MALINAW kay Sonny Trillanes na si Bise Presidente Leni Robredo ang “pinakamalakas” na kandidato ng puwersa ng demokrasya sa bansa. Kung ihahambing sa ibang maaaring iharap ng hanay ng mga maka-demokrasya na kumakatawan sa totoong oposisyon, si Leni ay hindi lamang kuwalipikado kundi mas may pinakamalaking tsansang manalo sa halalan sa 2022.
Sa panayam ng ABS-CBN News kahapon, inamin ni Sonny Trillanes na hindi siya makikipukpukan sa nominasyon bilang kandidato ng panguluhan ng 1Sambayan, ang koalisyon ng puwersang demokratiko sa bansa, hanggang nariyan ni Leni at hindi umuurong sa laban.
Tanging ang pag-urong ni Leni Robredo ang magtutulak sa kanya upang pumagitna sa laban, aniya. Ayon sa dating sundalo at mambabatas na hindi niya hadlangan si LeniRobredo kung siya ang dahilan ng pagkakaisa ng oposisyon. Minsan niyang sinabi sa isang hiwalay na panayam na hindi maaari na hindi pumagitna sa laban ang oposisyon sapagkat mangangahulugan ito ng pagkatalo sa default, o hindi pagsipot sa laban.
Nang tanungin kung handa siyang pumalaot sa pangalawang pangulo, sinabi Sonny Trillanes na mayroon kasunduan sa 1Sambayan na bigyan ng karapatan ang mapipiling kandidato sa pangulo na pumili ng kanyang katambal. Susunod siya sa kasunduan, aniya.
Ayan, malinaw ang lahat-lahat sa kampo ng 1Sambayan, ang kumakatawan kundilamang sa hanay ng mga maka-demokrasya kundi ang totoong oposisyon. Hindi pabebe si Sonny Trillanes sa laban, ani Ivy Mendoza-Yulo, isang mamamahayag. Hindi maaaring pagsabungin si VP Leni Robredo at Sonny Trillanes ng anumang puwersa ng kadiliman sa laban. Malinaw ang usapan sa 2022.
Samakatuwid, hindi magiging Grace Poe si Sonny Trillanes. Hindi magpipilit ang huli dahil alam niya na mas tagilid ang tsansa ng oposisyon kung igigiit ang sariling ambisyon. Hindi siya nakikinig sa sulsol o bulong ng sinuman. Nagpanggap si Grace Poe na kinakatawan din niya ang “daang matuwid” kahit hinati niya ang mga boto ng puwersang maka-demokrasya at nauwi sa pagkatalo nilang dalawa ni Mar Roxas noong 2016 at tagumpay ni Rodrigo Duterte. Itinuturing si Grace Poe na labis na ambisyosa.
***
HANGGANG ngayon, patuloy na umiikot ang paniniwala na hindi tatakbo ang Bise Presidente. Maliban sa ilang ingay sa ibaba, hindi kakikitaan ng sigla ang napipintong kandidatura ni Leni. Hindi maipagkakaila ng Bise Presidente ang paniniwala na hindi siya naghahanda. Kinumpirma pa niya sa isang panayam na hindi siya naghahanda.
Naisip naming tuloy na naghahanap siya ng tinatawag natin na “gentle way out.” Isang maayos na palusot sa isang sitwasyon na nakikita niya na malupit at marubdob sa hinaharap. May narinig kami sa isang kaalyado na mas gusto niya ng “community work.” Sa taya niya, hindi pang-presidente ang ganitong trabaho. Hindi siya handa sa mas malaking gawain na kailangan ang “wholistic view,” o malawakang pananaw. Gusto niyang kagatin ang tanging kaya niyang nguyain; ayaw niyang maging matakaw sa poder. Hindi siya si Rodrigo Duterte na hindi kaya ang trabaho.
Kung dumating ang sitwasyon na talikuran ng Bise Presidente ang hamon ng panahon, hindi masamang pamalit si Sonny Trillanes. Ito ay isang malaking kung lamang, o kung tawagin sa wikang Ingles ay “hypothetical scenario. “ Si Sonny Trillanes ang “viable political alternative” ng puwersang demokratiko o oposisyon sa bansa. Hindi namin labus maisip kung sinuman kay Isko Moreno, Grace Poe, o Nancy Binay asng ipapalit. Wala sa kanila ang katnggap-tanggap.
Kapansin-pansin na maugong si Sonny Trillanes sa social media bilang kapalit ni Leni sa panguluhan o pang bise presidente ni Leni kung tutuloy. May batayan ang paniniwala sa katotohanan. Tatlo ang palaging minumura ni Duterte: Leni Robredo, Sonny Trillanes, at Leila de Lima. Paminsan-minsan si Kiko Pangilinan o Frank Drilon.
May kakayahan si Sonny Trillanes. Isa siya sa mga mahusay na senador. Bukod diyan, hindi siya takot. Kinakatakutan na baka habulin niya ang mga kriminal sa gobyerno ni Duterte. Hindi marunong mangilag si Sonny Trillanes. Takot sa kanya ang pangkat ng Davao City.
***
MINSAN kong nabanggit sa aking kolum at maging sa ilang post na parehong may lingguhang programa sa media ai Rodrigo Duterte at Bise Presidente Leni Robredo. Magkaibang-magkaiba ang programa ni VP Leni sa dzXL, isang estasyon ng radyo, at Duterte sa pasilidad ng PTV-4. Punong-puno ng galit, pagkamuhi, at pagmumura ang programa ni Duterte at hindi kapupulutan ng aral at bagong kaalaman. Malaki ang bahaging positibo ng programa ni VP Leni. Nangyari kanina ang panayam sa programa ni VP Leni. Pakibasa ang post namin sa social media account:
PROGRAMANG KALINGA
SA MGA WALANG TAHANAN
SIMPLE ang programa; walang garbo at walang paligoy-ligoy. Tulungan ang mga taong walang tahanan, silang mga palaboy-laboy sa lansangan, at napilitang yumakap sa tinatawag na “kulturang kalye.” Silang mga nasa laylayan ng lipunan.
Ito ang programang “Kalinga sa Kapwa” na nailunsad ng Arnold Jannsen Foundation, isang non-government organization na pinamumunuan ni Fr. Flaviano “Fr. Flavie” Villanueva, isang pareng Catolico na kabilang sa orden ng Society of Divine Word (SVD).
Sa lingguhang programang “Biserbisyong Leni” ni Bise Presidente Leni Robredo at radio host Ely Saludar sa estasyong dzXL, ipinaliwanag ni Fr. Flavie na mayroon Kalinga Center ang programa kung saan pumupunta ang mga taong lansangan upang maligo, ayusin ang sarili, kumain, at madalo sa ilang programa para sa skills training (kasanayan) at pagtalakay sa kanilang kalagayan.
Nasa Tayuman Center sa distrito ng Tundo sa Maynila ang Kalinga Center, ani Fr. Flavie. Napupuno ito ng mga taong walang tahanan at napilitang mabuhay at mamuhay sa mga lansangan ng Metro Manila. May sariling paliguan at palikuran (toilet) ang Kalinga Center para sa mga taong lansangan, aniya.
May mga salamin ang Center kung saan nasasalamin ng isang taong palaboy ang kanyang sarili at nawika ”ngayon madungis, mamaya, malinis.” Pagkatapos maligo, binibigyan sila ng mga damit na donasyon ng mga mamamayan, ani Fr. Flavie. Maaari nilang silipin ang kanilang sarili sa salamin at masabi sa sarili: “malinis na ako, pahahalagahan ko ito, at sana magbago ang buhay ko.”
Maaari silang dumalo sa mga talakayan kung saan ipinapaunawa sa kanila ng mga volunteer ang kanilang kalagayan at mga solusyon. Kasama na ang pagbibigay ng mga skills training na kanilang gamit sa pagpasok ng hanapbuhay at paglayo sa lansangan, ani Fr. Flavie. May mga volunteer na dating taong kalye at sila ang tinatawag na “beneficiary volunteer,” aniya.
May mga dating taong kalye na nakapasok ng hanapbuhay, aniya. May mga taong lansangan na nakipagbati sa kanilang pamilya matapos ang panahon ng alitan, aniya. May mga nagbagong buhay at namuhay ng maayos, ani Fr. Flavie.
Malaki ang gastos sa pagpapatakbo ng programa. Sa pagpapakain sa mga taong palaboy-laboy, umaabot sa P40 isang araw ang gastos sa pagkain. Kaya kapag umabot sa 1,000 ang pinapakain araw-araw, nasa P40,000 agad agad ang gastos, aniya. Kasama ang Office of the Vice President sa mga tumutulong sa programang Kalinga sa Kapuwa, ito ang patotoo ni Fr. Flavie.
Ipinaliwanag ni Fr. Flavie na may mga pagkakaton na ang mga volunteer ng Kalinga Center ang pumupunta sa mga taong lansangan. Ngunit ng magkaroon ng pandemya, kinalap sila ng mga taong gobyerno at barangay upang huwag makahawa.
May mga napunta sa Canonigo sa distrito ng Pandacan at Paco, kung saan nahihirapan ang mga volunteer na marating sila. Binibigyan sila ng pagkain at kasanayan upang magbagong buhay.
Layunin ng programa na mapalitan ang kultura ng lansangan ng tinatawag ni Fr. Flavie na “kultura ng kalinga”upang pahalagahan ang kapuwa.
The post ‘Pinakamalakas’ si Leni appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: