Facebook

MALAPIT NA ANG PASKO

Hindi malaman ng kamag-anak ni Mang Juan kung saan at paano ipagdiriwang ang pasko sa dami na natanggap na biyaya. Tulad ng magulang ang mga anak ay nagsisipag trabaho at sobra sa lukbutan ang perang natangap kaya’t tulad ng magulang nag-iisip kung saan o ano ang ibig sa darating na Pasko. Walang minamali sa tinatamasang kasaganahan dahil galing sa matuwid na gawa at resulta ng kasipagan ang probidensya. Nakakaaliw na makitang nagdadaos ng pasko ang isang pamilya ng may kaluwagan at nabili ang nais na regalo sa sarili, tunay na naka lugod lugod. Ang palitan ng regalo sa araw ng kapanganakan ng managinip ang pinaka angkop na selebrasyon tulad ng pagdalaw ng tatlong Haring Mago sa Kristo na nasa sabsaban. Tunay na hindi mailalayo ang abang kalagayan ng Nino subalit ang bigyan ng pagkilala ang sarili sa pagsisikap na ginawa sa nakaraan ang nararapat.
Samantala, ang lamig ng panahon ang dama ni Mang Juan sa nalalapit na kapaskuhan. Walang ibang kapritsong nasa isip sa halip, ang ipagpatuloy ang karaniwang gawain sa pagdaraos ng pasko bilang karaniwang araw sa buhay. Hindi iniisip ang ihahanda sa 25 ng Disyembre dahil isang karaniwang araw sa pamilya ang pasko. Ang bagong labang damit at mapalad kung may mabiling bago sa tabi-tabi ang gagamitin sa araw ng pagdiriwang ng pasko. Ang pagpunta sa simbahan at pagpasyal ng kaniyang mga anak sa ninong o ninang ang gagawin upang kahit paano’y may magagamit sa susunod na mga araw. Ang maiipon na pamaskuha’y ihahatag sa nanay na pantustos sa pagkain at pamasahe sa asawang papasok sa trabaho. At konting pagsasaluhan sa darating na bagong taon.

Di mawala sa isip ni Mang Juan na magtanong, tunay bang hindi pare-pareho ang kapalaran ng tao sa mundong ibabaw. Ang pagkakaiba ng kalagayan sa buhay ang nagbibigay kulay upang masabing may kailangan ayusin higit ang mga namamahala sa bansa. Ang pagkakaiba ng tayo sa buhay ang matingkad na rason upang magsumikap ang padre / madre de pamilya ng makamtan ang nais na kaayusan sa buhay. Ang pagsisikap upang ang tulad ng pamilya ni Mang Jua’y makapagdiwang ng Pasko na sapat upang may mapagsaluhan ang siyang inaasahan sa bawat Pinoy na mahalaga ang araw ng Pasko. Hindi maghahanap ng luho sa araw ng Pasko, ang magsalu-salo sa hapag ang bagay na nais, Ang piging na pinagsasaluhan ang dahilan ng taimtim na pasasalamat sa sanlumikha at mananagip. Ang may maisubo sa oras ng pagdiriwang ng pasko ang tanging nais ng malasap ang kasiyahan, pagmamahalan at pagkakaisa ng pamilya kahit sa panahon na dama ang hirap ng buhay.

Tunay at makatotohanan na ang pagkakaiba sa tindig ng kabuhayan ang rason ng pagkakaiba ng diwa ng pasko sa bawat pamilya. Subalit hindi magkaiba sa diwa ng bata ang rason ng kapaskuhan dahil payak na kaisipan, ang magbigay at tumanggap ng ano mang regalo’y sapat ng masasabi. Sa bata ang idinaos ang araw ng pasko sa pagbisita sa mga mahal sa buhay at makatanggap ng regalo’y kaligayahan ang masasabi. Walang presyuhan sa kung ano ang natanggap, at magamit sa susunod na araw higit ang mga laruan ay kasapatan at kaligayahan. Umasang maipagmamalaki ang mga regalong natanggap higit galing sa taong tinatanaw na malapit sa puso ang magpupuno ng kasiyahan. Wala sa halaga ang regalong natangap, ang maalala sa araw ng pasko’y sapat ng masasabing Maligaya ang Pasko.

Ang kaibahan sa estado sa buhay ng tao ang masakit na realidad na naglalayo sa iisang diwa ng kapaskuhan. Ang pagdiriwang na magkaiba ngunit iisa ang pinanggalingan ng pagdiriwang ang malupit na dahilan kung bakit nagkakaroon ng ‘di pagkakaunawaan sa mundong ibabaw. Ang pagkakapareho ng tao ang diwa na nawala ng ang iilang nilalang ang nag-asam ng higit sa kailangan. Hindi nasiyahan sa araw-araw na nakakamit at kumuha ng labis para sa kinabukasan. Ang pagnanais na makakuha ng labis na gamit sa kinabukasan ang dahilan ng pagkakaroon ng lamangan. At sa totoo lang, pareho naman ang pangangailangan. Ang paghahanap ng labis ang dahilan kung bakit nagkaroon ng pagbabakod sa mga lugar na taniman at pangangaso. Ang labis na pagkaibig sa materyal na pagmamay ari ang siyang nagbago sa pagnanasa ng tao sa mundo. Nakakaiyak ang kaayusang dating para sa lahat ngunit ngayo’y sa iilan na lang.

Sa totoo lang, hindi ramdam ang kawalan sa nakaraan panahon higit kung sa isusubo ang pinag-uusapan. Nariyan na ang pagiging masipag o masikap sa paghahanap ng makakain ang reglang dapat gawin ng manatiling buhay sa mundong ibabaw. Walang hindi mahahanap, nasa kapaligiran na pag-aari ng lahat ang hanap at matatagpuan. Ang pagkakaroon ng pagbabakod ng lugar na ibig ang modelo kung bakit naghiwalay ang pangangailangan ng tao. Ginamit ang iba para sa sariling layon ng iilan na lumikha ng relasyon ng mangagawa’t nagmamay ari na wala sa una. Sa kaayusang ito, nagkaroon ng pagkakaiba ng ibig ang bawat tao higit sa mga pagdiriwang ng kaganapan. Lumayo ang diwa ng Pasko na pantay pantay ang lahat dahil nagkaroon ng meron ang iilan samantalang naghahanap ang nakakarami. Sa paglayo ng diwa ng Pasko, lumayo ang agwat ng kabuhayan ng maraming tao sa iilan. Sa suot na damit, silip na iba ang meron sa wala.

Malapit na ang pasko ngunit patuloy na lumalayo ang diwa sa tunay na layon ng pagkakasilang ng Hesus na simbolo ng pagkakaisa. Sa totoo lang sa mga bata makikita ang tunay na diwa ng pasko ngunit hindi makita sa kasalukuyan. Hindi dama sa mga paslit ang pagkaka pare-pareho sa pagdiriwang ng paskong ibig dahil sa kalagayang pangkabuhayan. Ang mga maralita’y pinadadaan ang araw na bilang karaniwang araw. Ang pagtapat sa mga kabahayan upang umawit at maabutan ng konting halaga’y kasiyahan. Samantala sa kabila, ang mag-abot ng konting halaga sa mga tumatapat ang siyang ibig. Ang pagbibigay at pag-abot ng konti sa mga wala ang diwa na sana’y magpatuloy sa araw-araw ng madama ang tunay na dahilan ng pagkakasilang ng tagapagligtas. Ang pamamahagi ng meron sa wala ang araw-araw na pasko na sana’y maganap sa ating lahat. Malapit na ang Pasko, Maligayang Pasko mga Kaibigan, Kapatid, Kakilala at sa lahat.

Maraming Salamat po!!!

The post MALAPIT NA ANG PASKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MALAPIT NA ANG PASKO MALAPIT NA  ANG PASKO Reviewed by misfitgympal on Disyembre 19, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.