TINIYAK ni Senator Christopher “Bong” Go sa publiko na hindi kukunsintihin ng pamahalaan ang anumang uri ng katiwalian na makasisira o makahahadlang sa distribusyon ng COVID-19 vaccines sa buong bansa.
Ayon kay Go, seryoso ang gobyerno na masiguro na sapat ang ipamamahaging bakuna, lalo’t marami pa ring bansa ang hirap na makabili ng bakuna dahil sa limitadong supply nito sa buong mundo.
“Kung meron kayong nababalitaan na katiwalian at nananamantala, isumbong n’yo agad sa pulis, gobyerno, sa NBI at kahit po sa amin. Hindi po kami papayag ni Pangulong Duterte na meron pong magsasabotahe nitong pagbabakuna,” ayon kay Go.
Hinimok ni Go ang publiko na isumbong ang anumang klase ng katiwalian at tiniyak na hahabulin ng gobyerno ang mga gumagawa ng anomalya para maparusahan.
“Nahihirapan na nga tayong kumuha ng supply ng bakuna tapos meron pang magsasamantala. Kakasuhan ‘yan, ipapakulong po namin kung sino ang mga taong nananamantala dito sa sitwasyon natin dahil naghihirap po ang Pilipino. Magtulungan na lang po tayo at ‘wag na natin dagdagan pa ang kalbaryo ng tao,” idinagdag niya.
Sa kasalukuyan, iniulat ni Go na nakapagpakalat na ang Pilipinas ng tinatayang 463,000 COVID-19 vaccines para sa medical frontliners sa buong kapuluan.
Idinagdag niya na maging ang mga miyembro ng media na kabilang sa ikinokonsderang frontliners ay nasa priority list ng mga sektor na mababakunahan.
“Inuuna lang po ang mga frontliner dahil ang target po ng gobyerno is to vaccinate 1.7 million health workers. Nasa 1.1 million pa lang tayo na doses na dumating at para lang ito sa 500,000 health workers,” sabi ng senador.
Muling hinimok ni Go ang bawat Filipino na huwag matakot na magpakuna dahil ito lamang ang tanging paraan upang makabalik na sa normal ang ating buhay at ang bansa.
“Let me repeat, please lang po. Huwag kayong matakot sa bakuna. Matakot kayo sa COVID-19,” ani Go. (PFT Team)
The post PRRD admin, ‘di kukunsintihin ang korapsyon sa pagbabakuna — Bong Go appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: