HANGGANG ngayon, nananatiling mabigat na usapin ang populasyon sa Pilipinas.
Lagi raw kasing sumasalungat ang simbahan sa isyu ng family planning.
Kaya madalas, naiipit ang gobyerno sa nag-uumpugang bato kapag tungkol sa pagpaplano ng pamilya ang pag-uusapan.
Hindi maaaring magsalita ang gobyerno nang bara-bara.
Tiyak na aalma ang simbahan.
Mahalaga ang pagpaplano sa harap na rin ng krisis at patuloy na paglobo ng populasyon ng bansa.
Sa kabilang banda, marami pa rin namang organisasyon sa mundo ang sumusuporta sa usaping ito.
Halimbawa na lamang d’yan ay ang Inner Wheel Club of Pasay EDSA – District 381 at Rotary Club of Parañaque Lakanbini (District 3830) na nag-donate kamakailan ng 1,000 oral contraceptives sa lokal na pamahalaan ng Muntinlupa bilang tulong sa health program ng lungsod.
Labis naman ang pasasalamat nina Officer Dra. Teresa Tuliao at Mayor Jaime Fresnedi sa mga opisyal ng rotary.
Ayon kay Public Information Office (PIO) Chief Tez Navarro, ipamamahagi ang mga oral contraceptives sa mga health centers bilang bahagi ng mas pinaigting na reproductive health services ng LGU.
Suportado po natin ang ganitong programa ng lokal na pamahalaan, katuwang ang iba’t ibang organisasyon.
Napakahalaga ng family planning.
Tandaan na laging kakambal ng pagdami ng populasyon ang kahirapan.
UNIFIED EMPLOYMENT CONTRACT NILAGDAAN NG PILIPINAS
KARAGDAGANG proteksiyon ng mga Filipino household service workers (HSWs).
Ganyan ang nakapaloob sa bagong kasunduang nilagdaan ng Pilipinas at United Arab Emirates (UAE).
Pagmamalaki ni Labor Secretary Silvestre Bello III, napagkasunduan din na muling magde-deploy ng mga HSWs sa UAE sa katapusan ng buwan matapos ang dalawang araw na Joint Committee Meeting sa Maynila.
Kung maaalala, noon pang 2014 sinuspinde ng gobyerno ang pagpapadala ng mga HSWs sa UAE kaya’t maituturing daw itong tagumpay sa pagpupunyagi ng labor department upang higit na maprotektahan ang mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat.
Sinasabing nasa ilalim ng Unified Employment Contract ang bagong deployment na magkakaloob ng mas mahigpit na patakaran para sa proteksiyon ng mga Filipino HSWs alinsunod na rin sa utos ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Binanggit din naman ni Labor Undersecretary Claro Arellano na nakasaad sa kontrata na kapwa may pananagutan daw ang employer, Foreign Recruitment Agency, at Philippine Recruitment Agency sakaling malagay sa panganib ang mga Pinoy HSWs.
God Bless at Mabuhay po kayo, mga Bossing!
***
PARA naman sa inyong mga reaksyon, suhestiyon, reklamo, atbp., maaari n’yo po akong i-email sa gil.playwright@gmail.com o kaya’y i-private message sa aking Facebook, Twitter, Instagram, at FB accounts. Paki-subscribe na rin po ang aking Youtube channel at Tiktok page na ‘Gilbert Perdez’. Maraming salamat at stay safe!
The post Donasyon ng rotary club sa Muntinlupa at dagdag- proteksiyon sa mga Pinoy HSWs appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: