Facebook

Buhay sa loob ng bubble

NANG tanungin ng mga reporter kung may inihahanda bang AYUDA ang Palasyo para sa ‘NCR Plus Bubble’, mabilis at walang alinlangan na sinabi ni Harry Roque na “WALA”. Ito ay dahil sa loob naman daw ng bubble ay patuloy pa na makakapagtrabaho ang mga tao at walang restriksyon sa kanilang galaw.

Sa ganitong sagot makikita ang lohika ng paggamit ng “bubble” bilang bagong estratehiya ng administrasyong Duterte para labanan ang muling pagragasa ng kaso ng COVID-19. Kung epektibo ba ang bagong pormula na ito ay wala pang nakakapagsabi kung paano. Ang OCTA Research na nagsasagawa ng siyentipikong pag-aaral sa nangyayaring transmisyon ng virus ay mas sa MECQ pumapabor sa halip na sa GCQ in a bubble.

Hindi naman bago ang paggamit ng ‘bubble’ sa panahong ito ng pandemya. Bago ito opisyal na gamitin ng IATF ay nagamit na ito bilang paraan para maipagpatuloy ang ibat-ibang aktibidad nang hindi nagiging banta sa kalusugan ng buong komunidad. Marahil ay narinig o napanood nyo na ang ‘NBA Bubble’ dahil dito kinopya ang ‘PBA Bubble’. Bubble set up din ang katatapos lang na Wimbledon Open. Ang ilang entertainment show katulad ng Eat Bulaga at Show Time ay nasa ‘bubble’ na rin. Ganundin ang bahay ni kuya sa Pinoy Big Brother. Sa madaling salita, ginagawa ang mga aktibidad, laro, o produksyon na ito sa kondisyon ng zero live audience.

Isipin nyo na lang ang larawan ng bubble wrap na binubuo ng maraming bubbles na paborito ninyong isa-isang paputukin. Ganito tayo ngayon matapos ang isang taon sa ilalim ng pandemya. Hindi generalized na ECQ o GCQ kundi localized o granular lockdown.

Ang ‘NCR Plus Bubble’ ay katulad nito. Tatlong lugar na kinabibilangan ng National Capital Region (NCR), Cavite, at Bulacan na isinailalim sa GCQ pero nakapaloob sa tatlong bubbles. Sa loob ng bawat bubble ay tuloy ang trabaho, essential o non-essential work man yan. May checkpoint pero company ID ay sapat na. Bagansya ka kung ikaw ay tambay, o manggagawa sa impormal na sektor. May curfew pero hindi saklaw ang mga nagtatrabaho sa oras na itinakda. Ang transportasyon ay ibinalik sa 50% capacity. Ang pagtawid naman mula sa isang bubble papunta sa isang bubble ay pinapayagan kapag essential travel ay mapapatunayan. Sa madaling salita pero hindi madaling maintidihan, parang lockdown pero hindi.

Aminado ang Malacanang na hindi na pwede ang hard lockdown dahil hindi na kakayanin ng ekonomiya. Ang ikalawang pag-amin na ginawa ni Roque ay ang kawalan ng ayuda, na maari din na naging mayor na dahilan ng Palasyo kung bakit hindi na gagawin pa ang panibagong lockdown sa kabila ng resurgence ng COVID-19 virus at kawalan ng bakuna.

Ang hindi katanggap-tanggap sa ‘bubble strategy’ ni Duterte ay ang paliwanag ni Roque na hindi na kailangan ng ayuda sa ‘NCR Plus bubble’ dahil nakakapagtrabaho naman ang mga tao sa loob nito. Nakalimutan na yata ng Palasyo at mga heneral ng gyera laban sa Covid na dito sa NCR at katabing rehiyon ng Calabarzon at Central Luzon pinakamaraming nawalan ng trabaho sa nakalipas na isang taon ng pandemya. Marami sa mga nawalan ng trabahong ito ay nananatiling jobless hanggang ngayon, ang iba ay nasa floating status, at marami, mahigit isang milyon ngayong Enero, ay nag-dropout na lamang sa labor force, karamihan dito ay kababaihan.

Hindi kailangan ng ayuda dahil nagtatrabaho sa loob ng bubble? Akala yata ng Malacanang ang mga tao sa NCR Plus ay naglalaro lang sa NBA o PBA bubble, o kaya ay kumikitang mga artista sa loob ng bubble production. Akala yata ni Roque sa loob ng bubble ay zero live audience. At para bang ang mga pumapasok ngayon sa trabaho ay sapat ang kita para labanan ang mataas na implasyon dahil sa nagtaasang presyo ng mga bilihin at transportasyon.

Ang ayaw tingnan at aminin ni Duterte at ng kanyang mga heneral ay ang katotohanan na sa loob ng mga bubble na ito ay kaharap pa rin ng mga Pilipino ang panganib na magkahawaan dahil sa hindi ligtas na balik-trabaho, kakulangan ng ligtas na transportasyon, at ang kawalan ng bakuna. Habang ang kawalan ng trabaho ay hindi insentibo para magkulong sa bahay kundi lalo pang dumiskarte ng anuman sa labas para lamang mabuhay.

Sa madaling salita, sa loob ng bubble ang buhay ay mananatiling baka sakali. Lalo na kung ang alam ng manggagawa, ang ayuda sa panahong ito ay isa lamang BULA.

The post Buhay sa loob ng bubble appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Buhay sa loob ng bubble Buhay sa loob ng bubble Reviewed by misfitgympal on Marso 26, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.