SASAILALIM narin sa ilang araw na lockdown ang Diocese of Novaliches simula Lunes, Marso 22 ng taon.
Ayon kay Novaliches Bishop Roberto Gaa sa kanyang Healing Mass sa Radio Veritas, ang pagdedeklara ng lockdown ay kasunod ng pakikipagpulong sa alkalde ng Quezon City kaugnay sa patuloy na pagtaas ng kaso ng COVID-19 partikular na sa siyudad.
Ayon sa Obispo, nakalulungkot at nakababahala ang muling pagtaas ng kaso ng sakit sa bansa kaya’t mahalagang magkaisa ang lokal na pamahalaan at maging ang Simbahan upang mapigilan ang patuloy pang pagkalat nito.
Simula sa nitong Linggo, Marso 21, pansamantalang ipinagbawal ang personal na pagdalo ng mananampalataya sa mga banal na misa o ang face-to-face mass sa lahat ng parokya sa diyosesis.
Muli namang paiigtingin ng diyosesis ang pagsasagawa ng online masses upang maiwasan ang pagkakalantad sa virus ng mananampalataya.
Umaasa ang Obispo na maunawaan ng bawat isa ang kasalukuyang sitwasyon at patuloy na banta ng COVID-19 sa buhay.
Hinikayat rin ni Bishop Gaa ang lahat na patuloy na gawin maging sa loob ng tahanan ang safety health protocol upang maprotektahan ang pamilya mula sa sakit, kungsaan batay sa datos ay 48% sa naitatalang bagong kaso ng COVID-19 ay dulot ng hawaan sa loob ng tahanan.
Samantala, pag-aaralan pa ng Diyosesis ng Novaliches na binubuo ng halos 70 parokya na nangangasiwa sa buhay espiritwal ng may halos 2-milyong mananampalataya ang muling pagbubukas sa mga Simbahan sa Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Nagdeklara rin ng dalawang linggong lockdown ang Diocese of Cubao mula Lunes hanggang Abril 4 upang higit na mahikayat ang mga mananampalataya na manatili sa kanilang tahanan bilang pag-iingat mula sa COVID-19 virus.
Sinabi ni Cubao Bishop Honesto Ongtioco, kinakailangang gawin ito para sa kapakanan ng mas nakararami bagamat mabigat, aniya, sa dibdib ang muling pagsasara ng simbahan lalo sa gitna ng patuloy na paghahanda para sa Semana Santa na isang mahalagang panahon para sa mga mananampalatayang Katoliko. (Jocelyn Domenden/ Andi Garcia)
The post Mga simbahan sa Quezon City 2 linggo lockdown appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: