
LIMA sa anim na ospital na pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ng Maynila ay sarado na o ‘di na tatanggap ng pasyente ng COVID dahil naabot na nito ang capacity limits, ito ay sa kabila ng kahilingan ng may 42 barangay na i-lockdown sila sa gitna ng napakataas na bilang ng kaso ng coronavirus sa bansa.
Ang masamang balita ay inanunsyo ni Mayor Isko Moreno na idinagdag rin, na ang natitirang ospital ay malapit na ring umabot sa maximum capacity nito kabilang na ang mga quarantine facilities na itinayo ng lokal na pamahalaan dahil sa patuloy na pagtaas ng kaso ng coronavirus sa kabisera ng bansa.
“Ako’y di nagkulang ng paalala na darating at darating ang oras na ang ating mga COVID bed capacity ay mapupuno pagka’t marami ang symptomatic or mild and severe.,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa ng alkalde na:“Wag tayong magtatampo kung di na kayo tatanggapin sa ospital. Lahat kamui ay nagulat nang biglang lumobo. Maari kayong magtungo sa pribadong ospital pero maging sila ay halos puno na din.”
Sinabi ni Moreno na siya at si Vice Mayor Honey Lacuna, na may superbisyon sa lahat ng ospital sa Maynila at pinatatakbo ng pamahalaang lungsod ay nakipagpulong sa anim na direktor ng mga ospital at kay Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan kaugnay sa planong pagdaragdag ng COVID beds.
“Madaling magdagdag ng beds. Ang mahirap, ‘’yung medical professional na tutugon pag kayo ay nasa COVID ward dahil may kanya-kanya silang gamit lalo na ang mga infectious doctors. ‘Yan ang mga unique na tsitwasyon kaya di simple magdagdag,” paliwanag ng alkalde.
Ayon kay Lacuna, matapos ianunsyo ng alkalde sa kanyang live broadcast na apat sa anim na COVID beds ay napuno na, isang ulat ang dumating na ang Ospital ng Tondo ay umabot na rin sa capacity limit, at tanging ang Justice Abad Santos General Hospital (JASGH) ang natitirang ospital na hindi pa puno. Ang JASGH ay nasa third district ng Manila.
Ayon pa kay Moreno ay patuloy ang pakikipagusap nina Lacuna at permits bureau chief Levi Facundo sa mga may-ari at operators ng mga motels at hotels sa lungsod upang ipahiram ang kanilang mga kwarto bilang quarantine facilities habang wala pang guests ang mga ito.
Iginiit ni Moreno na kahit magkano pa ang gugulin ng lungsod, kung patuloy naman sa masamang gawi ang publiko at patuloy na lalabagin ang itinakdang minimum health protocols, ang lahat ng pagsisikap at pagod ay mauuwi lang sa wala. (ANDI GARCIA)
The post 5 sa 6 na ospital ng Maynila, sarado na sa pasyente ng COVID – Isko appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: