Facebook

MORO-MORO NA RAID SA MALVAR AT LIPA CITY, VICE OP SA BATANGAS, SIYASATIN!

NANAWAGAN ang grupo ng anti-crime and vice crusader kay PNP Chief Benjamin Acorda Jr. na imbestigahan kung sino ang mga opisyales at tauhan ng Batangas at Region 4-A Police Office na nasa likod ng pinaniniwalaang moro-moro na raid sa dalawang mala casino na pasugalan na itinuturo pang drug den at pugad ng prostitusyon sa mga bayan ng Malvar at Lipa City, sa lalawigan ng Batangas. Pinasisilip din ng naturang grupo ang lalong paglaganap ng mga vice operation sa naturang lalawigan.

Malaki ang alingasngas na idinulot ng hinihinalang “palabas” o moro-moro na pagsalakay ng kapulisan sa kontrobersyal na permanente o puesto pijo na pasugalan ng isang Glenda at ng kasosyo nitong PNP captain sa Brgy. Santiago sa bayan ni Malvar Mayor Cristeta Reyes at Brgy. Pinangtong-olan sa siyudad naman ni Lipa Mayor Eric Africa.

Sa magkasunod na raid ay 10 sugarol: anim sa Brgy. Santiago, Malvar at apat sa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City, ang iniulat na naaresto ng magkasanib na pwersa ng PNP Region 4-A Intelligence and Investigation Branch (R2) at Regional Special Operation Unit (RSOU).

Tila apoy na kumalat naman ang ulat na pawang mga fictitious o pekeng pangalan ng mga suspek ang isinumite ng mga police investigator sa pagsasampa ng kaso laban sa mga naarestong tauhan ni Glenda sa Lipa City at Provincial Prosecutors Office.

Matunog din ang balita na hindi inaresto ng mga awtoridad si Glenda matapos na makatanggap kuno ng tawag mula sa nagpakilalang staff sa senado ang ilang opisyales ng Batangas PNP at ng PNP Region 4-A na “umaarbor” upang huwag arestuhin si alyas Glenda, ang asawa nitong si alyas Utoy at ang kalaguyong PNP captain.

Inaalam pa kung tunay na mula nga sa senado ang naturang tawag at kung sinong Poncio Pilato ang tumawag para huwag arestuhin at kasuhan si alyas Glenda.

Matagal nang inirereklamo ang pagkakaroon ng permanenteng Malvar gambling con drug at prostitution den ng tinataguriang “Gambling and Drug Queen” ng Batangas na si alyas Glenda. Katunayan ay may isang taon at kalahati na itong nag-ooperate sa tabi ng CP Reyes Satellite Clinic malapit din sa Malvar Police Detachment. Bagama’t nasa “tungki lamang ito ng ilong” ni Capt. Nemecio Calipjo Jr. ay di naman ito sinasawata ng naturang police chief.

Ang isa pang kapareho ding gambling den ni Glenda na nasa Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City ay may anim na buwan namang dinudumog ng mga sugarol at drug addict, ngunit wala ding aksyon laban dito si Lipa City Police Chief LtCol. Rix Villareal.

Dahil sa kawalan ng aksyon sa mga naturang vice den, hinihinala tuloy ng anti-crime and vice group na “kinakanlungan” nina Batangas PNP Provincial Director Col. Samson Belmonte, Police Chief Capt. Calipjo at LtCol. Villareal, ang salot na vice den? Kaya’t nanawagan na ang nababahalang sektor kay PNP Region 4-A Director PBGen. Paul Kenneth Lucas na siya na mismo ang humakbang laban dito.

Ang akala ng mga mamamayan ay si PBGen. Lucas na nga ang katugunan sa kanilang suliraning dulot ni alyas Glenda na nakakasira hindi lamang sa peace and order sa mga bayan ng Malvar at Lipa City kundi maging sa buong ng lalawigan ng Batangas. Result anito ay ipina-raid ng heneral ang dalawang vice den na ino-operate ni Glenda.

Ngunit tila isang pagkakamali pala pagkat sa kabila ng naganap na raid ay nabunyag na patuloy pa din ang operasyon ng dalawang pasugalan ng name dropper ng gambling operator. Kumpirmadong hanggang sa panahon ng kapaskuhan ay tuloy ang pasugal sa Malvar at Lipa City.

Nakumpirma ng mga anti-crime and vice crusader na ginamit pala at tinakot ni Glenda ang ilang top PNP official sa R 4-A at Batangas PNP at pinalitaw nito na may permit mula kina Senador Ronald “Bato” Dela Rosa at Christopher Lawrence “Bong “Go na makapag-operate ng pergalan (peryahan na may sugalan). Ilang oras matapos ang “raid kuno” ay nabuksang muli ni Glenda at ng kalaguyo nitong police captain ang kanilang gambling na may shabuhan sa mga naturang bayan at lungsod.

Ganon katindi ang agimat at impluwensya ng salot na gambling icon, drug operator at Mama San na si Glenda. Pinagmukhang kenkoy tuloy sina PDGen. Acorda Jr.at PBGen. Lucas sa pinaggagawa ng kanyang mga pinagkakatiwalaan pa namang mga opisyales sa Batangas at Region 4-A?

Dapat ipasiyasat din nina PNP Chief Acorda Jr. at PBGen. Lucas ang biglang pagsulpot ng pasugalan ng isang Wacky Bakla sa mga ng Brgy. Camastilisan, Calaca at Tulo, Taal; Jayson Bakla alyas Bakal sa Brgy. Sabang at Karen sa Brgy. San Guillermo, parehong sa Lipa City; Nikki Bakla sa Brgy. Pagaspas at Liza sa Brgy. Ulango, kapwa sa Tanauan City; Arnold sa Brgy. Palico at Aris sa Brgy. Toong, kapwa sa bayan ng Tuy; Mallen sa Brgy. Looc at Efren sa Brgy. Balaytigue parehong sa bayan ng Nasugbu at maraming iba pa.

May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144

 

 

The post MORO-MORO NA RAID SA MALVAR AT LIPA CITY, VICE OP SA BATANGAS, SIYASATIN! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MORO-MORO NA RAID SA MALVAR AT LIPA CITY, VICE OP SA BATANGAS, SIYASATIN! MORO-MORO NA RAID SA MALVAR AT LIPA CITY, VICE OP SA BATANGAS, SIYASATIN! Reviewed by misfitgympal on Disyembre 23, 2023 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.