Facebook

Napatay na iligalista, may police escort?

NAGAWANG paslangin may mahigit sa isang linggo pa lamang ang nakararaan ng grupo ng mga bayarang mamamatay tao bagamat may bodyguard na ilang pulis ang isang notoryus na drug at gambling maintainer na kabilang sa walo-kataong nagpapatakbo ng operasyon ng bentahan ng shabu at jueteng sa mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna, Mindoro at Metro Manila.

Ang biktimang si alias Jun Moriones ay nag-ooperate din ng sugal na lotteng at bentahan ng shabu kasosyo ang Intsik na si alias John Yap sa Taguig City, Maynila, at CAMANAVA area sa Metro-Manila.

Kaya lumulutang na suspek si John Yap at ang mga alipores nitong sina alias Elwin, Zalding Kombat, Kaloy Kolanding, Menong, alias Chito at ang retiradong pulis na si alias Abion. Si Abion ang nagmamaniobra naman ng pa-jueteng at drug trade ng nabanggit na grupo sa lalawigan ng Rizal.

Hindi lamang ang pagkakalikida kay alias Jun Moriones ang malaking isyu kaugnay sa madugong insidente na naganap sa isang derma clinic sa San Pablo City noong March 12, 2021, kundi ang pagkakaroon nito ng body guard na miyembro pa ng PNP.

Isipin na lamang, isang iligalista si Moriones, ngunit kuntodo may bodyguard pa itong mga pulis, hindi lang iisa kundi tatlo pa. Paaano at bakit ito nakalusot sa pamunuan ng PNP na nasa ilalim ng liderato ng nag-leave na si Police Director General, Debold Sinas?

Bantog sa kanyang alias na Jun Moriones ang biktima kahit saang sulok ng mga lalawigan ng Cavite, Rizal, Laguna, Mindoro at Metro-Manila. Napakatunog din ng pangalan nito sa mga tanggapan ng PNP Region 4-A Police na pinamumunuan ni PBG Felipe Natividad, NCRPO Police sa ilalim ni Maj.Gen. Vicente Danao Jr. at MIMAROPA PNP sa ilalim ni PBG Pascual G. Muñoz.

Mahirap maitatwang kilala din ito nina Cavite PNP Provincial Director, P/Col Marlon Santos, Rizal Provincial Director, P/Col. Joseph Arguelles, Laguna Police Commander,P/Col. Serafin F. Petalio Jr. at Oriental Mindoro PNP Director P/Col. Mardito Anguluan.

Si Moriones ay isa sa walong iligalistang kinabibilangan nina alias John Yap, alias Elwin na nagpapakilalang empleyado ng National Bureau of Investigation (NBI), Zalding Kombat, alias Kaloy Kolanding, Menong, Chito at Abion. Bukod sa nag-ooperate ng jueteng, maintainner din ang kanilang grupo ng bentahan ng shabu sa Cavite City, Gen. Trias City, Tagaytay City, siyudad ng Bacoor, iba pang mga lungsod sa Cavite at 17 mga bayan sa naturang lalawigan, sa Antipolo City, at sa 13 munisipalidad sa probinsya ng Rizal, 4th District ng Laguna at sa Oriental Mindoro.

Katulong din sa pagpapatakbo ng kalakalan ng shabu at pa-jueteng sa Cavite ang utol ni alias Elwin na isang barangay kagawad sa nasabing lalawigan.

Si alias Elwin ay nakatalaga sa NBI Cavite Office ngunit nagpapasakla sa mga sabungan sa Cavite, kasosyo ang mga kamag-anak nitong sina Zalding Kombat at Kaloy Kolanding. Kausap ni Elwin ang isang pulis na si alias Sgt. Adlawan na pumupustura namang kolektor ng intelhencia ng tanggapan ng NBI.

Sina John Yap, Moriones, Elwin, Zalding Kombat, Kaloy Kolanding, Menong at Chito ay nagsimulang magbukas ng jueteng noon pang March 2021 sa lahat na mga siyudad at bayan sa Cavite.

Si Menong na nagpapakilalang “bagman” ni Cavite Governor Junvic Remulla ang nagbigay ng bendisyon kina John Yap, Elwin, Moriones, Zalding Kombat, Chito at Kaloy Kolanding para magkaroon ng full-blast jueteng operation sa buong lalawigan ng Cavite kasabwat ang ilang padrino din ng mga ito sa kapulisan.

Gamit na front ng sindikato ang Peryahan ng Bayan (PnB) operation na pinatatakbo ni alias Chito ng Global Tech na kinumpirma naman ng kongreso at ng tanggapan ni Philippine Charity Sweeptakes Office (PCSO), Chairperson at General Manager Royina Garma na walang prangkisang iniisyu ang kanilang tanggapan.

Ang grupo din nina John Yap, Moriones at Abion ang nagpapatakbo ng drug operation at jueteng gamit na front din ang PnB sa Antipolo City at sa 13 mga munisipalidad sa Rizal at sa 4th District ng probinsya ng Laguna.

Bukod sa jueteng sa mga naturang lalawigan, ay nag-ooperate din ng iligal na sugal na lotteng at nagbebenta pa ng shabu sa Taguig City, Maynila at CAMANAVA area, Metro Manila sina John Yap at Moriones bago inambus ang huli ng isa sa tatlong lalaking lulan ng motorsiklo sa may derma clinic na pag-aari ng magandang bebot na dinidiskartehan ni Moriones sa San Pablo City.

Hindi nakaporma ang tatlong pulis na kabilang sa limang kataong body guard ni Moriones. Tumakas ang mga suspek lulan ng isang kotse, tangay ang Php 6 milyon na protection money na nakatakdang ipamudmod ni Moriones sa kanilang mga protektor .

Naglalakad si Moriones at ang grupo nito para makapag-operate din ng jueteng sa probinsya ng Batangas bago naganap ang pagpatay.

Hinihinalang nasa likod ng krimen ang ka-grupo ni Moriones. May teorya na inoonse ng biktima ang kanyang mga kasamahan at sinusunog ang milyong salaping ipinang-iintelhencia ng mga ito sa mga nagpapatupad ng batas kontra droga at sugal.

Maraming katanungang dapat sagutin ang PNP kung paanong napatay sa ambus si Moriones gayong may bodyguard pa itong ilang pulis.

Bago pagkalooban ng police security escort ay sumasailalim sa masusing back ground check ang isang indibidwal bago pahintulutan ng PNP Security and Protection Group (PSPG) na magkaroon ito ng isa o dalawang police bodyguard. Ngunit si Moriones na isang illegal gambling operator at high profile drug personality ay tatlo pa ang police escort, bakit?

Sa pagkakatalaga bilang OIC PDG ni Gen. Eleazar inaasahan natin na mabubusisi nito ang legalidad ng pagkapagtalaga ng police security escort sa drug at gambling lord na si Moriones. Tiyak na makakalkal din ang operasyon ng sugal at kalakalan ng droga ng sindikatong ito sa Cavite, Rizal, Laguna, Mindoro at Metro-Manila.

***

Para sa komento: Cp # 09293453199 at 09664066144, email: sianing52@gmail.com

The post Napatay na iligalista, may police escort? appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Napatay na iligalista, may police escort? Napatay na iligalista, may police escort? Reviewed by misfitgympal on Marso 20, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.