Facebook

Palpak at palakpak

NITONG nakaraan Lunes, Marso 15, kasabay ng anibersaryo ng imposisyon ng hard lockdown laban sa pandemya dito sa National Capital Region (NCR), ay nag-trending online ang hashtag na #DutertePalpak. Kung bakit ay maari nating hanapin ang paliwanag sa baliktad na pandiwa ng salitang “palpak”. Ito ay ang salitang “palakpak”, na sa diksyunaryo, ay nangangahulugan ng ‘pagbibigay-papuri’ sa pamamagitan ng tunog ng pinagsalpok na mga kamay.

Masarap, walang duda, na makarinig ng palakpak mula sa publiko. Nakakataba ito ng puso, nakakawala ng pagod, at nakasasapat na pagkilala sa magandang nagawa ng isang tao o grupo ng mga tao. Kabaliktaran nito ang salitang ‘palpak’ dahil ang kahulugan nito ay ‘hindi maayos na trabaho o hindi magandang pagkakagawa.’ Sa mas malalang pakahulugan, ang ibig sabihin ng ‘palpak’ ay kabiguan.

Wala akong maalalang administrasyon ng umamin o umako ng kapalpakan. Ang mga Marcos hanggang ngayon ay hindi umaamin sa mga krimeng nagawa sa panahon ng diktadura. Si Cory Aquino ay hindi rin umamin na palpak ang kanyang centerpiece program na agrarian reform na haggang ngayon nga ay hindi pa tapos. Si Ramos ay walang inamin na kasalanan sa madadayang kontrata na pinasok nito sa mga Independent Power Producers (IPPs) na naging sanhi ng mataas na presyo ng kuryente sa bansa. Si Erap ay hindi si Jose Velarde. Si Gloria Arroyo ay nag-sorry nga sa ‘Hello Garci’ tape, pero hindi galing sa puso kundi sa ilong. Si PNoy ay hindi inaming palpak siya sa SAF44.

Huwag pagtakhan, kung gayon, kung bakit galit na galit si Harry Roque sa pagturing ng netizens na palpak si Duterte sa pagharap sa pandemya. Dahil hindi rin aaminin ni Duterte ang paratang na kapalpakan. I-change topic nya lang iyan sa terorista. ‘Maliit na bagay lang yan.’

Ang nakakabilib lang sa administrasyong ito ay ang husay nitong pumalakpak sa sarili. At kung nasa tagapagsalita ng Pangulo ang manipestasyon ng sakit na ito, mukhang hindi ito madaling hanapan ng gamot dahil walang sintomas ng pagkakamali na makikita sa taas-noong deklarasyon ni Roque na ‘excellent’ ang performance ng administrasyong Duterte.

Ang salitang ‘excellent’ ay hindi lang kabaliktaran ng salitang ‘palpak’. Sa diksyunaryo, ang ibig sabihin ng ‘excellent’ ay napakahusay o napakagaling.

Narito ang malinaw na pagtatalo. Palpak nga ba o excellent?

Sa kampo ng mga nagsasabing palpak si Duterte ay napakaraming paliwanag, mula sa late na pagsasara ng ating borders sa simula, kawalan ng mass testing, militarisasyon ng pandemic response, kulang na ayuda, pagpapatupad ng pinakahabang lockdown na nagresulta sa pinakamalalang resesyon ng ating ekonomiya sa buong rehiyon, at nitong huli ay ang kapalpakan sa pagbili ng bakuna at ang muling pagsipa ng dami ng kaso ng covid sa bansa. Tiyak marami pang nasa isipan ng mga tao na wala sa listahan ng kapalpakan na ito.

Sa kampo naman ni Roque ‘the excellent’, ang kanyang paliwanag ay panasimple lamang sa paralelismo o paghahambing. Para kay Roque, excellent tayo dahil mas kaunti ang kaso ng covid sa Pilipinas kumpara sa mayayamang bansa gaya ng Amerika at Britanya. Excellent na sana ang paliwanag na ito, nakakataba ng puso dahil kahit na abante at mayaman, mahigit 500,000 na ang namatay sa US at 126,000 naman sa UK.

Ang hindi sinasabi ni Roque ay makalipas ang isang taon, zero death sa Laos at Timor Leste, 1 sa Cambodia, 30 sa Singapore, 35 sa Vietnam, 89 sa Thailand, 1,220 sa Malaysia, at 3,203 sa Myanmar. Second to the highest sa ASEAN ang Pilipinas, sa bilang 12,866 namatay.

Nangunguna ang Indonesia sa may pinakamaraming kaso, mahigit 38,000, dahil din sa kapalpakan nang ang mismong health minister nito noong simula ng pandemya ay hindi naniwala sa beerus at nagsabing ipagdasal na lamang ito. Sounds familiar.

The post Palpak at palakpak appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Palpak at palakpak Palpak at palakpak Reviewed by misfitgympal on Marso 19, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.