Facebook

Bong Go sa LGU officials: Sundin ang vaccine priority list

BAGAMA’T nauunawaan niya ang intensyon ng ilan na himukin ang kanilang constituents na huwag matakot sa pagpapakuna, ipinaalala ni Senator Christopher “Bong” Go sa local chief executives na estriktong sundin ang priority list ng mga grupo at sektor na dapat maunang makatanggap ng COVID-19 vaccines.

Sa panayam sa radyo, sinabi ni Go na dapat ding maunawaan ng general public na ang mga medical frontliner ang dapat unang mabakunahan dahil sila ang nasa forefront ng laban ng bansa sa COVID-19 disease.

“Mayroon na pong inaprubahan ang mahal na Pangulo na sinusunod na priority list. Ito po’y base sa rekomendasyon ng National Immunization Technical Advisory Group as well as the World Health Organization,” paliwanag ni Go.

“Alam n’yo po, dapat unahin muna natin ‘yung mga 1.7 million na mga frontliners nationwide. Dahil sila po ang isinasabak natin dito sa giyerang ito, dapat sila ang unahin natin at ‘yung armasan natin para maproteksyunan ang kanilang sarili gamit ang bakuna habang nilalabanan ang COVID-19 at ginagampanan ang kanilang tungkulin na mailigtas ang buhay ng mga may sakit,” aniya.

Ayon sa senador, nadismayan si Pangulong Rodrigo Duterte sa pagsingit ng ilang pulitiko at indibidwal sa vaccination program kaya iniutos sa Department of Interior and Local Government at Department of Health na siyasatin ang insidente.

“Hindi po katanggap-tanggap na may makikita tayo nagpo-post pa po sa Facebook na nakikita na tapos na po silang nabakunahan,” ani Go.

“Insulto po ‘yon sa ating health workers na hindi pa po nababakunahan na gusto pong magpabakuna. Nakikita nila na may nagpapaka-VIP,” anang mambabatas.

Sinabi ni Go na hindi sila magdadalawang-isip ng Pangulo na irekomenda ang pagsasampa ng reklamo laban sa mga pasaway na local chief executives.

“Kaya po galit rin po ang Pangulo kagabi at inatasan na po ang DILG at DOH na tingnan rin po kaagad ito at ‘yung mga dapat makasuhan ay ipasa po sa Ombudsman. Nabanggit po ito ng Pangulo, ‘yung mga opisyales,” ani Go.

“Alam niyo, dapat sumunod muna tayo sa priority list dito. Darating naman po ang punto na hanggang sa baba naman po ‘yan ay mababakunahan. So ngayon, uunahin muna ‘yung mga health workers, pagkatapos naman po ay ‘yung mga senior citizens,” idinagdag ng mambabatas. (PFT Team)

The post Bong Go sa LGU officials: Sundin ang vaccine priority list appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Bong Go sa LGU officials: Sundin ang vaccine priority list Bong Go sa LGU officials: Sundin ang vaccine priority list Reviewed by misfitgympal on Marso 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.