SA panahon ng krisis makikita ang tunay na karakter ng isang tao. Sa panahong ito mo rin malalaman kung tama o mali ang iyong ibinoto.
Oo! Ngayong nagdadatingan na ang mga bakuna laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19, ang unang prayoridad na da-pat bigyan ay ang ating health and medical frontliners na araw-araw ay nanganganib na mahawa ng sakit na ito dahil sa kanilang trabaho.
Hindi madaling makakuha ng COVID-19 vaccines, lalo pa nga’t halos na-corner na ng mga mayayamang bansa ang karamihan sa stocks ng bakuna. Kaya nga nahuli ang pagdating ng bakuna sa ating bansa. Sa halip na sa third week ng Pebrero dumating ay naantala, at ngayon lamang first week ng Marso dumating ang mga bakuna. Nauna na dito ang Coronavac o Sinovac.
Kaya naman ‘di dapat na nasasayang ang vaccine dose o ‘di kaya ay mauna ang ‘di dapat mauna sa pagbibigay ng bakuna. May sinusundan na schedule kung sino ang dapat unahin na maturukan ng bakuna.
Alam na alam yan ng ating mga mambabatas. Pampito sila sa “order of priority” bilang government workers pero hindi sila ang pinakauna, pwera na lamang kung sila ay senior citizen o persons with comorbidities. Mga health and medical frontliners muna ang unang tuturukan ayon sa listahan na binuo ng Interim National Immunization Technical Advisory Group (INITAG). Ito ang grupo ng health experts na kinokonsulta ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATFEID).
Pero nakakadismaya itong si Congresswoman Helen Tan na nauna nang nagpabakuna. Siya ang pinakaunang mambabatas sa Kamara de Representante na nagpaturok ng COVID-19 vaccine, dahil daw kasama siya bilang miyembro ng immediate family ng kanyang anak na doctor na nagtatrabaho sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC).
Oo nga at isa ring doktora si Madam Helen Tan, pero obvious namang hindi siya medical frontline worker.
Oo nga at kasama siya sa immediate family ng kanyang anak na taga-VMMC pero out of delicadeza… sana ay hindi nalang sana niya tinanggap ang alok na mabakunahan siya. Madali namang sabihin na hihintayin nalang niya ang bakuna na para sa alokasyon ng mga miyembro ng Kamara, pero tila nagmamadali si Madam na maturukan.
Hindi naman daw VIP treatment yung nauna siyang lahat sa mga kapwa niya kongresista at sa ating lahat na mabakuna-han. Masyado naman kayong mareklamo na walang mga pambayad ng bakuna.
Aba, eh sabi pa nga ni Madam, kung siya daw ay pa-VIP, sana daw ay hinintay nalang nya ang parating pang ibang bakuna na mas popular sa masa. Ang ibig sabihin nya ay ang bagong dating na Astra Zeneca vaccine mula US.
Pambihira ka naman Madam, nabigyan ka na nga ng libreng bakuna, pahapyaw mo pang binanatan ang Sinovac. Para mo naring sinabi na pinagtiyagaan mo lang yang tinurok sa yong Sinovac.
Napapahiya tuloy sa iyo si Speaker Lord Allan Velasco. Kaka-sabi lang niya na magpapahuli ang lahat ng miyembro ng Kamara, kasama siya, sa pagpapabakuna. Uunahin daw, sabi ni Speaker Lord, ang mga empleyado ng Kamara at miyembro ng media, kasama ang kanilang immediate family members. Gagastusan ng Kamara ang pambili para maibigay ng libre ang bakuna.
Ipinaalam kaya ni Madam kay Speaker na mauuna na si-yang magpabakuna? Congratulations sa pagiging una sa bakuna, Ma-dam Doktora Congresswoman Helen Tan, na ngayon ay may bago ng titulo bilang “Bakuna Queen.” Mismo!
The post Politiko inunahan ang healthcare workers sa bakuna kontra Covid appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: