“KUNG nakarehistro na sa COVID vaccination, ‘wag muna magpalit ng numero.”
Ito ang payo ni Manila Mayor Isko Moreno, kasabay ng pagpapaalala nito na sa ibinigay na numero ng nagparehistro ipapaabot ng pamahalaang lungsod ang lahat ng detalye sa kanyang itinakdang bakuna.
“Paano malalaman ang schedule? ‘Wag magpalit ng cellphone. ‘Yung iba kasi three times magpalit ng SIM card,” pahayag ni Moreno na ipinunto rin na ang madalas na pagpapalit ng cellphone numbers ay isa sa problemang madalas na nararanasan ng lungsod lalo na sa pamamahagi ng PayMaya cards lalo na sa mga senior citizens.
Idinagdag pa ni Moreno na… “Diyan kami kukuha ng komunikasyon. Ite-tex namin kayo anong petsa, lugar at oras kayo pwede magpabakuna at ano brand ng bakuna ang available sa site na ‘yun. Magiging transparent tayo.”
Samantala ay tiniyak ni Moreno na ang free mass swab tests ay patuloy na ibinibigay ng lungsod upang matiyak ang maaagang pagtukoy at gamutan ng mga taong magpopositibo at upang maiwasan ang transmisyon ng coronavirus na nananatiling nasa paligid lamang.
Sa kasalukuyan ay mayroon ng total na 74,440 na sumailalim sa swab tests na ginawa ng pamahalaang lungsod.
Maliban pa sa regular na home swabbing sa ilang barangay, ang swab testing ay patuloy na ginagawa sa Quirino Grandstand, Delpan Quarantine Facility at Sta. Ana Hospital. Maging ang mga public utility drivers, mall workers, hotel employees at market vendors sa lungsod ay walang hintong sumasailalim sa swab tests.
Sa kasalukuyan ay may total na 1,153 indibidwal na sumailalim sa home swabbing; 919 sa drive-thru swabbing sa Quirino Grandstand. May 1,995 returnees at 23,495 workers at driver din ang sumailalim sa swab test.
Sinabi pa ni Moreno na sa ilalim ng pangangasiwa ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, ang mga nag-positibo ay dinadala sa mga quarantine facilities ng lungsod upang agad na bigyan ng atensyong medikal. (ANDI GARCIA)
The post “WAG MAGPALIT NG CP NUMBER KUNG NAKAREHISTRO NA SA COVID VACCINATION” – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: