Facebook

P75 milyong proyektong pabahay para sa mga komunista

NAPAKAIPOKRITO naman ng mga aktibista kung hindi kayo matutuwa sa gagawing proyektong pabahay ng pamahalaan na nakalaan sa mga kadre ng Communist Party of the Philippines (CPP) at mga gerilya ng New People’s Army (NPA) sa Rehiyong Eastern Visayas.

Napakaganda ng proyektong ito dahil makikinabang ang mga komunistang tumiwalag sa CPP at lalung-lalo na ang mga mandirigma ng NPA dahil napakatagal na nilang ‘iniwan’ ang kanilang mga pamilya upang makibaka tungo sa pagkakamit ng pambansa demokratikong mithiin ng CPP, ngunit walang nangyari.

Noong Disyembre 26,1968 itinatag ang CPP, samantalang noong Marso 29,1968 naman nabuo ang NPA.

Ang proyektong pabahay ay inanunsiyo ni Housing Secretary Eduardo del Rosario sa Leyte nitong Marso 18.

Sinabi ni Del Rosario sa mga nakinig sa kanya na P75 milyon ang ilalabas na pondo ng pamahalaan upang siyang gamiting pondong gagastusin sa pagpapatayo ng mga bahay para sa mga kasapi ng CPP at NPA sa mga lalawigang sakop ng Eastern Visayas.

Ang mga lalawigang sakop ng Eastern Visayas ay ang Leyte, Southern Leyte, Biliran, Eastern Samar, Northern Samar at Samar.

Ang nasabing proyekto ay bahagi ng multimilyong proyekto ng “Barangay Development Program” sa mga barangay na ‘nakalaya’ mula sa kontrol ng CPP at NPA.

Ang pabahay sa mga barangay ay isa sa mga proyekto ng administrasyong Duterte na pinagtutuunan ng atensiyon ng End Local Communist Armed Conflict (ELCAC).

Itinatag ang ELCAC noong 2018 makaraang nagpasya si Pangulong Rodrigo Duterte na lutasin ang suliranin ng pamahalaan sa komunismo, sa pamamagitan ng deskarteng lokal.

Ito’y matapos na nabuwisit si Duterte sa pangkating Jose Maria Sison sa isinasagawa noon na pag-uusap sa pagitan ng pangkat ng huli at ng mga kinatawan ng Government of the Republic of the Philippines (GRP).

Tinupad ng pamahalaan ang mga kondisyon ng pangkating Sison tulad ng pagpapalaya sa mga importanteng “peace consultants” ng National Democratic Front of the Philippines (NDFP) tulad ng mag-asawang Benito Tiamzon at Wilma Tiamzon.

Ngunit, maraming gustong ipagawa ang tropa ni Sison na napakatagal nang nakabase sa Utrecht The Netherlands habang patuloy na inilalarga ng NPA ang kanyang operasyon sa ilang lalawigan sa Visayas at Mindanao na nauwi sa pagkamatay ng ilang pulis at sundalo.

Pokaragat na ‘yan!

Matapos ipatigil ni Dterte ang pakikipag-usap ng GRP sa NDFP, nagpatuloy ang mga tropa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga operatiba ng Philippine National Police (PNP) sa paggampan ng sinumpaan nitong gawain, tungkulin at obligasyon upang protektahan ang mamamayang Filipino at bansang Pilipinas laban sa CPP – NPA – NDFP.

Kung paniniwalaan ang datos na inilabas ni Del Rosario mula sa Philippine Army – 8th Infantry Division (PA – 8th ID), hindi kalabisang sabihin nating nagkaroon ng “substansiyal na tagumpay” ang pamahalaan laban sa CPP – NPA – NDFP.

Pokaragat na ‘yan!

Batay sa rekord ng Philippine Army – 8th Infantry Division (PA – 8th ID), 71 miyembro ng NPA ang nadakip at namatay sa engkuwentro at 2,428 mga kasapi ng naturang armadong grupo ang nagsipagsuko sa AFP.

Nakumiska rin ng PA ang 103 matataas na kalibre ng mga baril at 123 mababang kalibre ng mga baril mula sa mga gerilya ng NPA.

Nabuwag din umano nila ang labing-isang mga prenteng legal na mga organisasyon ng CPP.

Tapos, mayroon pang walong batang mandirigma ang naisalba ng AFP mula sa CPP – NPA – NDFP.

Pokaragat na ‘yan! Napakaraming nagawa!

Naganap ito simula nang ipatupad ang Executive Order No. 70 (E.O. 70) na nagbigay daan sa pagkakaroon ng ELCAC noong 2018, pahayag ni Del Rosario.

Bukod sa mga nabanggit, umabot sa kabuuang 3,395 mula sa 4,390 mga barangays (katumbas ito ng 77 porsiyento ng kabuuang bilang ng mga barangay sa buong rehiyon ng Eastern Visayas) ang nagdeklara ng “persona non-grata” sa lahat ng opisyal at kasapi ng binansagang communist terrorist groups (CTG) na CPP at NPA.

Sa kanyang talumpati, ipinaliwanag ni Del Rosario (isa ring Cabinet Officer for Regional Development and Security” na: “The government is fully committed to addressing the issues of insurgency in the region, particularly in the areas infiltrated by the Communist Party of the Philippines (CPP) and its armed wing, the New People’s Army (NPA)”.

“The remaining CPP-NPA-NDF capability in Region 8 is continuously declining, hence, we are declaring today that our timeline to neutralize and diminish the influence and fighting capability of the communist terrorists is achievable and doable within the President’s term”, patuloy ni Del Rosario.

Inamin ni Del Rosario na hindi sumulong at umangat ang ekonomiya sa mga lalawigan sa Eastern Visayas dahil ginawang base at kuta ang mga ito ng CPP – NPA sa matagal na panahon.

Umaasa akong totoo ang P75 milyong halagang proyektong pabahay sa Eastern Visayas.

Umaasa rin akong walang mangungurakot sa P75 milyon na kahit sinong opisyal ng pambansa at pamahaaang lokal sa Eastern Visayas.

Ito’y dahil kung papalpak ang nasabing proyekto at mauuwi sa korapsyon, siguradong napakaraming magagalit sa mga residente sa Eastern Visayas, kabilang na ang mga kamag-anakan at kababayan ko sa Eastern Samar.

The post P75 milyong proyektong pabahay para sa mga komunista appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
P75 milyong proyektong pabahay para sa mga komunista P75 milyong proyektong pabahay para sa mga komunista Reviewed by misfitgympal on Marso 21, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.