walang angal sila.
Pero ang karamihan pala na dumating na mga Hapones ay mga espiya; mga may ranggo sa Japanese Army at palihim na nagbibigay ng mahahalagang impormasyon sa politika, ekonomya at military. Kaya madaling nasakop ng Japanese army ang Pilipinas sa pagsiklab ng WWII nang tumanggi tayo na sumapi sa Asia Co-Prosperity Program ng Japan.
Isa ‘yon sa “silent invasion” ng Japan, at malaki ang panganib na maulit ito.
Sa ngayon kasi kahit na hinigpitan na ang proseso nang pagpapasok sa mga dayuhang Intsik ay tuloy-tuloy at araw-araw ay marami pa ring mga Chinese ang nakapapasok nang walang hassle dahil ito umano ay pinapapasok ng ilang tiwaling taga-Bureau of Immigration. Milyon-milyong piso umano ang kapalit ng bawat isang ‘high value personality (HVP)” na pinapapasok ng BI sa bansa.
Maaaring ang mga HVP na ito ay mga sundalong Chinese na may lihim na misyon sa bansa. Noon pa ito nangyayari, pero mas dumami ang mga Chinong ito nang mag-operate ang pagtatayo ng Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) at kailanganing kumuha ng Chinese at Taiwanese Pogo workers sa maraming lungsod sa Metro Manila at kalapit na probinsiya.
Sabi ng ating pamahalaan kuno ay humina na ang pagdami ng Pogo workers pero nagkalat pa rin sila sa Pilipinas, na ang iba ilegal na nag-o-operate at ang iba ay legal na pinahintulutang mag-operate ng estado.
Siyempre ang mga dayuhang Intsik na ito o Pogo workers ay dala-dala ang kanilang mga bisyo: prostitution, money laundering, at posibleng marami sa kanila ay hindi lang karaniwang manggagawa, katulad ng mga balita dati na ang mga naarestong Chinese at hindi lang ilegal na Pogo worker: hinihinalang sundalo o opisyal ng People’s Liberation Army ng China, sanabagan!
Marahil kaya tayo tinatarantado at pilit na inaangkin ng Chinese ang West Philippine Sea na talaga namang atin ay marahil organisado na ang mga espiya nito sa loob ng bansa natin.
Hindi sila marahil nandito para magtrabaho. Misyon nila marahil ay gawing sentro ng kanilang sindikatong kriminal ang Pilipinas.
‘Wag sanang maulit ang “silent invasion” ng Hapones sa pagdami ng dayuhang Chinese sa bansa.
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post “SILENT INVASION” MAPANGANIB NA MAULIT NA GINAWA NOON NG HAPONES appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: