TILA wala nang pag-asang tumino ang hanay ng Philippine National Police (PNP) kahit pa siguro ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pagsibak sa mga tinatawag na bad egg o police scalawag na patuloy na sumisira sa organisasyon dahil sa walang patumanggang paglabag sa umiiral na batas sa bansa.
Bihirang marinig sa presidente ang pagpuna sa PNP, pero kamakailan lamang ay tema ng kanyang talumpati ang nangyayaring kalokohan at korapsyon na sangkot ang ilang opisyales at rank-and-file ng Pambansang Kapulisan sa pagkakasangkot sa kriminalidad, droga at illegal vices.
Kaugnay ng negatibong pahayag na ito ni PBBM ay inianunsyo ni PNP Chief Benjamin Acorda Jr. ang pagmamanman at imbestigasyon ng ilang police official at mga tauhan na sangkot sa iregularidad, lalo na ang pakikipagkutsabahan sa mga elementong kriminal para makapangilak ng regular weekly tong, payola o intelhencia sa mga ilegal na aktibidades.
Ang internal cleansing sa hanay ng kapulisan, sa pagkakataong ito, ayon kay PDGEN. Acorda Jr. ay isusulong nito ang pagtanggal sa mga korap na opisyales at miyembro ng pulisya na patuloy na nagiging dahilan ng pagbagsak ng imahe ng PNP. Dapat ding ipatupad ang patakarang ito ni PDGen. Acorda Jr. sa mga nakaupong pinuno ng kapulisan tulad ng regional at provincial director na mapapatunayang hindi ginagawa ang kanilang trabaho.
Suhestiyon natin, unahin ni PDGen. Acorda Jr. ang Cavite at iba pang probinsya sa CALABARZON sapagkat hindi masawa-sawata nina Col. Eleuterio Ricardo Jr. at ng iba pa nitong kapwa provincial director ang madaming mga nagkalat na sugalan, tulad ng sakla, STL con juteng, pergalan (perya na pulos sugalan) at ang talamak na operasyon ng paihi, patulo, pasingaw o buriki sa naturang lugal.
Ang kabiguan ni Col. Ricardo Jr. na mapatigil o masupil ang mga ilegal sa kanyang lalawigan ay patunay na hindi niya ginagawa ang kanyang trabaho at mandato, kaya dapat ay magdesisyon si PDGen. Acorda Jr. kung mananatili pa ang nasabing police provincial director sa puwesto. Maraming determinadong opisyal pa ang handang maglingkod sa mga mamamayan kung sakaling maitalagang Cavite PD na di tulad ni Col. Ricardo Jr.
Kung ginagawa lamang ni Col. Ricardo Jr. ang kanyang trabaho ay wala sanang nagngangalang Richard M. na mistulang salot sa Cavite at iba pang panig ng CALABARZON. Siya ang itinuturong nasa likod ng malawakang operasyon ng ilegal na sugalan sa 15 bayan at walong lungsod ng Cavite na dahilan ng kaliwa’t-kanang insidente ng kriminalidad sa mga lansangan at pamayanan gayundin sa Batangas, Laguna, Rizal at Quezon.
Si Col. Ricardo Jr. ay halimbawa ng patutsada ng Pangulo sa kanyang speech kamakailan na dapat maimbestigahan dahil sa kadududa-dudang di pagkilos para hulihin ang operator, mananaya sa ilegal na pasugalan na biglang sumulpot pagkaupong-pagkaupo nito noong nakaraang taon bilang provincial commander.
Silipin dapat ni PDGen. Acorda Jr. ang pagiging protektor ni Richard M. sa mga illegal vices at iba pang underworld activity na ang ibinabandera ay mga pangalan nina Col. Ricardo Jr. at iba pang provincial director sa ilegal na pangongolekta ng suhol, lagay o intelhencia, hindi lamang sa opisina ni Cavite PD kundi maging para sa tanggpan ni PDGen. Acorda Jr. at iba pang PD at police official sa rehiyon.
Kabilang sa daan-daang ilegalista na “pinapatungan” o binibigyan ng proteksyon ni Richard M. kapalit ng suhol o protection money ay ang mga sakla operator sa Cavite na sina Hero at Elwyn na hawak ang mga bayan ng Amadeo, Maragondon, Noveleta, Magallanes , Bailen, Naic at mga siyudad ng Dasmarinas City gamit ang kanyang mga dummy na sina Maricon, alyas Sgt. Lagos at Christian; kung saan ay may kolek-tong si Richard M. na Php .6M weekly; STL bookies operator na sina Melchor sa Bacoor City, Dasmarinas City, Maragondon, Naic at Cavite City; alyas Kap Abner sa Dasmarinas City at ng Cavite “STL con-Jueteng Queen” Nitang Kabayo sa lahat na siyudad at bayan ng probinsya ng Cavite; permanente o puesto pijo gambling den sa Brgy. Santiago sa bayan ng Malvar at Brgy. Pinagtong-olan, Lipa City parehong sa lalawigan ng Batangas ng “Drug pusher at Prostitute Queen” na si alyas Glenda at paihian o burikian nina alyas Ed at Rico sa Brgy. Bulihan, Malvar.
“Patong” din si Richard M. sa buriki o paihi nina alyas Buloy at dalawang miyembro ng Batangas City Police sa lupa ng Intsik na si Tan sa Diversion Road, Brgy. Sta Clara, malapit sa opisina ng Philippine Coastguard at Philippine Port Authority at isa pang puwesto sa tapat ng Maquiling Depot sa Diversion Road, Brgy. Balagtas parehong sa Batangas City. Sa kabuuan, ang kolektong ni Richrad sa buong rehiyon ay pumapalo ng mahigit pa sa Php 12M.
Marami pang ibubunyag na protection racket ni Richard M. kaugnay sa sangkaterbang pergalan, buriki at iba pang organisadong vice operation sa Region 4-A. Subaybayan…
***
Para sa komento: Cp. No. 09664066144
The post KAMANDAG NI RICHARD M. appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: