Facebook

DAR 44 pag-asang kabuhayan sa agrikultura!

HABANG minamasdan ko kahapon ang programang pamamahagi ng DEPARTMENT OF AGRARIAN REFORM (DAR) ng titulong tig-iisang ektarya ng lupa bilang insentibo sa 44 mga kabataang nagsipagtapos ng kursong agrikultura ay nakadama ako ng panghihinayang dahil noong kabataan ko ay walang ganitong programa ang mga nagdaang adminsitrasyon.

Suwerte ng mga kabataan mula sa REGION 2 at sa MIMAROPA dahil ang administrasyon ngayon ni PRESIDENT RODRIGO DUTERTE sa pamamagitan ni DAR SECRETARY JOHN CASTRICIONES ay naisakatuparan ang isinasaad ng EXECUTIVE ORDER No. 75 Series of 2019 na pagkakaloob ng sariling lupa sa mga karapatdapat na benepisaryo tulad sa mga nagsipagtapos ng AGRICULTURAL COURSE.., at yan nga ay tig-iisang ektarya sa mga estudyanteng nagsipagtapos at nagpakadalubhasa sa aspeto ng agrikultura.

Ang mga nagsipagtapos ay tinaguriang DAR 44…, kung ang SPECIAL ACTION FORCE (SAF) ay mayroon silang tinagurianng SAF 44 (hinirang na mga bayani… bayaning nangamatay sa serbisyo) ay ang DAR 44 naman ang magiging FUTURE HERO dahil sila ang magpapayabong ng ating agrikuktura at magsasalba sa muling pagbangon ng ating ekonomiya para sa iba’t bang aspeto ng agrikultura sa bansa.

Oo, medyo nanghihinayang ako dahil walang ganitong tunay na programa noon.., dahil kung mayroon nito ay siguradong isa ako sa sumabak sa pag-aaral ng kursong agrikultura dahil siguradong magkakaroon ng sariling lupang sasakahin.., kaso hinde ganito ang sistema noon dahil sa mga probinsiya at maging sa probinsiyang sinilangan ko ay ang mga maiimpluwensiya lamang ang naghahari noon sa mga lupain o kung hinde man ay mga rebelde ang maghahasik ng karahasan at maghahari sa lugar na kanilang makukubkob.

Maganda rin ang isinusulong ni BATAAN REP. GERALDINE ROMAN na isa sa panauhing pandangal kahapon sa isinagawang programa sa DAR main office, QUEZON CITY.., na paglalaanan ng gobyerno ang pagbibigay asiste sa lahat ng benepisaryo sa agrikultura upang mahikayat ang marami sa ating mga kababayan na mag-focus sa agrikultura, pag-aalaga ng mga hayop, pangisdaan at mga pananim.

“Ang DAR ay may pag-aaral na may humigit-kumulang sa 230,000 ektaryang lupain ang GOLs sa bansa. Bahagi ng mga lupain na matatagpuan sa Cagayan State Univerity (CSU) sa Lallo, Cagayan at Busuanga Pasture Reserve (BPR) in Busuanga, Palawan ay ipamamahagi sa mga nagtapos at magsisipagtapos,” pahayag ni SEC. CASTRICIONES.., na panauhing pandangal din sa nasabing okasyon sina LALLO MAYOR FLORENCE OLIVER PASCUAL at BUSUANGA MAYOR ELIZABETH CERVANTES.

Ang okasyon kahapon ay ang mahalagang pangyayari sa sektor ng agrikultura dahil sa kauna-unahang pagkakataon ang DAR ay nagkaloob ng CERTIFICATES OF LANDOWNERSHIP AWARD (CLOA) sa 44 na nagsipagtapos ng mga kursong may kaugnayan sa agrikultura mula sa lalawigan ng CAGAYAN at PALAWAN.., na ito ay isang pamamaraan ng gobyerno para mahimok ang mga kabataan na magsaka at mapanatili ang seguridad ng pagkain sa bansa.

“Naniniwala ako na sa insentibo at hakbang na ito ay mapagyayaman ng ating mga graduates ang kanilang lupain dahil ito ay magsisilbing ‘farm laboratories’ nila kung saan magagamit nila ang mga teorya at at magagandang kasanayan na kanilang natutunan sa mga paaralan ay mapakikinabangan naman ng milyong Pilipino dahil sa kaseguruhan ng ating mapagkukuhaan ng pagkain,” pahayag pa ni CASTRICIONES.

Ang mga tumanggap ng lupain mula sa CSU ay sina Gilmar Jay Acebedo, lvin Agcaoili, Juanito Agluba Jr., Noel Compra, Julius John Dela Cruz, Welfredo Gacusan Jr., Victorino Lagudoy, Murphy Maingag, Manuel Kriston,Adones Ohayas, Fernando Rabut, McReymart Rabut, Sherwin Ramos, Jarren Ador Raquepo, Hener Ribis, Leonardo Sumauang, Ryan Paul Uson, Angelito Vagay Jerome Usabal, Angelica Adatan, Marife Allag, Analyn Bugnalon, Rica Enorme, Vanessa Gacusan, Jemimah Guzman, Melissa Joy Israel, Karen Grace Justo, Pauline Ordillo, Roshel Torrena, and Vanessa Usabal.

Ang mga tumanggap naman ng lupain ng BPR ay sina Gensefil Manginsay, Rommel Cagmat, Abigail Lagrada, Sunshine Araza, Florelyn Gutib, Bethel Joy Libarra, Arman Bacnan, Marydel Llanillo, Shahanie Diacasin, Dexter Edonga, Grecia Nimorca, Ronalyn Olanas, Necille Onayan, and Necca Juanerio Cabajar.

***

Kung may reaksiyon lalo na sa mga nakakanti ng ating kolum ay maaari po kayong mag-email sa corpuzirwin074@gmail.com o magtext sa 09085841303 para sa inyo pong mga panig.

The post DAR 44 pag-asang kabuhayan sa agrikultura! appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
DAR 44 pag-asang kabuhayan sa agrikultura! DAR 44 pag-asang kabuhayan sa agrikultura! Reviewed by misfitgympal on Pebrero 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.