INIHAYAG ni Senator Christopher “Bong” Go ang kahandaan niyang magpabakuna laban sa COVID-19 sa harap ng publiko, kasabay ni Pangulong Rodrigo Duterte, upang ipakita na ligtas at mabisa ito.
“It’s not a question anymore if the President is willing to be vaccinated in public or not because we all want to be vaccinated. We are doing this not because we are priority. Gagawin po namin ito para ipakita sa publiko na dapat magtiwala tayo sa bakuna,” sabi ni Go.
“Sabay po kami magpapabakuna, in public po, at inaantay na lang namin, pinagpipilian ng kanyang doktor kung ano pong bakuna ang pwede sa kanyang edad na pwede sa kanyang kalusugan,” idinagdag ng senador.
Ayon kay Go, kapag may nairekomenda nang bakuha ang doktor ng Pangulo ay sabay silang magpapaturok sa harap ng publiko.
“Once meron na pong napili, willing kami sabay in public na magpabakuna,” ayon sa mambabatas.
Ibinalita rin ni Go na may mga public officials din na pumayag magpabakuna para mawala ang takot ng publiko dahil na rin sa safety concerns.
“Meron po tayong opisyales na nagboluntaryong magpabakuna headed by Secretary (Carlito) Galvez at Secretary Vince Dizon ,” ani Go.
Aniya, Sinovac vaccine ang ibabakuna sa mga nasabing opisyal.
Maging si Metropolitan Manila Development Authority chair Benjamin “Benhur” Abalos Jr., ay nagboluntaryo ring magpabakuna.
Ayon kay Go, nakasalalay sa tagumpay ng vaccination ang pagbabalik ng normalidad sa bansa.
“‘Wag po kayong matakot sa bakuna, matakot po kayo sa COVID-19,” giit ni Go sa publiko.
“Kailangan natin ipakita sa publiko na ang bakuna ay dapat pagkatiwalaan. Ang bakuna ang tanging susi o solusyon sa ating pagbabalik sa normal nating pamumuhay,” dagdag niya.
Aminado ang senador na maraming frontliners ang nag-aalangan na magpabakuna ngunit sinabi niyang ang mga medical at frontline workers ang prayoridad sa vaccination program upang mapreserba ang healthcare system.
“Dapat pangalagaan natin ‘yung buhay at kalusugan ng bawat Pilipino, especially sa laban na ito dahil sila nga ‘yung ating isinabak sa gyerang ito…Ibig sabihin, kumbaga sa military, bibigyan natin sila ng sapat na armas sa gyera na ito,” ani Go.
Nitong Linggo ay sinamahan ni Go si Pangulong Duterte sa Villamor Air Base sa Pasay City para personal na saksihan ang pagdating sa bansa ng 600,000 Sinovac vaccine doses na donasyon ng Chinese government.
“Pinatulong na ni Pangulo Duterte si Secretary [Teodoro] Locsin at Secretary [Carlos] Dominguez na makipag-usap, makipag-network sa kanilang [mga] counterpart para ma follow-up kaagad ang pagre-release ng kanilang bakuna. Si Secretary Galvez ay pupunta ng India dahil malaki ang supplier sa India. Bulto ang kaya nilang i-supply,” sabi ni Go.
“Tuloy-tuloy po ito….ang importante gusto ni Pangulo na ilagay ang mga bakuna sa strategic places. Sa Miyerkules ay ilalagay sa Vicente Sotto Memorial Medical Center sa Cebu at Biyernes naman [sa Southern Philippines Medical Center] sa Davao.”
“Gusto ni Pangulo…umpisa na kaagad kinabukasan ang pagbabakuna para makita ng buong bansa na talagang nag uumpisa na [ang rollout],” ayon sa mambabatas. (PFT Team)
The post ‘Sabay kami magpapabakuna ni Presidente’ — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: