Facebook

Dalawang klase ng guwardiya sa Wilcon Makati

NOONG  Marso 7, 2021, mga 3:p.m., nagtungo ako sa Wilcon Depot sa IT-HUB Chino Roces Ave., Makati City.

Unang beses ko pa lang makapunta doon at sa 6th floor customer parking nila, kaya sa totoo lang, hindi ko alam ang regulasyon nila pagdating dun. Akala ko, gaya din sa ibang malls.

Ang siste, ganito ang nangyari. Nag-park ako at bumaba sa third floor para mamili. Sa hagdanan ako bumaba at umakyat pabalik ng parking dahil ayaw ko mag-elevator kasi kulob at mahirap nang may makasabay sa loob.

Nung ako ay makapamili na, umakyat uli ako papunta sa 6th floor para magbayad ng parking fee. Tinanong ko ang cashier kung libre pag may binili. Hinanapan ako ng maliit na papel, maliban sa card parking ticket.

Kuha daw ako sa guard na madadaanan ko bago bumaba para mamili. Since first time ko lang mag-park dun, so hindi ko alam. Pinuntahan ko ‘yung guard na si “G” (nilagay ko na lang inisyal para hindi siya mapahiya sa mga kamag-anak niya). Binigyan ako at baba na naman ako para papirmahan.

Hiningal ako dahil sa pag-akyat-manaog dun. Nung bumalik na ako sa kotse, biniro ko si “G” na bakit di niya ako binigyan ng nasabing papel gayung nung dumating ako ay nadaanan ko pa siya mismo at sigurado akong nakita niya ako na bagong dating sa parking.

Nangatwiran ito na may nakasabay daw akong ibang car at kung anu-ano na ang sinabi na kesyo mali parking ko eh wala naman signage na bawal mag-park dun. Hindi ko nagustuhan ang tema ng pananalita niya kaya sabi ko ipapaalam ko sa bisor niya. Nagyabang ito at pinakita pa sa ‘kin ang nameplate niya at doon na ako nainis.

Sabi ko, dapat tinawag niya ako at binigyan ng parking tiket dahil ‘yun ang trabaho niya. Lumalabas, tamad itong maglakad para lapitan ako at bigyan ng tiket.

Imagine ‘yung abala at pagod na dulot sa akin ng kapabayaang ito ng gwardiyang nabanggit. Di pa naman ako nage-elevator dahil kulob kaya naghagdanan lang ako ng tatlong palapag akyat-panaog.

Mabuti na lamang at gumitna ang guard na si ‘So Papa.’ Hindi ko alam kung supervisor o hindi, kung hindi man siya bisor, ‘yan ang karapat-dapat na maging bisor.

Matapos pakinggan ang magkabilang panig, napagtanto nito ang aking punto. Si So Papa na mismo ang nagpaliwanag at humingi ng paumanhin dahil kahit isang beses ay hindi namutawi ang paumanhin sa bibig ni “G”.

Si So Papa na ang umayos ng lahat, maging sa pagdala ng parking tiket sa cashier na dapat sana ay siyang ginawa ni “G” mismo dahil nga siya ang may sala ng lahat, hindi ‘yung nakikipagpilitan pa siya kahit wala sa katwiran.

Hindi ko maunawaan dun kay “G” kung bakit parang inaasahan niyang awtomatikong alam na ng lahat ng pumapasok doon ang regulasyon nila pagdating sa parking. Paano ang mga first-timer na kagaya ko?

Bukod pa riyan, hindi rin maayos ang pakikipag-usap ni “G” gayung isa akong customer at ako pa ang nasa tama.

Salamat kay So Papa, kapuri-puri. Para naman kay “G,” dapat diyan ay i-seminar man lang bago i-deploy sa trabaho at lalo na, bago iharap sa mga kostumer. Dapat may malasakit ka sa pinagtatrabahuhan mo. At dapat alam niya na ‘the customers is always right,’ lalo na at nasa tama talaga.

***

Maaring mag-text o tumawag sa 0917-5225128 para sa anumang reaksyon o impormasyon.

The post Dalawang klase ng guwardiya sa Wilcon Makati appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Dalawang klase ng guwardiya sa Wilcon Makati Dalawang klase ng guwardiya sa Wilcon Makati Reviewed by misfitgympal on Marso 10, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.