PARANG batubalani ang pamahalaan ni Totoy Kulambo simula ng maupo ito sa puno ng Balite sa Malacanang. Hindi ito nawawalan ng mga sasalaging kontrobersya mula sa korapsyon, pagtugon sa kalamidad, palpak na war on drugs, kawalan ng hustisya at libo-libong paglabag sa karapatang-pantao. Hindi pa kasama diyan ang paglibak sa mga taong ‘di sumusunod sa gusto nito at ang walang habas na P***I.
Sa mga nag-iisip, ang mga pahayag ni TK talagang nakakayamot at ‘di mapulutan ng aral bagkus dapat takpan ang tainga ng batang nakapakinig ng mga ito. Samantala, sa mga kapanalig lagpas tenga ang ngiti ng mga ito at ang tawa’y bumabalot sa kapaligiran na parang sinasabi na more pa. Nasaan ang moralidad ng bayan kung ang mga kabastusan ang pinapalakpakan, ang panlalait ang tinatawanan at sasabayan ng tawa ang P***I. Hayun lumaki ang ulo pati ang mga tuta nito sa pagkunsinti sa maling gawa ng baliw.
Sa halos limang taong paninilbihan sa puno ng Balite sa Malacanang, hindi nakitaan ng kagalang-galang sa halip mapupuna na kahit sa pagsuot palang ng pambansang kasuota’y hindi na nito iginalang. Parang ibig lang nito na siya ang sundin at ito ang tama. Kahit batid ni Mang Juan ang tamang pagsusuot ng Barong Tagalog. Ang masakit, napapansin at ginagaya ng mga alipores na akala mo’y ito ang tamang pagsusuot ng ating damit pambansa.
Hindi man naglalabas ng mga puna ang mga kritiko sa estilo ng pananamit ni Totoy Kulambo, malinaw na wala ito sa tamang kilos at dapat bigyan pansin para maging mabuting ehemplo. Sa mga opisyal at nasa autoridad sabihan naman ninyo si TK ng tamang pagsusuot ng pambansang kasuotan.
Tunghayan natin ang mga pananalita at kilos ni Totoy Kulambo, naku bagsak na naman ito dahil talagang kabastusan ang mga lumalabas sa bibig at masdan kung paano ginagamit ang kamay upang laitin o libakin ang taong ayaw nito. Ayaw ni TK sa mga kurap, pero heto puro papuri sa mga taong hinusgahan ng ating hukuman na may kasalanan sa pandarambong.
Ang masakit dito’y kasama pa nito sa mga piging na talaga namang labis-labis ang sarap ng hinahain. Habang ang mga Pinoy patuloy na naghahanap ng makakain sa araw-araw na buhay. Galit ito sa mga korap, pero parang baraha kung balasahin ang mga kapanalig at kung nabuko sa unang pwesto, palamig lang ng kaunti, at muling itatalaga sa ibang pwesto, marami sila dyan.
Sa kagalingang pangkabuhayan, sa taas ng presyo ng mga bilihin hindi na kailangan sabihin na talagang lagapak ang grado nito. Walang panahon sa administrasyon nito na bumaba ang presyo ng mga bilihin bagkus kulang na kulang ang sahod ni Mang Juan upang pagkasyahin sa apat na anak nitong hindi na makapag-aral dahil sa kahirapan.
Suwerte ang mga pamilyang nakakain ng tatlong beses isang araw sa taas ng presyo ng bilihin. Bumaba ang halaga ng piso at bumaba ang purchasing power ng ating pera. At sa pagdating ng pandemya, hurot ang salapi ng bansa sa ‘di nadama o bumabang ayuda na ang mga alipores nito ang nakinabang.’ Sa panahon ding ito naitala ang pinaka malaking pag-utang na nagawa ng isang administrasyon gayong kapos sa ayuda at walang naisarang kontrata sa bakuna.
Alam ni Mang Juan na mahigit P2 Trilyon ang nautang ni Totoy Kulambo sa loob ng panahon ng pandemya. Sa loob ng isang taon, grabe. Lumaki ang utang ng bawat Pilipino na hindi nakita kung saan napunta. Magpaliwanag kayo, kwentahin ninyo sa harap ni Mang Juan ang gastos ng pamahalaang ito mula Marso noong nakaraang taon hangang kasalukuyan at ang kabuuan mula ng umupo kayo.
Sa pangkalusugan, talagang nakakapanlumo na usapin ito sa panahon ng pamahalaan ni Totoy Kulambo. Tunay na napabayaan ang aspetong ito ng buhay ni Mang Juan. Tulad na lang ng pagbalik sa bansa nang matagal ng kontroladong polyo, natabunan lang ang isyu ng pumasok ang C19 sa bansa na palpak rin ang naging tugon..
Sa paghahanda sa bakuna laban sa pandemya, makikita na walang laman ang mga sinasabi nito at pawang salitang laway lamang. Wala silang maisarang kasunduan sa dami ng dahilan na kagagawan ng pamahalaang ito. Sa pagdating ng donasyon na bakuna laban sa pandemya, tila zarzuela na todo saklaw ng media ang bawat galaw ng pamahalaan.
At nagbabalak puntahan ang amo upang pasalamatan, talagang tapat sa amo ang baliw. Habang sa ibang pagkakataon kasuka-suka kung bastusin si Busy Leni na mababa pa sa pundilyo ng sinturon ang mga binabangit.
Habang sa usapin ng ugnayang panlabas, nakalulungkot sabihin na hindi siniseryoso ng mga lider ng iba’t – ibang bansa itong si Totoy Kulambo. Walang gustong makipag-ugnay dito kahit sa mga pagpupulong na nilahukan tulad ng APEC, ASEAN at iba pang pangdaigdigang gawain.
Minsang dumalaw ito sa Russia, tila nagising ang lider ng bansa at binigyan ito ng isang oras para makipagkita at yun na yon. Maging ang lider ng Tsina na talaga namang gustong –gusto nito’y hindi ganun kainit ang pagtangap kay TK. At kadalasan ipinaaako sa mga alagad ang pagharap. Subalit todo ang papuri nito sa among si XI na kahit pinamamata na dito ang pagkasuya.
Sa abutan ng mga tulong tila walang bansa ang ibig magbigay sa atin ng mga ayuda mula sa kaganapan tulad ng bagyo, lindol at maging sa pagsabok ng bulkan. At sa pagdating ng pandemya, ang walang bisang bakuna lang ang natangap mula sa Tsina, gayong napakadali at mabilis ang pagsaklolo ng ibang mga bansa noong nakaraang pamahalaan.
Sa larawang ito ng pagpapatakbo ng pamahalaan ni Totoy Kulambo, ang nais nitong ipagpatuloy ang ganitong uri ng pamamahala’y napakalaking kalokohan. Sumasandal at umaasa ito sa dami ng perang nakamal sa tiwaling paraan at ang kontroladong COMELEC. Subalit yan ang pagkakamali nila dahil bukas na ang isip at dilat na ang mata nina Mang Juan, Aling Marya at ang buong sambayanan.
Hindi na muli matatanso ng mga pagmamalasakit kuno at pakain – kain sa carinderia ng mga Inferior Davao. Inaasahan na hindi lang ang Luzon, Visayas at maging ang ilang bahagi ng Mindanao ang nagising at nagnanais ng tunay na pagbabago. Batid natin na takot itong bumaba sa pwesto dahil sa dami ng atraso sa sambayanan. Ang nais na ipagpatuloy ang nasimulang panggagago, panloloko, panglilibak, at pagpatay’ hindi na matutuloy dahil puputulin ito ng ating nag-kakaisang tinig at boto sa hinaharap. Nakamasid ang buong mundo lalo ang Estados Unidos sa galaw na gagawin ng mga halimaw sa darating nahalalan.…
Maraming Salamat po!!!
***
dantz_zamora@yahoo.com
The post Ipagpapatuloy? appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: