Facebook

Vaccination Task Force ng Marikina, 76th Liberation Day ng Muntinlupa

MAS pinaigting ng lokal na pamahalaan ng Marikina ang paglatag ng localized plan at mga hakbangin para sa response and recovery sa Covid-19.

Ito’y sa pamamagitan ng mas pinalakas na mga istratehiya tulad ng paglalaan ng mas maraming grupo na tututok sa iba’t ibang aktibidad laban sa impeksiyon matapos magpalabas ng Executive Order (EO) No. 1 si Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro na may kaugnayan din dito.

Sa pamamagitan ng EO ni Mayor Teodoro, naitatag ang Vaccination Task Force ng LGU bilang paghahanda na rin sa citywide rollout ng bakuna kontra coronavirus.

Binanggit sa direktiba na layon nitong mabigyan ang mga residente ng mahusay at epektibong inoculation drive laban sa nakamamatay na sakit.

Sa ilalim ng EO, pamamahalaan at pangungunahan ng task force ang pagsasagawa ng vaccine assessment; profiling at pagtukoy sa mga maaaring bakunahan; procurement ng vaccine; storage at handling; case monitoring, at iba pa.

Kasama naman sa mga miyembro ng lupon ang city mayor bilang chairperson at ang vice mayor bilang co-chairperson.

Magiging miyembro rin ang ilang medical professionals na bihasa sa pulmonology, virology, oncology, cardiology, molecular biology, at infectious diseases.

Ayon sa alkalde, inaprubahan na ng national government ang kanilang hirit na bigyan sila ng bakuna na sapat para sa pitumpung porsiyento ng populasyon ng lungsod.

Saludyo po tayo kay Mayor Teodoro sa mahusay na Covid-19 response and recovery programs ng Marikina LGU.

Ngunit mahalagang tandaan na ang public safety kontra virus ay nakasalalay sa disiplina ng lahat.

Patuloy nating ipakita ang ating malasakit sa ating bayan at sa ating mga pamilya sa pamamagitan ng pagsunod sa minimum health protocols.

At sa pamamagitan ng pagtutulungan ng mamamayan, siguradong makakamit din natin ang ating sabay-sabay na paghilom.

PAGDIRIWANG NG 76TH LIBERATION DAY NG MUNTI PINANGUNAHAN NI MAYOR FRESNEDI

NAGING matagumpay ang katatapos na pagdiriwang ng 76th Liberation Day ng Muntinlupa na idinaos sa Bantayog ng mga Bayani sa Alabang nitong ika-4 ng Pebrero.

Kasunod ng wreath laying, nagkaroon ng isang maikling programa na may temang “Digmaan Pinagtagumpayan, Pag-asa para sa Ligtas na Sambayanan” sa Liwasan Park.

Ang programa ay pinangunahan ng Cultural and Tourism Development Office at Community Affairs and Development Office ng lungsod.

Ayon kay City Mayor Jimmy Fresnedi, ito’y bilang pagpupugay, paggalang at pagbibigay-halaga sa mga naging sakripisyo at pagbubuwis ng buhay ng mga beterano ng giyera para sa kalayaan ng Pilipinas noong ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Dumalo rin sa munting seremonya sina Vice Mayor Artemio Simundac, Congressman Ruffy Biazon, at city councilors.

Mabuhay ang ating mga beterano!

***

PARA sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Instagram, at FB pages. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post Vaccination Task Force ng Marikina, 76th Liberation Day ng Muntinlupa appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Vaccination Task Force ng Marikina, 76th Liberation Day ng Muntinlupa Vaccination Task Force ng Marikina, 76th Liberation Day ng Muntinlupa Reviewed by misfitgympal on Pebrero 04, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.