SAMU’T -SARING pahayag ang maririnig ngayon sa grupo ng Inferior Davao hinggil sa nalalapit na halalan. Kitang-kita na pumoporma na ang mga ito sa mga puwestong ninanais sa pamamagitan ng paglalagay, pagbanggit at kung ano-ano pa sa kanilang mga pangalan sa mga umpukan hinggil sa usapin sa nalalapit na halalan.
Nariyan ang pagtanggi sa pagtakbo kabilang banda ang lihim na paninira sa posibleng katunggali gamit ang negatibong komentaryo, gayung tahasang nagpapahayag na hindi tatakbo sa darating na halalan. Lihim na lantad ang mga kilos nito dahil makikita na kung saan-saan nakakarating ito gamit ang pondo, sasakyan at mga tauhan ng pamahalaan papunta sa mga lugar na nais dalawin.
Sa bawat lakad nito’y kailangan kasama ang mga mamamahayag upang mapag-usapan at upang ipakita ang huwad na pagmamalasakit sa mga tao at lugar na binibisita. At kailangan na nariyan ang mga kinatawang bayan mula gobernador, kongresman, mayor, at maging ang kapitan ng mga barangay na karay-karay na may pinahihiwatig.
Sa pagbisita sa mga lugar na walang kinalaman ang kaniyang trabaho, malamang na kinukonsulta kuno ang mga tao, tinatanong at sinusurbey ang mga kailangan nina Mang Juan at kung namumukhaan at nakikilala ang bisita. Sa bawat pagsusuyo’t pag-aabot nito sa madungis na kamay ni Mang Juan ay hindi makakaligtas sa talas ng mga mata ng litratistang kasama.
Simula lamang ito ng mahabang pagpapanggap, sa pag-alis ay matitiyak na mag-iiwan ng anumang bagay o souvenir na may larawan at pangalan upang hindi malimutan. Minsan may kalendaryo pa para buong taon maalala at makikita ang mukha nito… Huwag kang magpapabola Mang Juan dahil malapit na ang halalan.
Masasabi natin na ang magkaibang kilos at pahayag ng Inferior Davao ang tunay na nagsisimula na ang paghahanda sa halalan. Sa unang banggit pa lamang ni Totoy Kulambo na hihikayatin niya si Inday Sapak na huwag tumakbo sa halalan dahil hindi pambabae ang kapanguluhan, ang unang senyales na handa na ito sa 2022.
At handang itaya ang lahat upang mapagpatuloy ang natatamasang kasaganahan at sarap-buhay. Hindi pinapansin ang maari nitong paglabag sa mga batas ng halalan dahil alam nila na walang hadlang sa kanilang mga ginagawa.
Bulag, pipi at bingi ang COMELEC dahil karamihan sa bumubuo nito’y pawang hinirang ni Totoy Kulambo kaya’t walang problema. At para saan na nasa poder sila, kaya’t ang pahayag at galaw ay magkaiba man ang mensaheng pinaparating—lahat ito’y patungo sa halalan.
Kahit paulit-ulit na kasinungalingan ang banggitin, mayroon namang pera, COMELEC at trolls na magtatakip sa mga ito. Subalit huwag magpakampante; hindi na papayag si Mang Juan na ang dinadanas nitong kalbaryo’y palalawigin pa. Kikilos at kikilos ito upang magbago ang kanyang kalagayan. At nakatadhana na si Busy Leni sa pwesto ng pagkapangulo ng bansa.
Bigyan nating halimbawa ang palasak at paulit-ulit na pagsisinungaling ng Inferior Davao na talaga namang nakakayamot, lalo’t dama mo ang hirap ng buhay na kagagawan ng mga ito. Sa isang panayam kay Inday Sapak, nabanggit nito na hindi dapat maging isyu o usapin sa halalan ang pagsisinungaling ng mga kandidato dahil lahat nama’y nagsisinungaling, talaga lang ha?
Nakakababa ang tinutuntungang moralidad ang ganitong pahayag ng opisyal ng pamahalaan dahil sa kasabihan nga, “public service is a public trust” at kilala ang Filipino sa katapatan. At para sabihin niyang hindi ito usapin, kaya naman kabi-kabila ang magkakaiba nitong pahayag hinggil sa mga bagay na may kinalaman sa buhay ng Filipino.
Pangalawa, nariyan ang pahayag na hindi tatakbo kung hindi magkakaisa ang oposisyon sa likuran ng kanyang pagtakbo—sino ka? Nais nitong ipakita na kaya niyang pagkaisahin ang bayan. Pagkakaisa kuno, bakit nasa piitan pa rin si Sen. Delima?
Pangatlo, nakita na ba ninyo ang napakalaking tarpaulin na nakasabit sa isang bayan sa Metro Manila, walang alam dito si Inday Sapak, subalit hindi maiutos na baklasin ito at ibaba, tutal hindi ka naman tatakbo sa 2022, sabi mo ‘yan. Pang-apat, panay ang labas nito sa mga panayam na parang ipinapakita ang malawak na kaalaman, scripted ang mga yan.
Panlima at ang panghuli, napansin ba ninyo sa mga panayam na gamit ni Inday Sapak ang apelyidong Carpio, sa halip na Duterte? Tila parang dumidistansiya na ito kay Totoy Kulambo, wow na naman. Isa na namang pagpapanggap.
Ang paulit-ulit na kasinungalingan, magkasalungat na pahayag at kilos ang tatak ID na talaga namang naglukmok sa kahirapan sa mamamayang Filipino. Sa mga walang habas na mali-maling, hindi nila nabatid na naisaalang-alang ang kabuhayan ng bansa. Walang bakuna, walang pera ngunit sila’y kampante na tila meron bang ‘di alam si Mang Juan? Eh paano yan?
Ang tanong, kaya bang lagpasan ang krisis na likha ng ID sa loob ng natitirang panahon ni Totoy Kulambo sa pwesto? Payag ba ang Pinoy na magpatuloy ang krisis sa pamumuno ng isa pang Inferior ng Davao?
Sa mga katanungang ito, ayaw man natin ang kalagayan, kailangang harapin ang katotohanan na nagkamali ang ilan sa atin at tayo ang mag-aahon sa lugmok nating kalagayan. Tanggapin na walang maasahan sa pamahalaang ito na ubod nang tamad, walang balangkas ng pamumuno, puro kasinungalingan at walang malasakit.
Ang palasak na pagsisinungaling ang tanging katangian ng grupong ito.
Kaya Mang Juan, buksan ang isip at imulat ang mata, sabihan ang iyong mga anak na ang kalaba’y nasa harapan at nanunungkulan. Ang gawa nito’y purong pagbabalatkayo na pansarili ang layon.
Ang sobrang hirap na dinaranas ang gawing batayan at huwag bigyang puwang ang isa pang Inferior Davao na ginagawa ang lahat upang tayo malinlang. Lahat ng galaw nito’y pawang pagpapanggap at kasinungalingan lamang.
Maraming Salamat po!!!
***
dantz_zamora@yahoo.com
The post Kasinungalingan appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: