
PAANO ka makatutulog kung ang tiyan mo’y kumukulo, habang humihilab sa masarap na pagkain na manok at baboy mga kongresista sa Mababang Kapulungan.
Iniisip ko, mga batang namamaluktot sa pagpigil ng kabag at utot pagkat rugby ang ipinalaman sa gutom at tubig imburnal ang ipinalaman sa tiyan!
Ay, may mga inosenteng ginawang kriminal at isinilid sinementuhang dram o kaya iginatong sa paggawa ng pandesal ang duguang bungo na binutas ng bala ng .45 at binigti ang leeg upang paputukin ang baga sa pagkapos ng makarbong hangin.
Bawat subo ng pilak na kutsarang umaapaw sa sarap ng ulam, nakikita ko ang basag na mukha at warat na pagkababae at pagkalalaki sa mga tago at madilim na lugar.
Bawat lagok ng libong piso na timyas at tamis na wine, daing ng mga aping nanay at tatay ang umaalingawngaw sa sanggol na walang masusong gatas sa payat na suso ng inang mahal.
Ating gupitin ang dilang maharlika, ating tastasin ang bundat na tiyan ng masisiba, ang kinain nila ay ating ibubo sa payat na lupa upang ang maging pataba sa binhi ng laya.
Sa gayon, ang mga gabing di makatulog ay magiging gabi na walang luha, hirap at kadenang mga himutok kundi magiging malayang ngiti sa pagsilay ng sinag ng umaga sa pisngi ng sanggol kong sa gutom ay napahimbing sa pagtulog.
***
Hahahaha. Buhay na buhay pa ang Cha-Cha. Kahit kumikisay-kisay na ito sa paghihingalo, aba itong si Speaker Lord Allan Velaco, ayaw tumigil a kanyang kiyaw-kiyaw.
Kamag-anak ba ng pamilya Malabanan poso negro company si Speaker Velasco?
Naitatanong ng inyong lingkod ito dahil marami na sa mga tulad niyang nakasiksik sa palda ng pangulo ang nagsabing dead, nailagay na sa kabaong at nasaksakan na ng galon-galong formalin ang bangkay ng Charter Change, pero si Sepsep, este Speaker Velasco, ay sige pa rin sa kanyang sayaw-sayaw na pagtastas sa mga batas sa ating Konstitusyon.
Isa pa itong si Congreman Elpidio ‘Pidi’ Barzaga ng Cavite. Noon e hanga ako dito kay Pidi sa ginawa niyang progreso sa Dasmarinas noong siya ang alkalde.
Pero nang maging kongresista, aba, ang kulay pala niya ay teknikulay.
Ngayong ramdam na ramdam na ayaw ng bayan sa panukalang Cha-Cha na sila lamang sa Kongreso ang makikialam sa ating saligang batas, may mga kongresista na nagharap ng panukalang “dapat daw isama ang mga senador” sa Cha-Cha.
Nakupoooooo. Ang gagaling ng mga kongresistang ito hindi alam na talagang kasali ang Senado kung gagawing constituent assembly ang Congress kung pag-amyenda sa Konstitusyon.
***
Ano-ano raw ba ang pagkakaiba ni Erap, Cory, Ramos, Lola Gloria at Noynoy?
Si Erap, hindi gaanong lumawig ang panahon ng pangungurap.
Si Cory, umano walang dumi ng pangungurap.
Si Ramos, naitago ang pangungurap.
Si Lola Gloria, wag kang kukurap at kasi magaling ang mga kamay nila sa pangungurap.
Si Noynoy… naitago ang pangungurap sa Matuwid na Daan!
***
Noon pa man ay alam na ng mga taga-Customs ang modus operandi kung paano napalulusot ang mga ilegal na importasyon ng produktong petrolyo sa paraang undervaluation, misdeclaration at sa talagang ismagling na hindi na idinadaan sa Customs ang mga nakaw na produkto.
Kayrami nang anti-muggling task force ang binuo at nabuwag, pero naririyan pa rin at nakangising parang aso ang mga ismagler at mga kasabwat nila!
Kilala naman ng mga nakaraang komisyoner ang mga oil smugglers pero iilan yata ang nakasuhan at mayroon bang nakulong at naparusahan?
Kung mayroon, pakibalitaan po kami, mga bossing.
Kakaunti lamang ang mga economic saboteurs at mas marami ang magagaling at matatapat sa gobyerno, lalo na sa Bureau of Customs.
Samahan po natin sila.
***
Sana, ang mga politikong nagbibigay ng pambansang kahihiyan sa bayan, matuto naman silang humingi ng sorry at maging manipis ang mukha na mag-resign at isauli ang kanilang ninanakaw na yaman.
Hehehehe. Pero sa klase ng mga kilala nating politikong nasa puwesto, anong resign-resign?
Wala ‘yan… magnanakaw pa rin sila, lantaran man o lihim sa mata ng bayan! Mga pu@#&*?! n’yoooo!
***
Para sa inyong mga suhestyon, reaksyon at opinyon ay mag-email lang sa bampurisima@yahoo.com.
The post Sa mga gabing wala nang himutok! appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: