NANANAWAGAN ang Commission on Elections (Comelec) sa mga overseas voters na makilahok sa isasagawa nilang test run para sa internet voting.
Nabatid na ang internet voting ay isa sa mga pamamaraan ng pagboto na ikinukonsidera ng Comelec, sa gitna na rin ng nagpapatuloy na banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang pahayag na inilabas nitong Lunes, nabatid na partikular na hinihikayat ng Comelec na mag-sign up para sa test run ay ang mga rehistradong botante na mayroong aktibo at kumpletong voter registration record.
“Their registration status must be active, which means that it must not have been deactivated for failure to vote in the two previous elections in 2016 and 2019,” anang poll body.
Sinabi ng Comelec na ang mga interesadong lumahok sa test run ay dapat na mayroon ring kumpletong biometrics data, kabilang na ang larawan, fingerprint at lagda.
Upang makalahok, dapat na ang botante ay mayroon ring smartphone, na may kakayahang magpatakbo ng Android o iOS apps, o di kaya ay laptop o personal computer, o iba pang mobile device na mayroong internet o data access.
Maaari umano silang mag-sign up gamit ang form na nakapaskil sa Facebook page ng Office for Overseas Voting (OFOV) ng Comelec.
“In compliance with our data privacy policy, interested participants will be required to email us their signed consent form, together with a copy of their passport or seafarer’s book,” ayon kay OFOV director Sonia Bea Wee-Lozada.
Pinayuhan rin niya ang mga botanteng lalahok na ipadala lamang ang mga naturang dokumento sa kanilang official email address na overseasvoting@comelec.gov.ph.
Maaari umanong mag-sign up ang mga test voters ng hanggang 8:00 ng umaga, oras sa Maynila sa Pebrero 12, 2021.
Ang presidential elections sa Pilipinas ay nakatakdang idaos sa Mayo 2022. (Jonah Mallari/Andi Garcia)
The post Overseas voters pinalalahok ng Comelec sa internet voting test run appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: