Facebook

MARCOS NAGDEKLARA NG HOLIDAY SA 10 LUGAR

NAGDEKLARA ng holiday si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa magkahiwalay na petsa sa sampung na lugar sa bansa.

Kabilang dito ang Jan.25 na special non-working day sa Baco sa Oriental Mindoro dahil sa founding anniversary ng bayan, gayundin sa Feb.26 sa bayan ng Buug sa Zamboanga Sibugay para sa selebrasyon ng pista at anibersaryo ng pagkakatatag ng munisipalidad.

Wala ring pasok sa Feb.19 sa Bago, Negros Occidental bunsod ng 58th charter anniversary ng lungsod at maging sa Feb.10 sa Bacolor, Pampanga upang bigyang daan ang selebrasyon ng foundation day ng bayan.

Maging ang Feb.9 ay idineklara rin ni PBBM bilang special non-working day sa Sagbayan, Bohol para sa pagdiriwang ng 75th founding anniversary nito, gayundin sa Jan.22 sa Pagadian, Zamboanga del Sur para sa taunang pista na tinaguriang Pasalamat Festival 2024.

Dahil naman sa founding anniversary ay wala ring pasok sa Mabalacat, Pampanga sa Feb.2 at maging sa Feb.6 sa Consolacion, Cebu.

Idineklara rin ni Pang. Marcos bilang special non-working day ang Feb.3 sa Biñan, Laguna upang bigyang daan ang pagdiriwang ng 79th Liberation Day ng lungsod.

Samantala, idineklara rin ni PBBM bilang special non-working day ang Peb.19 ngayong taon sa Taytay, Rizal.

Ito’y batay sa Proclamation No.448 na nilagdaan ni Executive Sec. Lucas Bersamin upang bigyang daan ang pagdiriwang ng Araw ng Pasasalamat: Hamaka Festival sa binansagang “Garments Capital” ng Pilipinas.

Matatandaang sinimulan ang Hamaka Festival noong 1998 matapos magkaisa ang mga mamamayan na magdiwang upang ipagpasalamat ang masaganang ani.

Nabatid na itinuturing din itong pagkakataon ng mga Taytayeños na ipakita ang bunga ng kanilang mga nagawa sa woodworks at garments industry. (Gilbert Perdez)

The post MARCOS NAGDEKLARA NG HOLIDAY SA 10 LUGAR appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
MARCOS NAGDEKLARA NG HOLIDAY SA 10 LUGAR MARCOS NAGDEKLARA NG HOLIDAY SA 10 LUGAR Reviewed by misfitgympal on Enero 18, 2024 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.