WALANG palad ang Pilipino sa uri ng mga namumuno sa bansa, bakit? Dahil patuloy na kumikilos o gumagalaw ang lider ng bansa hindi upang maibsan ang pasanin ng bayan sa halip ang mapanatili ang sarili at namumunini sa pwestong tangan. Walang alalahanin sa kinabukasan ano mang uri ng pagbabago sa baba ng lipunan. Walang saysay sa kasalukuyang liderato kung ano ang kalagayan ng nasasakupan hanga’t hindi natitinag sa kapit na pwesto na mahika ng masaganang buhay. Hindi usapin kung halal o itinalaga, ang mahalaga’y nasa tamang lugar na kung saan malapit sa taga-pahid ng langis na nagsasaad ng mabuting kabuhayan. Ang kaayusang ito ang umiiral sa bansa na hindi ibig mabago o palitan dahil kasaganahan sa iilang mapalad at dusa sa nakararami. Hindi usapin ang pagmamalabis sa uri o paraan ng kaginhawahan sa buhay.
Umiikot kuno ang gulong ng buhay ngunit ‘di ang kapalaran. Deka-dekada na ang lumipas subalit patuloy ang paghihirap ni Mang Juan at patuloy na humihirap kasama ang asawa’t mga anak dahil sa ‘di makayanang halaga ng bilihin. Sa totoo lang, wala ng halaga ang kakarampot na sahod ni Mang Juan dahil kulang na kulang ang naiuuwi upang ipambili ng pagkain na isa o dalawang beses na lang sa maghapon. Hindi masisi na kumapit sa patalim at patuloy na magtrabaho kahit ‘di kumikilos ang sahod na ipinako na ng panahon. Ang taas ng bilihin na hindi magawan ng paraan ng pamahalaan ang dahilan kung bakit patuloy na naghihirap ang Pinoy. Ang pangakong napako na P20.00/ kilo ang bigas ang kalamansing pinatak sa sugat na dama ang hapdi hanggang sa kaibuturan ng kalamnan. At nariyan ang mga sakim na ibig magpalawig ng termino sa ngalan at kagalingan kuno ng taong bayan. Ang mapababa ang presyo ng mga bilihin ang dapat o siyang ikilos at ‘di ang mapanatili ang sarili sa pwestong nagdudulot ng kasaganaan sa mga opisyal ng bayan.
Sa patuloy na paglayo ng presyo ng mga bilihin maging ng karaniwang panahog o panrekado sa nilulutong ulam, natutunan na ni Aling Marya na bumili ng lutong ulam kahit ‘di kasarapan. Ang isa o dalawang ulam na binibili’y paghahatian ng mga anak na ‘di na nakatikim ng luto ng ina. Samantala, si Aling Marya, ang uminom ng 3 & 1 na kape’y sapat na upang mairaos ang oras ng kainan. Ang kaayusang ito ang kasalukuyang umiiral sa pamayanan higit sa kalunsuran na tinitirahan ng maralitang taga-lungsod. Sa sitwasyon bangit hindi malayo ang kalagayan ng mga taong nasa kanayunan na ang pagkakaiba’y may pumipitas na pananim na niluluto. Subalit, ang paglayo ng kabuhayan sa unang panahon sa kasalukuyan ang siyang inaangal ng mga nasa kanayunan. Dahil hindi na pag-aari ang dating lupang sinasaka na at nakikisaka na sa mayroon ang simula ng pagdalan ng pagkain sa hapag kainan.
Sa totoo lang, ang presyo ng bilihin ang dahilan sa patuloy na paglayo ng kabuhayan ng iilang mayroon sa maraming salat o wala. Ang paghinto ng sahod ng mga obrero ang malinaw na dahilan kung bakit lumayo ang agwat ng kabuhayan. Ang serbisyong bayan na dapat ipinapatupad ang kahinaan ng mga opisyal ng bayan na una ang sarili at ‘di ang mamamayan. Hindi minamali ang kondisyon sa ibabaw ngunit ang maituwid ang maling kalakaran sa presyo ng bilihin na ipinangako ang dapat gawan ng solusyon. Isang agrikulturang bansa ang Pinas ngunit o bakit kay mahal ng presyong pansakahan sa bansa.
Sa nakalipas na mga araw, kapansin pansin na hindi na bumaba ang presyo ng sibuyas, ngunit heto ang kamatis na mababa ng presyo dahil sa dami ng pag-aangkat na ginawa. Sa pagkakapasa ng Rice Liberalization Act, sumunod na pag-aangkat produktong pansakahan, tulad ng gulay, manok, baka, maging ang isdang huli sa ating karagatan. May mga bumaba ang presyo ngunit marami ang tumaas na ‘di malaman ang rason sa merkado. Kung bumaba ang presyo ng kamatis, hindi lumayo ang presyo ng repolyo na P3.00/kilo ang “farm-gate”. Ang ibig ipahiwatig, bagsak ang kabuhayan ng manananim ng repolyo sa Benguet . Noong 2nd at 3rd bahagi ng nakaraang taon, bumaha ang nasabing produkto mula sa ibang bansa. Ang bagsak na presyo ng repolyo mula sa labas ng bansa ang nagpadiliryo sa kabuhayan ng mga magsasaka sa nasabing lalawigan. Dahil dito, kumilos ang mga taong simbahan mula sa nasabing lalawigan upang pasiglahin ang presyo ng nasabing pananim. Kilos na ayudang presyo ng repolyo sa lugar.
Sa totoo lang, hindi inaasahan ang pagbagsak ng presyo ng repolyo dahil sa hirap ng mga magsasaka makatanim at maka-ani ng nasabing gulay. Hindi usapin ang labis labis na ani, ang usapin ay ang pagdagsa ng repolyo mula sa labas ng bansa gayung sapat ang produksyon mula sa Benguet. Ang tanong bakit bumaha ang repolyo sa bansa? Saan ito galing at sino ang may pakana? May pag-uusisa o imbestigasyon bang ginawa, at bakit tila bulag si Mang Juan sa kaganapan? Sa pag-uusisa, mayroon bang masasagasaan na malaki o mainpluwensyang tao na ayaw ipabatid sa madla? Kahalintulad ba ang galawan sa usapin ng asukal na si Galema ang may kinalaman, tanong lang po.
Sa tanong sa ibabaw, tunay bang sala sa init sala sa lamig si Mang Juan sa usapang presyo. Oo ang tugon, dahil at bakit ang iilan ang may dikta sa presyo ng pangangailangan sa araw- araw ng mamamayan? Sa kinahaharap na sitwasyon, tunay na di na galing sa dugo at pawis ng obrero, ng mga magsasakang Pinoy ang pagkain na isinusubo sa araw-araw. Ang halaga ng bilihi’y tunay na usaping bayan, ang mababang halaga’y kagalakan sa karaniwang tao ngunit ito ba’y tunay na pakinabang ng Pinoy. Tama ba ang hakbang na pagdagsain ang maraming uri ng bilihin sa pagpapababa ng presyo sa merkado. Habang naiiwan sa mga pinto ng mga sakahan ang produktong atin na ‘di maayudahan sa pagbaba sa mga pamilihang bayan.
Ang bagsak na presyo ng kamatis, repolyo at ibang produktong sakahan sa merkado ay kinalulungkot ng mga magsasaka sa Benguet. Una, panahon na ng pagtitiyak na mapatatag ang pagsasaka sa taniman ng gulay o tomana ang dasal na dapat dingin upang matiyak ang tamang presyo ng gulay sa pamilihan. Ang mawala sa kamay ng Pinoy ang lupang pagtatamnan ang malaking banta sa matatag na presyo ng gulay. Pangalawa, huwag umasa sa pansamantalang mababang presyo dulot ng pag-angkat o smuggle na produkto dahil ‘di batid sa Pinoy ang pakinabang. Panghuli, sa kung mawala sa kamay ng Pinoy ang mga tomana umasa ng langit presyo ng bilihin. Ang usaping presyo ng kamatis at repolyo’y salamin ng usaping pag-aari ng bayan kontra dayuhan at mga kasapakat na mapanglilong politiko.
Maraming Salamat po!!!
The post USAPING PRESYO NG BILIHIN appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: