Facebook

Walang silbi

IKALAWANG bahagi ng aming isinulat sa pitak na ito hinggil sa GCG. Nagmistulang tengang kawali ang GCG sa tugon hinggil sa sulat ng pederasyon ng mga korporasyon ng gobyerno na humihingi na aksyunan ang hiling ng mga ito na maglabas ng kautusan hingil sa hinihinging umento na mahigit limang taon ng kinakalampag ng mga kawani ng GOCCs/GFIs.

Ang sagot ng GCG, isang timpladong tugon na karaniwang nagsasabi na may mga kaukulang mga dokumento pa ang kailangan sa kanilang pagtatasa bago ipasa sa opisina ni Totoy Kulambo at ayunan. Kasunod nito, tinitiyak na ginagawa ang lahat upang tugunan ang kahilingan. Malinaw ang sagot, maghintay dahil hindi sila handang ibigay ang hinihiling na umento ng mga kawani ng ibat- ibang korporasyon.

Mahigit limang taon na itong hinihingi ngunit hanggang ngayo’y pinag-aaralan pa rin, wala ba kayong silbi? O talagang sinusunod ninyo ang naunang pahayag ni TK na walang mapapala ang mga GOCCs/GFIs sa termino nito, kahit na ang mga sundalo, pulisya maging ang nasa national agencies at LGUs ay nakatanggap na ng kanilang umento. Bakit?

Simula ng maitayo ang GCG, wala itong ginawa kundi pagurin at pahirapan ang mga opisina ng mga GOCCs/GFIs sa mga requirements upang masabi na napapasunod nito ang opisinang ito sa kanilang layon. Naging taon-taong gawain na ng mga GOCCs/GFIs ito upang mapanatili ang mataas na rating upang hindi mapagdiskitahan at baka malusaw o lusawin kahit na ang mga korporasyong ito’y may sariling pondo at hindi umaasa sa budget na galing sa pamahalaan.

Sa halip ito pa ang nagbibigay ng pondo sa national treasury mula sa kanilang kita. Ang matagal na kahilingang umento’y ‘di batid ng GCG at tila wala lang sa kanila ang mga kaganapan sa mga kawani o obrero na kulang na kulang ang inuuwi dahil sa taas ng presyo ng mga bilihin. O sadyang mataas ang sahod ng mga ito kaya yakang-yaka ang maraming gastusin at mataas na bilihin. O baka mayroon namang mga espesyal na mga regalo mula sa mga friendly at may kayang mga korporasyon, nagtatanong lang po?

Sa kaganapang ito, tila binabale wala ng GCG ang lehitimong kahilingan ng mga kawani ng mga korporasyon ng pamahalaan, ating tasahin ang pagganap nito sa mandato ng batas na nagbigay daan sa pagkakabuo nito, ang RA 10941.

May ipapakita bang gilas ang GCG upang masabi na talagang nagampanan nito ang mandato na good governance at karapat dapat na manatili bilang ahensya na nagbibigay ng direksyon sa mga GOCCS/GFIs? Kung pagbabasehan ang galaw nito sa mga kahilingan ng mga ahensya, siguradong unsatisfactory ang grado nito dahil may mga korporasyon na talagang sangkot sa mga anomalya na hindi natuunan ng pansin ng GCG. Pinakamalaking halimbawa diyan, ang Philhealth na may bilyon-bilyong pisong anomalya. Hindi nakita ang anino ng GCG upang alamin ang mga kontrobersya sa korporasyong ito. Sa halip ang NBI ang inatasang mag-imbestiga at naglabas ng resulta na may magic wand na inabot nito ang deadline ni Totoy Kulambo at nalinis ang dapat linisin.

Sa kaganapang ito, ipinapakita nitong walang silbi at katuturan ang pinaggagawang imbestigasyon ng mga mambabatas kahit may hawak pa itong mga dokumento sa imbestigasyon. Sa kabilang banda, bakit hindi ito nakita ng GCG bilang taga gabay na ahensya ng GOCCs/GFIs? Hindi ba inaral ang mandato ng ahensya upang hindi nagkaroon ng ganitong anomalya? Bakit walang itong ginawa upang susugan o ilaban ang posisyon ng korporasyon o maging ng mambabatas na ilabas ang katotohanan? O talagang NPA ang ahensyang ito.

Ano NPA ang GCG? Tama ito’y Non-Performing Agency na dapat nang buwagin dahil ito’y isang inutil na ahensya. Pangalawa, ano ang ginagawa ng GCG upang maitama ang maling findings ng kongreso / senado sa mga imbestigasyon na nagdulot ng kahihiyan sa mga empleyadong isinalang sa imbestigasyon at ngayo’y napilitang magbitiw dahil sa kahihiyang nakamit ng humarap sa hearing ng Kamara. Dapat ibalik ang mga kawani sa kanilang trabaho at alisin ang mga kasong ipinataw lalo na ang mga rank-and-file gayung sa ulat ng pang-apat na pangulo ng Philhealth ay sinabi nitong naliquidate na ang perang nawawala? Di ba’t ang GCG ang dapat maglabas ng kautusan na ibalik ang sino mang kawani na suspendido sa pangyayaring ito.

Sa mga pangyayaring ito talagang walang silbi ang GCG at kailangan ng buwagin. Nagpapatunay lang na ang pangyayari sa senado, kongreso maging ang pagpasok ng NBI sa imbestigasyon sa Philhealth na meron o walang anomalya’y patunay na hindi ginagawa nito ang kanilang mandato. At mismo sa templadong tugon nito sa sulat ng KAMAGGFI na naghihintay ng kumpas mula sa puno ng Balite ng Malacanang ang nagpapatunay na kailangan ng magtipid ang pamahalaan at bigyan ng pisong budget ang ahensyang ito.

Sapat ng masasabi na ang GCG ay isang Non-Performing Agency ng pamahalaan at kinakailangan ng ihinto ang operasyon nito. Ang mga anomalya na nagaganap sa mga GOCC/GFIs na ang nagsasabi na wala ng dahilan upang ipagpatuloy pa ng GCG ang ginagawa nito. Hindi ito nabubuhay sa dahilan ng pagkakatatag nito, sa halip ito’y isang bahagdan na tunay na pasaning bayan Ibigay ang umento at buwagin ang GCG.

Maraming Salamat po!!!

***

dantz_zamora@yahoo.com

The post Walang silbi appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Walang silbi Walang silbi Reviewed by misfitgympal on Pebrero 03, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.