
NAKAKADISMAYA ang mga impormasyong itinimbre ng isang Region 4-A PNP insider kamakailan. May kinalaman ang kanyang pagsisiwalat sa malawakang operasyon ng iligal na pasugal at drug trade operation ng grupo ni alias John Yap at ng mga alipores nitong sina Alvaran alias Jun Moriones at ng dalawang sakla operator sa mga lalawigan ng Cavite at Rizal na sina alias Zalding Kombat at Caloy Kolanding.
Kaya pala dedma lang si PNP Region 4-A Director PBG Felipe Natividad hinggil sa Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng operation na front ng bentahan ng shabu sa mga probinsya ng Cavite at Rizal, ay maraming police chief sa mga nabanggit na lalawigan ang nakapayola sa salot ng lipunang si John Yap at tatlong nitong kampon.
Bilang lokal na tagapamahala ng Intsik na si John Yap sa kanyang pa- jueteng at kalakalan ng droga sa Cavite, ang tagapagmudmod ng intelhencia sa ilang eskalawag na police chief ay ang magkamag-anak na Zalding Kombat at Caloy Colanding pagkat suki na ng dalawa ang mga police chief na sinusuhulan nila nang nag-ooperate pa lamang ang mga ito ng saklaan sa Cavite City at halos lahat na lisensyadong sabungan sa nasabing lalawigan.
Pansamantalang napahinto ang pasakla nina Zalding Kombat at Caloy Kolanding simula nang manalasa ang COVID 19, kaya nang mag-operate ng Perya ng Bayan (PnB) cum jueteng sina John Yap at Jun Moriones ay sina Zalding Kombat at Caloy Kolanding ang naging local management ng mga iligal na transaksyon nina John Yap kabilang na ang pa-jueteng at bentahan ng shabu.
Unang nagbukas ng operasyon ng jueteng sina John Yap sa mga siyudad ng Cavite , Gen. Trias, Bacoor City, Trece Martirez City, mga munisipalidad ng Tanza, Ternate, Amadeo, Maragondon, pawang sa lalawigan ng Cavite na sinabayan naman ng pagbebenta ng shabu ng kanilang mga kabo at kubrador.
Hindi natin tinitiyak na kabilang ang police chief ng Cavite City, Gen. Trias City sa mga tumatanggap ng payola sa grupo ni John Yap tulad ng iba pang mga hepe ng kapulisan sa mga siyudad at munisipalidad sa Cavite at Rizal Provinces.
Ngunit kaduda-dudang walang aksyon ang mga naturang plice chief laban sa operasyon nina John Yap sa kani-kanilang hurisdisyon.
Bagama’t kilala na ng inyong lingkod ang mga pangalan ng marami ding eskalawag na police chief sa naturang lalawigan at maging sa probinsya ng Rizal, ay bigyan pa din natin ng pagkakataon sina Cavite PNP Provincial Director, P/Col. Marlon Santos at Rizal PNP Director, P/Col. Josep Arguelles na sila mismo ang maglinis ng kanilang hanay.
Halos ay mag-aapat na buwan na ang salot na hanapbuhay ng grupo nina John Yap, Jun Moriones, Zalding Kombat at Caloy Kolanding kaya napasok na ng operasyon ng mga ito ang lahat na pitong lungsod at labing walong munisipalidad sa nabanggit na lalawigan.
Kasabay ng operasyon ng mga ito sa Cavite ay umaarangkada din ang iligal na pinagkikitaang nina John Yap at Jun Moriones sa lungsod ng Antipolo at sa labing tatlo pang mga munisipalidad sa lalawigan ng Rizal.
Isang reteriradong pulis na nagngangalang alias Abion na kumpare ni Ex-Rizal Governor Ito Ynares, asawa ng kasalukuyang Gobernador Rebecca “Nini” Ynares ang tagamahala nina John Yap at Jun Moriones sa operasyon ng nasabing labag sa batas na pasugal at bentahan ng droga sa nasabing probinsya.
Sa operasyon pa lamang ng jueteng sa Cavite ay kumikita na sina John Yap ng di kukulangin sa Php 4 milyon araw-araw, ngunit higit pa sa tatlong doble nito ang nakakale ng mga ito sa bentahan ng shabu sa naturang lalawigan at maging sa probinsya ng Rizal, kalahati nito ay nakokopo naman ng kanilang protektror na ilang PNP official at iba pang awtoridad.
Kung susumahin lahat, pati na ang naisusubi ni John Yap sa lalawigan ng Rizal ay tiyak na di kukulangin sa Php 20 milyon na drug at gambling money na naibubulsa ng mga ito, milyones din ang napupunta sa mga tanggapan ng ilang pinuno at police chief sa PNP Region 4-A sa Laguna at Provincial Police Office sa Cavite at Rizal.
Pera-pera nga kaya ang dahilan kung bakit tahimik sina General Natividad, Col. Santos at Col. Arguelles? Ang totoo di halos makapaniwala ang inyong lingkod sa mga idenetalye ng ating police insider na nakaka-apekto sa liderato kay General Natividad na appointee bilang CALABARZON Police Chief ng dsti nitong boss, na si DILG Secretary Eduardo Año.
Nais sana nating marinig ang panig nina Gen. Natividad, Col. Santos at Col. Arguelles. Handa po ang ating pitak na talakayin ang tunay na larawan ng jueteng at iilegal drug operation sa Cavite at Rizal.
Ang patuloy na pananahimik ay tiyakang magdudulot ng negatibong epekto sa pamumuno nina General Natividad, ng idol nating si Col. Santos at Col. Arguelles at posible ring makaladkad ang kanilang pangalan bilang protektor sa kawalanghiyaang pinaggagawa nina John Yap, Jun Moriones, Zalding Kombat, Caloy Kolanding at Abion sa Cavite at Rizal.
***
Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144,email: sianing52@gmail.com.
The post Payola kay hepe! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: