TAKDA ng katatapos na eleksyon sa Amerika, ng parating na halalan sa Pilipinas, at ng balita tungkol sa ruling ng Presidential Electoral Tribunal (PET), mainam na pag-usapan ang kabuluhan ng sistema ng pagboto para sa ating nangungunang mga opisyal.
Maaaring tanong sa isip ng ilan kung bakit hiwalay ang ating paghalal sa Presidente at Bise Presidente sa ating bansa. Ang ating Konstitusyon ay base sa Konstitusyon ng Estados Unidos ngunit mapapansin ang klarong pagkakaiba sa pagpili ng ating top officials. Kungsaan ang Presidente at Bise Presidente ay ibinoboto bilang pares o tandem sa US, sa atin ay hiwalay.
May ilang konsiderasyon sa likod ng desisyong ito ng mga nagtaguyod ng ating Konstitusyon noong 1935: Una, dahil sa unicameral na National Assembly, nagbigay-karapatan ang Konstitusyon ng Commonwealth na maatasan ang Bise Presidente na maging bahagi ng Gabinete, isang probisyon na pinanatili ng Konstitusyon ng 1987. Pangalawa, nagpasya ang mga nagsulat ng Konstitusyon na mahalaga ang pagpapatibay ng hiwalay na mandato ng Bise Presidente sa Presidente.
Marahil lumilitaw ang katanungan: Kung suporta ng Presidente ang kanyang Bise Presidente, ‘di ba mas mainam na bilang pares sila iboto? Dito pumapasok ang pagsusuri ng politikal na dinamiko sa Pilipinas. Ang hiwalay na paghalal sa kanila ay may katuturan kapag isinaalang-alang ang party system ng Pilipinas na naiiba sa Amerika. Kungsaan nahahati ang US sa dalawang pangunahing partidong kumakatawan sa mga pinahahalagahan ng mga botante, ang political landscape naman sa Pilipinas ay nagbibigay-daan sa mas maraming partidong may kanya-kanyang pares ng kandidatong Presidente-Bise Presidente na rumerepresenta sa iba’t ibang katayuan sa mga prayoridad at polisiya. Dahil dito, nagsisilbing safeguard ng ating demokrasya ang hiwalay na pagpili sa Presidente at Bise Presidente. Kung anuman ang ipinapalagay na dagok na dala ng hiwalay na pagboto, ang ating kasaysayan ang magsisilbing kontra-naratibo: Mula 1935 ay hiwalay na ang ating pagpili sa dalawa, at ilang administrasyon na ang dumaan na may Presidente at Bise Presidenteng mula sa magkaibang partido.
Kung tutuusin, ang sistema ay nagbibigay-daan naman para iboto sila bilang tandem pero ang ating nasasaksihang trend ay repleksyon ng kahalagahan ng kasarinlan ng Office of the Vice President mula sa President. Bumabalik ito sa pagpapatibay ng mandato, hindi sa kabila ng, bagkus dahil sa fact na ang Konstitusyonal na responsibilidad ng Vice President ay maging handang manungkulan sa lugar ng Presidente kapag kinailangan.
Kaugnay nito, napakaimportanteng apirmasyon ng ating sistemang demokratiko ang kamakailang PET ruling. Siyang tunay na mas mainam kung hindi natagalan ang desisyong ito. Gayunpaman, sa ating pagtanggap sa sitwasyon, atin ding maaaninag na iyong tatlong beses na pagkapanalo niya ay tumatayong testamento sa nararapat na mandato ni VP Leni Robredo. Mahalagang isaisip ito para sa susunod na eleksyon.
Sa susunod na 14 months ay national elections uli, isa na namang oportunidad para masaksihan ang pagpapataw ng mandato at tiwala ng sambayanang Pilipino. Habang papalapit ang 2022 ay isa-isa nang lumalabas ang mga pangalang ipinapalagay na maaaring sumali sa balota bilang tumatakbong Presidente. Sa mga ito, si VP Leni ang may klarong kalamangan dahil sa kanyang kasalukuyang posisyon. Posisyon na binibigyang bigat ng mandato ng taumbayan sa national level; isa sa nagdadalawang posisyon, kasama ang pagka-Pangulo. Kasaysayan muli ang nagpapatibay sa pag-aangking ito: Anim sa ating mga naging Pangulo ay mula sa Opisina ng Bise Presidente, ang opisinang pinanggagalingan ni VP Leni. Siya ay nasa natatanging posisyon kumpara sa ibang potensyal na kandidato. Ang tatag ng kanyang mandato ay itinatakda siya sa klarong trajectory patungo sa pagka-Pangulo. Kapag ipinalagay niya ang kanyang isip at puso sa tahaking ito, isang landas na likas hindi lang sa posisyon niya pero sa kanyang tatak ng serbisyo, hindi mahirap na ipalagay ang kanyang pag-upo bilang Pangulo sa 2022. Mismo!
The post Si VP Leni ang dapat na sunod na Presidente appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: