Facebook

Mainit na sitwasyon sa West Philippine Sea nakapagpapaalab ng Damdaming Makabayan

Mula pa sa bansang Amerika nagmula ang isang mensahe na pumukaw sa aking damdamin — na may kaakibat na litrato ng dalawang barkong pandigma ng bansang Amerika at ng Pilipinas. Kapwa ipinakita sa litrato ang malaking bandila ng Amerika at ang kakapiranggot na bandila ng Pilipinas kong mahal. Ipinadala ito sa akin ng kasamang Rodney “Bong” Jaleco na ngayo’y nakabase na sa Fairfax, Va, USA. Magkasama kaming katoto ni Bing Formento na siyang anchor ng PHLV radio public service program sa Las Vegas, Nevada, USA , at siyembre si katotong [ret] PAF General Gerry Zamudio. Segment ni Rodney ang balitang USA at kay General Gerry naman ang balitang Pilipinas (national)–sa akin ang Balitang Maynila.

Mula noong Agosto, 2023 ay tinatalakay na namin ang mga kaganapan sa loob at labas ng Pilipinas alinsabay sa mga samo’t saring pangyayari na nakakaapekto sa ekonomiya, kultura, kalusugan, seguridad at mga krimeng laganap sa Pilipinas at kaguluhan sa gitnang silangan at walang humpay na pagwawalanghiya ng bansang Tsina sa ating mga mangingisda sa West Philippine Sea.

Sa kabilang dako, napapahapyawan namin ang pulitika na ngayon ay naguumpisang uminit sa kaliwa’t kanang bahagi ng politically immature na Metro Manila. Maalab ang mga higing higing patungkol sa mga napipisil na tatakbo sa national election sa 2028 ngunit wala ni isa mang pulitiko ang makakakitaan mo ng “alab ng damdaming makabayan” na pagusapan man lang sa dinami-dami ng pulong – Kamara na naganap nitong taong 2023 patungkol sa kung papaano maipagtatanggol ang interes ng bansa sa iginawad ng UNCLOS na arbitral ruling sa mga islang sakop ng bansang Pilipinas sa ngayo’y umiinit na baybayin ng West Philippine Sea.

Masasabi kong mabuti pa ang mga kababayan nating mga Pilipino na sa tawid-bansa na kahit wala sila sa sariling lupang sinilangan ay “maalab pa rin ang kanilang damdaming makabayan” at naninindigan sila na ipaglaban ang interes ng kanilang bansang sinilangan. Nganga ang (ilang) mga pulitiko sa ganitong usapin…mas maigi pa sa kanila ang mag-grandstand at iwagayway ang rangya ng mamahaling damit at sasakyang milyon milyon ang halaga na — ni sa hinuha, ay di nila mabibili kung sweldo rin lang ang pagbabasehan. Kung makaporma na laging clean daw at naka-kana, napaliguan ng mamahaling pabango…mabaho rin pala. Sadyang di maitatago ang lansa ng bulok na isda o patay na hayop. Tama ang ating bayaning si Jose Rizal! … at pulitika ang dahilan ng kanyang pagiging subersibo laban sa mga mananakop!!!

At kapag tapos na ang termino ng mga “pasong” pulitiko ang kanilang mga anak, asawa at apo naman ang ihihilera — e, hindi nga matatapos ang paghihikahos ng ating bansa…at malamang pa na maagaw ng mga kaalyado nilang singkit.

The post Mainit na sitwasyon sa West Philippine Sea nakapagpapaalab ng Damdaming Makabayan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Mainit na sitwasyon sa West Philippine Sea nakapagpapaalab ng Damdaming Makabayan Mainit na sitwasyon  sa West Philippine Sea  nakapagpapaalab ng  Damdaming  Makabayan Reviewed by misfitgympal on Enero 04, 2024 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.