UMALINGAWNGAW ang naituring na “ingay ng demokrasya” sa payak ngunit makahulugang paglulunsad ng 1Sambayan, ang koalisyon ng puwersang demokratiko ng bansa. Maraming tinig ang narinig, ngunit malinaw ang tema: pagbabago at mariing pagtutol sa awtoryanismo, o pagbabalik ng diktadurya sa bansa.
“Kailangang magkaisa ang puwersang demokratiko at isalba ang bansa sa anumang pag-aabuso ng poder,” ani Antonio Carpio, ang maimpulwensiya ngunit retiradong mahistrado ng Korte Suprema. “Kailangan ang pagbabago sa kaligtasan ng bansa,” ani Conchita Carpio Morales, retiradong mahistrado ng Korte Suprema at Ombudsman.
Magpinsan si Antonio at Conchita at kasama nila si Albert del Rosario, dating kalihim ng DFA, at Bro. Armin Luistro, dating kalihim ng edukasyon, bilang mga pangunahing convenor ng 1Sambayanan. Kasama nila bilang convenor si Howard Calleja, isang manananggol, at Fr. Albert “Paring Bert” Alejo, S.J., isang paring Hesuwita, makata, at lider relihiyoso.
Isinasailalim ng mga convenor sa proseso ang mga nominado sa presidente, bise presidente, at senador sa 2022. Ipinahayag nila na nakapanayam at maaaring mapili bilang kandidato ng puwersang demokratiko ang alinman kina Bise Presidente Leni Robredo, Sonny Trillanes, Grace Poe, at Isko Moreno. Hindi nila binanggit kung sino ang kanilang pinapaboran. Nominado si Nancy Binay, ngunit nais manatili bilang senador. Hindi kinonsidera si Sara Duterte at Manny Pacquiao sapagkat itinuring sila na bahagi ng awtoryanismo sa bansa.
Maraming umangal sa nominasyon nina Grace Poe at Isko Moreno. Hindi ordinaryong ingay kundi nagpupuyos na galit at pagkamuhi ng mga netizen. Anila, hindi sila kabilang sa puwersa maka-demokrasya ng bansa. Sinisi si Grace Poe at tinawag na “ambisyosa” dahil sa pagpilit tumakbo noong 2016 at humati sa boto ng puwersang demokratiko na nauwi sa pagkatalo nilang dalawa ni Mar Roxas at tagumpay ni Rodrigo Duterte.
Hindi biniliban ng mga convenor si Isko, alkalde ng Maynila, dahil hindi niya nauunawaan ang konsepto ng “healing presidency” na ang layunin ay paghihilom ng sugat at hapdi ng EJKs sa madugo ngunit bigong digmaan kontra droga. Hindi mahihilom ang sugat sa pagpanaw ng mga kamag-anak at kaibigan sa hindi malutas na pandemya. Limitado ang pananaw ni Isko.
Hindi nagkamayaw ang mga netizen sa pagsuporta sa Bise Presidente. Siya ang panlaban sa kandidato ni Duterte sa 2022. Habang binabanggit si Leni, hindi nalalayo ang pangalan ni Sonny Trillanes. Maraming netizen na nagpahayag sa social media na kung hindi tutuloy si Leni sa 2022, mainam na panlaban si Sonny Trillanes. Walang iskandalo, walang isyu ng korapsyon, at katanggap-tanggap dahil sa natatanging katapangan.
Kung tutuloy si Leni, nainam na panlaban sa bise presidente si Sonny Trillanes. Hindi siya mahirap ibenta sa madla at magiging mahusay ang relasyon nilang dalawa, anila. Pagmasdan natin kung paano dadaan sa proseso ang dalawang lider. Naunang nagpahayag si Trillanes na handa siyang magparaya kay Leni kung sakaling gusto niyang tumakbo bilang pangulo sa 2022. Sa maikli si Leni at Sonny ang one-two punch ng puwersang demokratiko ng bansa.
Nabanggit minsan na ang tanging minumura ni Rodrigo Duterte ang maituturing na oposisyon sa bansa. Kung hindi minura, mahirap matawag na oposisyon. Alam natin na minura ni Duterte sina Leni Robredo, Sonny Trillanes, at Leila de Lima. Sila ang tanggap na oposisyon sa masang botante. Kailangan ang masusing paghahanda sa 2022.
***
DALAWANG bagay ang lubhang mahalaga sa puwersang demokratiko, o oposisyon, sa halalan sa 2022: paghahanda at pagnanasang pulitikal (political will). Hindi biro ang mga paghahanda sapagkat itinuturing na demonyo ang makakalaban. May salapi at kanila ang Comelec na puno ng mga appointee na galing Davao City.
Kailangan walang pagdududa sa ihaharap na kandidato sa madla. Kailangan kumbinsido ang buong hanay ng puwersang demokratiko na totoong oposisyon ang ilalaban. Sa salitang sabong, mahirap na matiyope ang labanan. Totoong panabong ang ihaharap at pupupog sa kalaban. Mahirap maniwala ang hanay ng mga nagmamahal sa demokrasya kung sinuman kina Isko Moreno o Grace Poe ang pipiliin ng 1Sambayanan.
Mahirap kagatin sinuman kay Isko at Grace. Mahirap nguyain at pinakamahirap ang lunukin. Labis-labis ang pagduda sa kanila. Itinuturing si Isko na “gun for hire.” “ To the hiighest bidder,“o kakampi ng may pinakamaraming salapi. Marami siyang larawan na naka-fist salute, ang nakakadiring saludona mala-Hitler. Hindi naiintindihan ang demokrasya at mukhang limitado ang kaalaman sa gobyerno. Hindi sineseryoso si Grace Poe.
***
PUMALO na sa mahigit 8,000 kada araw ang dinadapuan ng pandemya. Dahil sa dami ng mga nagkakasakit ng pneumonia na sanhi ng Covid-19, halos mapuno ang intensive care unit (ICU) ang mga pagamutan sa Metro Manila. Kinakatakutan umabot sa 20,000 kada araw ang magkakasakit sa pagpasok ng Abril.
Walang linaw ang ipinangakong bakuna ng gobyernong Duterte. Maliban sa minsan sa isang linggong pagharap sa telebisyon kung saan minumura niya ang mga taong sa tingin niya ay kalaban sa pulitika, hindi nabanaagan si Duterte ng kasiglaan na kumikilos upang sugpuin ang pandemya. Deadma, sa wikang pabalbal. Nabisto si Duterte na puro lang yabang sa katawan. Walang kakayahan upang mamuno sa bansa at sugpuin ang maraming suliranin ng bansa.
Matindi ang pagtutol at galit ng sambayanan kay Duterte. Hindi magkamayaw ang sigaw na magbitiw na siya o alisin sa poder. May mga netizen na tumatawag sa Sandatahang Lakas na kumilos at alisin si Duterte upang iligtas ang bansa sa kapahamakan. Binabanggit nila ang probisyon sa Saligang Batas na “defender of the people” ang AFP. “Tagapagtanggol ng mamamayang Filipino” ang AFP, anila.
Hindi namin alam kung saan hahantong ang galit ng sambayanan. May ugali ang mga Filipino. Mapagtimpi hanggang maaari. Masahol pa sa sumisingasing at nanunuwag na kalabaw kapag nagalit. Nakita iyan noong 1986 EDSA People Power Revolution at 2001 EDSA Dos. Sana hindi umabot sa pagdanak ng dugo ang hindi pagkakaunawaan na dala ng pandemya. Hanggang maaari sa halalan sa 2022 malutas ang sigalot.
***
MGA PILING SALITA: “Sigaw ng bayan: ‘Nasaan ang bakuna namin?’” – PL, netizen
“China’s most vulnerable side is the eastern part, where its vital industries are mostly located. That side faces the South China Sea, where most U.S. warships are now located along with warships of UK, Australia, Japan, and France. It means the U.S. could bring war on China’s doorstep and destroy its vital industries. The U.S. and its allies know China’s weakness. It would eventually bow down. Just give it time. It won’t support unreliable allies like Rodrigo Duterte. Time to change.” – PL, netizen
The post ‘Ingay ng demokrasya’ appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: