Facebook

BUCOR NANINGIL NG P150-P800 KADA MOTORISTA SA N.B.P. PERO ISINARA PA RIN ANG ACCESS ROAD

PINANINIWALAANG milyun-milyong piso ang nasingil ng Bureau of Corrections (BuCor) sa mga motoristang dumaraan sa access road (Insular Prison Road) mula Daang Hari patungong city at Brgy. Poblacion proper sa lungsod ng Muntinlupa.

Kaya masama ang loob ng mga residente ng Southville3-NHA na sakop ng Brgy. Poblacion bunsod ng pagsasara ng nasabing kalsada.

Sinasabing daan-daan ang mga kumuha ng stickers at pass noong 2019 at 2020 na nagkakahalaga ng P150 hanggang P800.

“P800 po ang bawat kotse o sasakyan at P150 naman sa motor, ang dami pong kumuha at nagulat nga lang po kami nang biglang isinara kahit na bayad naman kami sa pass,” giit ng isang motorista na ayaw magpabanggit ng pangalan.

Idinadahilan nina BUCOR SPOKESPERSON GABRIEL CHACLAG at DIRECTOR GENERAL GERALD BANTAG na naghihigpipt sila ngayon sa bisinidad ng New Bilibid Prison (NBP) bunsod ng Covid-19 pandemic kaya ginawa ang naturang hakbang.

Nagulat ang mga taga-SV3 at maging sina BRGY. POBLACION CHAIRMAN ALLEN AMPAYA, MAYOR JAIME FRESNEDI, at CONG. RUFFY BIAZON nang isara nang tuluyan ang kalsada at binakuran pa ng hollow blocks.

Dismayado si Fresnedi dahil inakala raw ng alkalde na pansamantala lamang ang pagsasara at para aniyang inihiwalay ang Soutville3 sa Muntinlupa.

Apektado rin ang essential services sa lugar dahil sa Insular Prison Road dumaraan ang mga rumerespondeng bumbero, barangay police, local police, at ambulansiya.

“May mga eskwelahan kasi sa loob ng Bilibid, bumbero at pulis. Ipasasara po ba nila ang eskwelahan na daan-daan ang mga pumapasok at maging ang Pamantasan ng Lungsod ng Muntinlupa (PLMun)? Paano na lang ang pagpasok ng mga bata after pandemic?” tanong ng isang local official.

Tila maagang kalbaryo ang dinaranas ng mga mamamayan ng SV3 dahil kailangan pa nilang dumaan ng Las Piñas o kaya’y sa San Pedro sa Laguna bago makarating ng city proper o bayan kung saan mula sa 15 minuto ay inaabot na ng higit isang oras ang kanilang biyahe.

Mabilis namang umaksiyon ang lokal ng pamahalaan ng Muntinlupa sa panawagan ng mga taga-SV3 na mag-deploy ng libreng biyahe para sa mga apektadong residente.

Pahayag ni PUBLIC INFORMATION OFFICE CHIEF TEZ NAVARRO, ang mga biyahe ay mula Biazon Road via Daang Hari at Alabang-Zapote Road patungong Starmall.

Mismong si Mayor Fresnedi aniya ang nag-utos kay Muntinlupa Traffic Management Bureau (MTMB) CHIEF DANIDON NOLASCO at ibang tanggapan na magpadala ng flexi trucks at e-jeeps sa lugar.

Aniya, puspusan ang pakikipag-ugnayan nina Fresnedi, VICE MAYOR ARTEMIO SIMUNDAC, city councilors, Barangay Poblacion officials at Cong. Biazon sa Department of Justice (DOJ) upang mabuksan muli ang ipinasarang kalsada.

Isinusulong din ni Biazon sa Kongreso ang pagsasagawa ng imbestigasyon sa nasabing insidente.

Buko dito, pinaaaksiyunan ng mga residente sa DOJ ang nangyari dahil bayad naman daw sila sa pass at sticker para magkaroon ng access sa isinarang kalsada kaya’t pakiramdam tuloy nila ay kinikilan lamang sila ng mga taga-BuCor.

Naku, galit pa naman si PANGULONG RODRIGO DUTERTE, gayundin ang Civil Service Commission (CSC), Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), at Office of the Ombudsman sa mga mapagsamantala’t tiwali sa gobyerno!

***

PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!

The post BUCOR NANINGIL NG P150-P800 KADA MOTORISTA SA N.B.P. PERO ISINARA PA RIN ANG ACCESS ROAD appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
BUCOR NANINGIL NG P150-P800 KADA MOTORISTA SA N.B.P. PERO ISINARA PA RIN ANG ACCESS ROAD BUCOR NANINGIL NG P150-P800 KADA MOTORISTA SA N.B.P. PERO ISINARA PA RIN ANG ACCESS ROAD Reviewed by misfitgympal on Marso 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.