Facebook

Pandaigdigang kaayusan

MAY katwiran kung bakit kailangan manatiling bukas ang South China Sea. Dumadaloy sa South China Sea ang mahigit sa $5.3 trilyon halaga ng kalakal taon-taon na kumakatawan sa 30 porsyento ng pandaigdigang kalakalan. Kapag kinontrol ng China ang kalakalan sa South China Sea, pinilay nila ang kalakalan sa pagitan ng Gitnang Silangan at mga bansa umaasa sa langis galing sa Gitnang Silangan.

May batayan kung bakit nasa South China Sea ang mga barkong pandigma ng Estados Unidos, Britanya, Japan, Pransya, at Australia. Hindi pag-aari ng China ang kabuuan ng South China Sea na katulad ng ipinangangalandakan niola sa sangkatauhan. Sa masaksayang hatol noong 2016, sinabi ng Permanent Arbitral Commission na husgado ng United Nations Conference of the Law of the Seas, o UNCLOS, na walang batayan ang pangangamkam ng China sa halos kabuuan ng South China Sea.

Binalewala ng lima-kataong UNCLOS Commission ang teyoryang “Nine Dash Line” bilang batayan ng China sa pagsasabing may karapatan sila batay sa kasaysayan na ariin ang South China Sea. Hawak ng mga malayang bansa sa pangunguna ng Estados Unidos ang hatol na bahagi ng ngayon ng international law. Hindi ito mapasinungalingan ng China; wala na silang hawak..

Magkikita ang mga kinatawan ng Estados Unidos at China sa isang makasaysayan pulong sa siyudad ng Anchorage sa estado ng Alaska sa Huwebes (Biyernes sa atin) upang pag-usapan ang relasyon ng dalawang bansa sa kalakalan at pulitika at ang kabuuang kaayusan sa South China Sea. Pangungunahan ni State Secretary Antony Blinken at National Security Adviser Jake Sullivan ang delegasyon ng Estados Unidos, samantalang si Yang Jae Li, isang kasapi ng Politburo ng Communist Chinese Party, at Wang Yi, foreign minister, ang haharap para sa China.

Nagbago ang foreign policy ng Estados Unidos sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Joe Biden. Naunang iginiit ni Biden na pinairal niya ang hatol ng UNCLOS bilang batayan ng pakikitungo ng Estados Unidos sa China. Samakatuwid, panatilihin ng Estados Unidos na bukas ang South China Sea para sa malayang kalakalan ng mga malayang bansa.

Sinabi ni Blinken na bumabalik ang Estados Unidos sa Asya at itinuturo ang kanyang atensyon sa China dahil mapagmalabis ang huli sa kanyang pakikitungo sa ibang bansa. Mapanuwag ang China at nais nito na angkinin ang teritoryo ng ibang bansa. Nais ilagay ang China sa dapat nitong kalagyan, ani Blinken.

Kilala ang China bilang bansang haragan sa pandaigdigang pamayanan (international community). Kilala ang China sa mga cyber-attack ng mga cyber network ng ibang bansa, pagnakaw ng mga intellectual property, paggawa ng mga pekeng kalakal, paglabag sa mga patente, at pagmamanipula ng mahinang bansa. Mukhang nagising na ang Estados Unidos sa pang-aabuso ng China.

Kilala ang Estados Unidos sa mga natatanging lakas: malayang pamayanan, malayang kalakalan, malakas na sistema sa pagtatanggol, at malalim na komitment sa karapatang pantao. Lakas ng Estados Unidos ang paghahari ng dalawang lapiang politikal sa bansa – Democrat at Republican. Hindi ito lakas ng China na iisa lang ang lapian – Communist Party of China

***

PALAISIPAN ang Filipinas sa bagong foreign policy ng Estados Unidos. Hindi ito binabanggit ni Biden at Blinken. Wala rin ang Filipinas sa bagong national security paper ng Biden administration. Ang binabanggit ay ang Taiwan, Hong Kong, Xinjiang na tahanan ng mga inaaping Muslin sa China, ang mga Uighur, at Tibet. Wala ni kahit gaputok sa Filipinas. Bahagi pa ang Filipinas ng mga plano ng Estados Unidos? Saan na ba tayo sa kanila?

Isang malaking kabastusan ang Filipinas sa Estados Unidos. Hindi maayos ang pakikitungo ni Rodrigo Duterte sa mga Amerikano. Hindi sibilisado, sa maikli. Hindi siya nahihiya na ipakita sa kanila na hawak siya ng Peking, o isa na siyang ganap na Peking Duck.

Matapos ang paglisan ng mga base militar ng Estados Unidos sa bansa noon 1992, ibinaba ng Washington ang trato sa Filipinas. Hindi na ganoon kaespesyal na tulad ng dati. Bagaman may tatlong tratado na nagpapatunay ng katatagan ng relasyon ng dalawang bansa: Mutual Defense Treaty (MDT); Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA); at Visiting Forces Agreement (VFA).

Gustong alisin ni Duterte ang MDT at VFA. Tuloy ang MDT, ayon sa mga Amerikano. Nakahanda ang puwersa ng Estados Unidos na ipagtanggol ang Filipinas kung umatake ang puwersa ng China, ayon sa Estados Unidos. Walang magawa si Duterte kundi lunukin ang kanyang panis na laway. Tinatawanan tuloy siya ng mga kaalyadong bansa sa Asya.

Kung itutuloy ang VFA, gusto ni Duterte na gatasan ang mga Amerikano. Humingi siya ng $16 bilyon kapalit ng pagpapalawig ng kasunduan sa hinaharap. Mas lalong pinagtatawanan si Duterte sa lakas ng loob na humingi ng bayad sa VFA. Habang tumutulong ang ibang bansa sa pagpapatatag ng alyang panseguridad kontra China, narito si Duterte, alipin ng China, na nanghihingi ng bayad.

***

KILALA si Wang Yi, an kasalukuyang foreign minister ng China, bilang dalubhasa sa usapin ng Spratlys. Haharap siya bilang puno ng delegasyon sa unang pag-uusap ng China at Estados Unidos sa ilalim ng administrasyong Biden. Palagi niyang pinangungunahan ang delegasyon ng China sa mga nakalipas na pag-usap sa delegasyon ng Filipinas tungkol sa Spratlys. Masasabi natin na magiging matindi ang talakayan sa Huwebes ng dalawang bansa tungkol sa South China Sea.

Isa ito sa mga dahilan kung bakit may batayan ang paniniwala na isa si Duterte sa mga usapin na pag-uusapan sa Huwebes. Sapagkat nakikipag-usap sa posisyon ng lakas ang Estados Unidos, hindi malayong hingin ng Estados Unidos si Duterte. Hihingin ng Estadong Unidos sa China na bitawan si Duterte. Hihingin sa mga lider sa Paking na huwag suportahan ang kandidato ni Duterte sa 2022.

Alam ng Estados Unidos na ibibigay ng China si Duterte. Nagamit na nila si Duterte. Nakuha na nila ang kanilang gusto kay Duterte. Wala ng silbi sa kanila si Duterte. Bukod diyan, hindi nila maibibigay kay Duterte ang mga ipinangakong pautang, investment, infra projects, at iba pa. Nahaharap sa malaking gastos ang China sa pakikipagtunggali sa Estados Unidos. Isasakripisyo nila sa Duterte kapalit ang kasiguruhan na hindi sila didigmain ng Estados Unidos. Hindi bago ito, isinuko ng China ang armadong pakikibaka ng Communist Party of the Philippines- New People’s Army ni Jose Ma. Sison nang makipagkasundo sa Estados Unidos noong 1975.

Alam ng Estados Unidos na walang silbi si Duterte. Alam nila na hindi mapapabaligtad si Duterte upang maging kampi sa Estados Unidos. Nasa China ang kanyang puso, isip, at kaluluwa. Doon niya itinali ang kanyang kapalaran sa lahat-lahat. Alam ng Estados Unidos na hindi hinahangaan si Duterte sa sariling bansa. Mabaho na siya at isinusuka ng lahat.

***

LALONG tumibay ang alyansa ng mga demokratikong bansa na tinawag na Quadrilateral Alliance. Nagbuklod-buklod ang Estados Unidos, Japan, India, at Australia at nagkasundo na tulungan ang mga karatig bansa upang salungatin ang pagpapalakas ng China. Sila ang mga bansang naglagay ng mga barkong pandigma sa South China Sea at Indian Ocean.

Lalong tumibay ang kanilang pagbibigkis-bigkis ng magkasundo ang apat na bansa na magbigay ng isang bilyong doses ng bakuna para sa mga mahihirap na mamamayan ng mga bansa sa Indian Ocean at Pacific Ocean. Sa pagtatapos ng 2022 nila ibibigay ang pangakong doses. Mas lalong matatranta ang China sapagkat pinalibutan siya ng mga bansa na kalaban niya.

***

QUOTE UNQUOTE: Kung hindi malutas ni Rodrigo ang pandemya, bakit mo iboboto si Bong Go o Sara sa 2022? Ano ka nagpapatiwakal? Huwag sila.” – PL, netizen

“Huwag umasa na mahaharap at malulutas ni Rodrigo Duterte ang pandemya. Sa susunod na gobyerno na iyan. Bumoto ng maayos sa 2022.” – PL, netizen

The post Pandaigdigang kaayusan appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
Pandaigdigang kaayusan Pandaigdigang kaayusan Reviewed by misfitgympal on Marso 14, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.