Facebook

AYAW NI MAYOR DIMACUHA SA BURIKI AT SINDIKATO! (Part 2)

BAGAMA’T isang babae ang alkalde ng siyudad ng Batangas ay may isang salita at matatag itong paninindigan tulad ng kanyang namayapang ama na si Eduardo B. Dimacuha. Ang bawat binibitiwang salita at pangako ay tinutupad sa gawa at hindi sa ngawa.

Pinatunayan ni Batangas City Mayor Beverley Rose Dimacuha na ayaw na ayaw niya sa ilegal, katunayan ay nang sibakin niya sa puwesto ang isang barangay leader na nasangkot sa katiwalian. Kung tutularan lamang sana ni Malvar town Mayor Cristeta Reyes si Mayor Dimacuha disin sana’y mapayapa at walang vice operation sa pamayanan niya?

Maging magandang halimbawa sana ang mga barangay chairman, kagawad at iba pang opisyales ng 105 na barangay sa lungsod, pati na ang mga nakatalagang pinuno at kagawad ng pulisya, pagkat tiyak na hindi kukunsintihin ni mayora at ni Batangas Congressman Marvey Marino, kung gagawa sila ng labag sa batas.

Kapag hindi nasawata ang talamak na paihi, patulo, paawas o buriki ng isang Buloy at ng dalawang miyembro ng Batangas City Police Office sa lupaing pag-aari ng Chinese mestizo na si Tan malapit lamang sa headquarter ng Fifth Coastguard District ay malamang na masampolan si Sta. Clara Brgy. Chairman Derick Arago at sapitin din ang kapalaran ng nasibak sa puwestong kapwa nito opisyal ng barangay.

Posibleng makasuhan si Chairman Arago ng usaping kriminal at administratibo dahil sa pagiging protektor, pakikipagkutsaban at sa pagpapabaya nito kina Buloy at grupo nito sa lantarang pagnanakaw ng produktong petrolyo sa Port Diversion Road, Brgy. Sta. Clara ng naturang lungsod.

Ilang taon nang namamayagpag ang buriki at illegal parking operation nina Buloy at ng dalawang bagitong pulis na pansamantalang hindi ibinunyag ng SIKRETA ang mga pangalan sa hurisdiksyon ng Barangay Sta. Clara ay imposible namang hindi ito natunugan o naamoy ni Chairman Arago?

May ilang tanod si Chairman Arago, kasama ang dalawang pulis na nagbabantay sa oras na nagpapaihi sina Buloy ng gasolina at krudo mula sa mga tanker at cargo truck na nakaparada ilang metro ang layo mula sa mahigpit na natatanurang main gate ng Batangas City Pier.

Nabubulagan kaya si Chairman Arago o nasilaw na din ito sa lingguhang milyones na intelhencia o suhol na ipinamumudmod nina Buloy sa ilang mga opisyales ng tanggapan mula sa Camp Crame PNP Headquarter, Region 4-A Police Headquarter sa Laguna, Batangas Provincial Police, Batangas City Police, Criminal Investigation and Detection Group at maging sa National Bureau of Investigation (NBI)?

Liban sa multi-milyong piso na halagang nakakale mula sa mga ninanakaw na produktong petrolyo sa mga tanker at cargo truck, ay kumokolekta din sina Buloy at ang mga kasabwat nito ng halagang Php 1,000 sa mahigit sa 50 truck driver na pumaparada sa kahabaan ng Port Diversion Road o tumataginting na di bababa sa Php 50,000 araw-araw.

Katunayan sa mga kaaliwaswasang nangyayari sa area of responsibility (AOR) nina Batangas City Police Chief LtCol. Dianne Del Rosario at Chairman Arago ay may mga video clip at litratong iniingatan ang SIKRETA ng sangkaterbang tanker at cargo truck na pinepeste nina Buloy.

Ang nagawa ng ating mga concerned citizen at KASIKRETA na makakuha ng mga ebidensya laban kina Buloy ay hindi nagawa ng opisyales at kagawad ni LtCol. Del Rosario at ni Chairman Arago. Baka naman kaya sinasadya nilang hindi gawin ang kanilang mga mandato bilang mga pinagpipitagang government official?

Kung magkakagayon, sayang ang kanilang sinuwuweldo mula sa buwis ng taong bayan at bilang mga public servant. Wala silang karapatang manatili kahit isang saglit sa kanilang mga tungkulin.

Mahiya naman kayo kay Mayor Dimacuha at kay Batangas PNP Provincial Director Col. Samson B. Belmonte na nagiging tampulan din ng puna ng mga mamamayan at maging ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr.

Dahil sa kabiguan nina Col. Belmonte at LtCol. Del Rosario na sugpuin ang operasyon ng sindikatong buriki sa Batangas City at illegal gambling ng isang Glenda sa Brgy. Santiago sa bayan ng Malvar at Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City ay baka mapalitan na ang mga ito sa pwesto sa dadating na malawakang balasahan sa hanay ng PNP.

Bukod sa paihian nina Buloy sa lupain ni Tan na itinuturo ding kasosyo ng naturang sindikato ay may isa pang puwesto ng burikian ang mga ito sa tapat ng Maquiling Depot, Diversion Road, Brgy. Balagtas kung saan isinasagawa hindi lamang pagpapaihi at pagpapatulo ng petroleum product, kundi pati nagpapasingaw din ng Liquified Petroleum Gas (LPG).

Malamang na ang tamaan dito ay sina Col. Belmonte, LtCol. Del Rosario na naman at maging si Brgy. Balagtas Chairman Cynthia Culla? May karugtong…

***

Para sa komento: Cp. No. 09664066144

The post AYAW NI MAYOR DIMACUHA SA BURIKI AT SINDIKATO! (Part 2) appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
AYAW NI MAYOR DIMACUHA SA BURIKI AT SINDIKATO! (Part 2) AYAW NI MAYOR DIMACUHA SA BURIKI AT SINDIKATO! (Part 2) Reviewed by misfitgympal on Enero 10, 2024 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.