SA matagal na panahon, mahinang partido ang Partido Demokratiko Pilipino – Laban ng Bayan (PDP – Laban).
Ang kilalang mga opisyal nito dati ay ang namayapang Senador Aquilino “Nene” Pimentel Jr. at dating Bise – Presidente Jejomar Binay.
Habang pangalawang pangulo si Binay ni dating Pangulong Benigno Simeon Cojuangco Aquino Jr., hindi lumakas at namayagpag ang PDP – Laban.
Hindi ginawa ni Binay na makipagpaligsahan at makipag-agawan ng mga politiko sa Liberal Party (LP) ni Aquino.
Iniwan ni Binay ang PDP – Laban at nagtayo ng sariling partido nang tumakbo siya sa pagkapangulo noong 2016.
Isa si Binay sa mga natalo kay Rodrigo Duterte sa halalan.
Sumali si Duterte sa PDP – laban kung saan ang pangulo nito noon ay ang anak ni Pimentel na si Senador Aquilino “Koko” Pimentel III.
Ilang linggo na ang nakalipas, tinanggal si Koko Pimentel sa puwesto kung saan ipinalit si Senador Emmanuel “Manny” Pacquiao.
Dahil sa pagkakaluklok ni Pacquiao bilang pangulo ng PDP – Laban, mistulang idineklara ng partido na tatakbo sa pagkapangulo si Pacquiao sa halalang 2022.
Pagkatapos nito, sunud-sunod na ang press statements ni Pacquiao hinggil sa kanyang mga pananaw sa iba’t ibang isyu.
Lumilitaw ngayon na hindi solido ang pamunuan ng PDP – Laban sa plano ni Pacquiao sa 2022.
Bakit kamo?
Una, sinabi ng tagapangulo ng PDP – Laban na si Pangulong Duterte na hindi siya bilib kay Pacquiao.
Pangalawa, sinabi rin ni Duterte na si Senador Christopher Lawrence “Bong” Go ang kanyang “presidente” sa halalang 2022.
Dati, ilang ulit na binanggit ni Go sa kanyang mga press release na hindi niya iniisip ang eleksyon.
Pokaragat na ‘yan!
Ang dapat daw pagtuunan ng pansin sa kasalukuyan ay ang paglutas sa COVID – 19.
Ang konteksto ng “opisyal na pahayag” ni Go ay kasama siya sa mga kulelat sa sarbey sa mga posibleng tumakbong pangulo ng bansa.
Ang nangunguna ay si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio, ang anak ni Pangulong Duterte.
Pumangalawa si Senadora Mary Grace Poe at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Ikatlong batayan, kamakailan, lumabas sa mga pahayagan na nagpapakalat ng resolusyon ang bise – presidente ng PDP – Laban na si Energy Secretary Alfonso Cusi tungkol sa panghihikayat kay Pangulong Duterte na tumakbo itong pangalawang pangulo ng PDP – Laban sa 2022.
Ayon kay Deputy Speaker Eric Martinez, isa sa dalawang kinatawan ng Lungsod ng Valenzuela sa Kamara de Representantes, maraming lumagda sa resolusyon ni Cusi.
Ikaapat, lumabas ang balita ilang araw na ang nakaraan hinggil sa sarbey ng Pulse Asia na nangunguna ang tambalang “Go – Duterte” sa iskor na 32%.
Tumabla rito ang tambalang “Poe – Sotto” na tumutukoy kina Senadora Mary Grace Poe at Senate President Vicente Sotto III.
Pagkatapos nito, nagsalita na si Senador Go na tatakbo siya sa pagkapangulo kung si Duterte ang kanyang bise – presidente.
Pokaragat na ‘yan!
Iyan ang ikaapat na batayan kung bakit mistulang tumitindi ang gulo sa PDP – Laban ni Duterte.
Ang ikalima ay binigyan ni Atty. Salvador Panelo ng ‘palaman’ ang sarbey na nagunguna si Go kung katamal si Duterte.
Idiniin ni Panelo, “hinog” na si Go sa pagkapangulo.
Pokaragat na ‘yan!
Dati si Sara ang itinatambol ng Panelo na ito sa media.
Binatikos ni Pacquiao si Cusi sa mapanghating pagkilos nito laban sa PDP – Laban.
Asahang titindi pa ito sa susunod na mga araw dahil mukhang hindi papipigil si Cusi at mga ‘loyalista’ ni Duterte.
Abangan natin ang aksyon mismo ni Pacquiao.
Abangan din ang magiging pasya ng mga opisyal at kasapi ng PDP – Laban sa Kamara sa pangunguna ni Speaker Lord Allan Jay Velasco.
Si Velasco ay naging speaker dahil sa mag-amang Duterte.
The post PDP-Laban ni Duterte nagkakagulo dahil sa ‘Go-Duterte’ sa 2022 appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: