Facebook

Maigting na info campaign sa child car seat law, hiniling ni Bong Go

HINILING ni Senator Christopher “Bong” Go sa mga kinauukulan na maglunsad muna ng maigting na information, education at communication campaign sa Republic Act 11229 o Child Safety in Motor Vehicles Act bago ito iimplementa.

“Nakausap ko rin si Pangulong (Rodrigo) Duterte. Sang-ayon siya dahil mahirap
pa ang panahon… Maraming naghihirap na mga tao,” ani Go.

Ayon kay Go, nakipag-usap siya kay Department of Transportation Secretary Arthur Tugade at Land Transportation Office chief Edgar Galvante para personal na hilingin na i-postpone muna ang implementasyon ng batas dahil sa pandemya.

“Alam n’yo ‘yung batas na ‘yan, pinasa na po ‘yan nung February 2019. Meron na pong Implementing Rules and Regulations at dapat pong iimplementa na ang IEC campaign noong nakaraang taon. Dahil inabot ng pandemic, ‘di natuloy,” anang senador.

“Kinausap ko (noong Martes) sina Secretary Tugade at Assistant Secretary Galvante at sumang-ayon naman po sila na suspendido muna at by phases po ang gagawin. Walang huhulihin, walang penalties, no apprehension. Walang kukuning mga lisensya dito sa batas na ito,” idinagdag ni Go.

Ang edad at taas ng bata na sakop ng batas, gayundin ang ipapataw na parusa sa lalabag at ang standard car seat na gagamitin ay idedetermina pa habang isinasagawa ang awareness campaign para maunawaan ito ng publiko.

“Bagamat nakasaad sa batas na kailangan na ito maimplementa ngayong taon, sisikapin muna nating maipaintindi sa mga tao kung ano po ang batas na ito, bakit ito kailangan maimplementa, at ano ang mga patakaran na kailangan sundin ukol dito. Bibigyan natin ng oras ang lahat na makapaghanda muna, habang may pandemya pa rin tayong sinusubukang malampasan,” wika ni Go.

Nabatid na ang LTO ay magsasagawa ng information, education, at communications campaign ng 3 hanggang 6 buwan bago ito ipatupad.

“Meron pa tayong IATF protocol na bawal lumabas ang mga bata, so pwede munang isuspinde ang pag-iimplementa nito. So, habang naghihintay tayo na bumalik sa normal na pamumuhay, dito natin paigtingin ang info campaign para maintindihan ng mga kababayan natin dahil pagdating po ng panahon, kailangan iimplementa ang batas na ito dahil ipinasa ito noong 2019 pa,” ayon sa mambabatas.

Base sa data ng Philippine Statistics Authority, 17 percent o 12,000 ng kabuuang road crash victims simula 2006 hanggang 2014 ay bata.

“Ang apela ko sa mga kababayan natin, makinig tayo sa information campaign at intindihin natin ito. Kapakanan at kaligtasan ng lahat, lalong-lalo na po ang mga kabataan, ang inuuna natin sa pagpapatupad nito,” ani Go.

“Darating rin po ang panahon na kailangang ipatupad na ang nakasaad mismo sa batas. Oras na malampasan na natin ang pandemya at magiging normal na ang ating pamumuhay, kailangan natin itong sundin – itong batas na ito. Ang mga patakarang ito ay para rin naman sa kaligtasan at ikabubuti ng bawat Pilipino,” pahabol niya. (PFT Team)

The post Maigting na info campaign sa child car seat law, hiniling ni Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Maigting na info campaign sa child car seat law, hiniling ni Bong Go Maigting na info campaign sa child car seat law, hiniling ni Bong Go Reviewed by misfitgympal on Pebrero 05, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.