NAKIISA si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagdiriwang ng 125th anibersaryo ng Unang Republika ng Pilipinas sa Barasoain Church sa lungsod ng Malolos sa Bulacan.
Sa kanyang mensahe, tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na may mga ginagawang hakbang ng pamahalaan sa iba’t ibang laban na kinakaharap ng bansa gaya ng kahirapan, gutom, at iba pa.
Sinabi ni PBBM na kasama rin sa mga hamong kinakaharap ng bansa ang iba’t ibang karamdaman, laban sa krimen, at injustice o kawalan ng hustisya.
Aniya, maituturing na bayani ng makabagong panahon ang bawat isa at tagapangalaga ng ating henerasyon.
Aniya, bagama’t mahigit isang siglo na ang nakaraan ay isinasabuhay natin taun-taon ang diwa ng kabayanihang ipinamalas ng ating salinlahi.
Higit pa sa mga pagsariwa ng kanilang kadakilaan at mga sakripisyo, sinabi ng Pangulo na binibigyang-buhay sa ating puso at mga gawa ang kagitingan, katapatan, at pagmamahal sa bayan.
Ngunit sinabi ng Pangulo na hindi maikakaila na patuloy pa rin ang laban ng bayan sa banta ng sakit, kahirapan, kalamidad, at iba pang uri ng mga panganib.
Kaya naman, binigyang diin ni Pangulong Marcos na makakaasa ang mamamayan na magiging karamay nila ang pamahalaan sa pagharap sa iba’t ibang mga pagsubok.
Katulad aniya ng haligi ng Republika ng Malolos, nangako rin ang Presidente na ang gobyerno sa ilalim ng Bagong Pilipinas ay nakikinig sa hinaing ng sambayanan, may boses na handang magtanggol sa naaapi, at higit sa lahat, may pusong naglilingkod para sa mas maginhawang buhay ng Pilipino. (Gilbert Perdez)
The post PAGDIRIWANG NG 125TH ANNIV NG UNANG REPUBLIKA NG PILIPINAS DINALUHAN NI PBBM appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: