Facebook

JEEPNEY NI JUAN

INAASAHANG titindi pa ang aksiyunan ngayong pag-pasok ng taon 2024 sa bahagi ng mga tsuper ng jeep dahil sa pagpa-pairal ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).

Nakailang ulit na rin na-extend ang deadline ng pagpapatupad ng programa dahil sa kahilingan ng ating mga tsuper, at kung maaari nga lang daw ay huwag ng ipatupad ito. Marami ang mawawalan sa kanila ng hanap-buhay ang sabi nila.

Mamimis naman natin talaga ang naglipanang jeepney kapag naimplementa na ang programa, na inaasahang magsisimula ngayong Enero. Pero kung tutuusin kailangan naman talaga natin ito.

Una, pinabayaan na rin ng ating mga tsuper ang kanila mismong pinagkukunan ng kabuhayan. Karamihan sa kanila ay dilapitado na at bumubuga na ng usok na nakakarimarim. Pangalawa, tila pinangatawanan na nila ang pagiging ‘king of the road’ o hari ng lansangan, na kahit saan na lang ay nagbaba at nagsasakay ng mga pasahero.

Sa lansangan, kailangan talaga ang ‘give and take’, bigayan ika nga para di tayo maging sanhi ng pagkabuhol-buhol ng trapiko. Kailangan din nating protektahan ang isa’t isa sa polusyon bunga ng mga usok sa ating mga makina.

Kung ang PUVMP ang makakapag-bigay ng solusyon sa mga ito. Bakit naman pa natin tututulan. Sige sabihin niyo nang di lang ito ang dahilan. At kung ang sinasabi niyong pagkahirap-hirap na ‘consolidation’ ang malaking balakit, dapat siguro, sila ang aking tapikin.

Para sa Department of Transportation na siyang nangangasiwa sa Land Transportation Franchising Regulatory Board, kayong dalawang ahensiya ang nangunguna rito sa PUVMP, dapat ay plinano niyong mabuti muna ito nang sa ganun ay magkaintindihan ang lahat.

May lumapit nga sa akin, Uni-FiveTransportPhilsCorp, may bente-sais (26) na unit ng UV Express na may intensiyong sumali sa consolidation para di mawalan ng trabaho ang kanilang mga driver, ang sabi hanggang ngayon wala pa silang nasisimulan, kahit na kumpleto na ang mga dokumentong kailangan.

Ang dahilan – pinababalik-balik lang daw sila diyan sa LTFRB at kung anu-anonpang dokumento ang hinahanap, hanggang sa maabutan na ng deadline.

Ang tanong ko naman sa operator, baka di nila tinanong magkano ang kalakaran? Yan naman talaga ang inaabangan diyan sa LTFRB at DoTr, kung kinakailangan mo ang kanilang ayuda, kailangang ikaw muna ang magbigay ng ayuda. Di ba, my sister Celine Pialago?

The post JEEPNEY NI JUAN appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
JEEPNEY NI JUAN JEEPNEY NI JUAN Reviewed by misfitgympal on Enero 02, 2024 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.