KANSELADO ang pagdaraos ng public masses simula nitong Lunes, Marso 22, sa mga simbahan sa kabisera ng bansa bilang pagtalima sa ipinalabas na bagong protocol ng pamahalaan hinggil sa physical distancing dahil sa patuloy na pagtaas ng mga naitatalang kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa rehiyon.
Sa halip na magkaroon ng public masses, magkakaroon na lamang muna ng virtual masses na naka-live stream sa Facebook upang makalahok pa rin ang mga residente ng lungsod habang nasa kanilang mga tahanan, lalo na ngayong nalalapit na ang Mahal na Araw.
Nauna rito, naglabas ng Resolution No. 104 ang Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Diseases, kung saan nakasaad na ang lahat ng mass gatherings kabilang na ang mga relihiyosong pagtitipon ay mahigpit na ipinagbabawal, simula Marso 22 hanggang sa Abril 4, 2021.
Kabilang sa mga simbahan na nag-anunsiyo na ng pagtalima sa naturang kautusan ay ang Manila Cathedral, Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, Santo Nin~o de Tondo Parish, Santo Nin~o de Pandacan Parish, San Sebastian Church at San Agustin Church sa Intramuros.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) director Charlie Dun~go si Manila apostolic administrator Bishop Broderick Pabillo dahil sa pagsunod sa mga protocols na ipinatutupad ng pamahalaan.
Nagpahayag pa siya ng kalungkutan dahil pangalawang taon na aniya itong hindi nagagawa ng mga mamamayan ang mga nakaugaliang tradisyon tuwing Mahal na Araw.
“Nagpapasalamat ako sa pamunuan ng Archdiocese of Manila kay Kgg. Broderick Pabillo sa agad na pagtugon sa inilabas na kautusan ng IATF,” ayon kay Dungo.
“Nakakalungkot na pangalawang taon na ito na hindi natin magagawa ang ating mga nakasanayan na tradisyon tuwing sasapit ang Mahal na Araw.”
Tiniyak naman ni Dungo na ang virtual masses ay kasing halaga rin ng public masses at lalo lamang makapagpapalakas sa pananampalataya ng mga Pinoy ngayong nananatili pa ang banta ng COVID-19 pandemic.
“Naniniwala ako na hindi ito magiging hadlang sa pananapampalataya natin bilang Kristiyano,” sabi pa ni Dungo.
Hinikayat rin naman niya ang mga residente na taimtim na manalangin sa kanilang mga tahanan ngayong Semana Santa at ipagdasal na matapos ang pandemyang ito. (ANDI GARCIA)
The post MISA SA MGA SIMBAHAN SA MAYNILA KANSELADO NA appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: