ANIM na Filipino migrants na nabiktima ng human trafficking sa Syria ang ligtas nang nakauwi sa bansa dahil na rin sa suporta at tulong nina Pangulong Rodrigo Duterte, Senator Christopher “Bong” Go, Department of Foreign Affairs at iba pang concerned government agencies.
“Nagpapasalamat po kami kay Pangulong Duterte at Senator Bong Go dahil napakalaki ng tulong ng ibinigay nila para sa pagsisimulang muli namin ng buhay sa bansa,” sabi ng isang migrant workers na hindi muna binanggit ang pangalan.
“Maliban po sa tulong, naramdaman naming hindi kami iniwan ng pamahalaan, lalo na nina Pangulong Duterte at Senator Go,” ang dagdag niya.
Bukod sa tulong mula sa pamahalaan, nagbigay din ang tanggapan ni Sen. Go ng iba pang ayuda sa mga nasabing OFWs at sa kani-kanilang pamilya.
“Parte po ito ng kalinga at malasakit programs para sa ating OFWs na suportado namin ni Pangulong Duterte,” ani Go.
Sinabi ni Go na nakikipag-ugnayan na ang Inter-Agency Council Against Trafficking o IACAT sa mga biktima para sa pagsasampa ng kaso sa mga taong nasa likod ng masama nilang sinapit.
“Dapat lamang po na papanagutin ang mga human traffickers na ito dahil mga salot sila sa ating OFWs. Hirap na hirap na nga ang mga kababayan natin, may mga nangsasamantala at nambibiktima pa,” ayon sa senador.
“Ayaw ko talagang makitang merong mga OFWs natin na naaabuso, lalo na nasa malalayong lugar sila. Sa mga nang-aabuso ng kapwa tao, dapat sa inyo putulan ng…!,” ani Go.
Ang mga napauwing OFWs, sakay ng Etihad Airlines, ay ang 6 na kabilang sa 35 migrant workers sa Syria na biktima ng human trafficking.
Ayon sa Philippine Embassy sa Syria, may mga kinuhang Syrian lawyers para sa pagsasampa ng kaso sa mga indibidwal na nasa likod ng trafficking sa OFWs. Prinopoeso na rin ng Pilipinas ang pagpapauwi sa iba pang biktima na nasa Syria.
May ilan umano sa biktima ang nasa embassy facility nang halos 2 taon na dahil hindi pa makakuha ng exit visas at pamasahe pabalik sa Pilipinas.
Kaugnay nito, nagsasagawa ang DFA ng administrative investigation laban sa ilang opisyal at tauhan ng embahada ng Pilipinas sa Syria dahil sa pagkabigo nilang umaksyon laban sa trafficking ng mga Pinoy.
Sinasabing nagpadala na si DFA Secretary Teodoro Locsin, Jr. ng bagong team sa Syria para i-overhaul ang personnel ng embahada roon.
Matatandaang nabahala si Go sa ulat ng pagpupuslit ng mga Pinay at puwersahang dinadala sa Syria para lamang abusuhin ng kanilang nagiging amo.
Kaya naman sinabi ni Go na napakahalagang maipasa ang inihain niya sa Senado na Department of Overseas Filipinos (DOFil) na siyang magpoprotekta sa kapakanan ng OFWs. (PFT Team)
The post Unang batch ng OFWs na nabiktima sa Syria napauwi na sa bansa — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: