BUNGA ng lumolobo at walang hintong bilang ng occupancy rate ng COVID beds sa mga quarantine facilities sa Maynila na umaabot sa daan-daan ay nagbabala si Mayor Isko Moreno na kapag hindi na mapigilan ang impeksyon ng COVID-19 sa mga residente at patuloy pa itong tataas at mapupuno ang mga ospitals at quarantine facilities na pinatatakbo ng lungsod, ang mga magpopositibo ay walang magagawa kundi sa bahay na lamang mag-isolate at mag-quarantine at posibleng mahawahan ang kanilang mga mahal sa buhay.
Nababahala si Moreno na sa oras na masagad na ang capacity ng mga ospital at quarantine facility ay wala ng magagawa ang pamahalaang lungsod katulad na rin ng nangyayari sa mga pribadong ospital kung saan ay labis niyang ikinalulungkot ang pangyayari sa patuloy na pagdami ng naiimpeksyon sa Maynila at sa iba pang bahagi ng bansa tulad ng Metro Manila.
Sinabi ng alkalde na ang occupancy sa COVID beds at quarantine facilities ay patuloy na tumataas at dahil dito ay nagbabala siya na tulad ng ginagawa sa mga pribadong ospital, ang mga ospital na pinatatakbo ng lungsod ay walang magagawa kundi tanggihan na ang pasyenteng may covid dahil nasagad na ang kapasidad ng ospital.
“Kapag napuno ‘yan (quarantine and COVID beds) gaya ng nangyayari sa private na punuan na, kayo ay di tatanggapin sa loob ng ospital o ng quarantine facilities. Pag naabot ang sukdulan, kayo ay malalagay sa alanganin at maaring manatili habang hikahos o naghahagilap ng hangin, sa loob ng bahay n’yo at malaki ang tsansa na mahawaan ninyo ang inyong mga mahal sa buhay na siyang nagaganap ngayon,” paliwanag ni Moreno.
Ito rin ang dahilan kung bakit silang dalawa ni Vice Mayor Honey Lacuna ay paulit-ulit na umaapela sa mga residente ng lungsod na istriktong sumunod sa health protocols at umiwas sa mga hindi inaasahang paglabas ng bahay.
Base sa pinakahuling datos ang occupancy rate sa sa quarantine facilities ay nasa 91 percent na.
Inatasan na rin ni Moreno sina Lacuna at permits bureau chief Levi Facundo na pakiusapan ang mga hotels at motels sa lungsod upang pansamantalang gamitin bilang quarantine facilities na tulad na rin ng ginawa noong unang sumipa ang bilang ng kaso ng COVID lalo’t may pangalawang bugso ng pagsirit na naman ng kaso ng impeksyon.
Ayon pa kay Moreno, kahit pa nakapagtayo ang pamahalaang lungsod ng mga quarantine facilities at nakapagdagdag ng 300 na bed capacity kamakailan, kung patuloy namang lalabag sa health protocols, maguumpukan, maglalabasan at kikilos na akala mo ay walang pandemya sa paligid ay balewala lang ang lahat ng pagsisikap ng pamahalaang lokal.
Kamakailan ay inutos ni Moreno ang lockdown sa 21 lugar sa lungsod na kinabibilangan ng 19 barangays, kalye at building upang mapigilan ang community transmission ng nakamamatay na virus. Sa nasabing lockdown, ang city government’s health personnel ay nagsagawa ng swab testing at contact tracing sa nasabing lugar na ini-lockdown dahil sa pagkakaroon ng mataas na bilang ng kaso ng COVID-19.
Ipinagbawal din ni Moreno ang lahat ng outdoor activities na may kinalaman sa paggunita ng Mahal na Araw upang pigilan ang pagdami ng tao sa mga pagtitipon tulad ng prusisyon, cemakulo at iba pa na nagsisilbing super spreader ng virus. (ANDI GARCIA)
The post MAGPOPOSITIBO, SA BAHAY NA LANG MAG-ISOLATE – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: