ISANG matinding babala ang binigay ni Manila Mayor Isko Moreno sa lahat ng private quarantine facilities at ito ay ang ayusin ang kanilang serbisyo na tulad ng serbisyong ipinagkakaloob ng gobyerno, dahil kung hindi ay makakatanggap ng kaukulang kaparusahan.
Ito ang pahayag ni Moreno sa unang araw ng maayos na pagpapatupad ng lockdown sa tatlong barangay na nagrehistro ng mataas na kaso ng COVID-19.
Ilang oras bago ang lockdown ay nakipagpulong sina Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna kina National Capital Region Office chief B/Gen. Vicente Danao, Jr. at Manila Police District chief B/Gen. Leo Francisco upang plantsahin ang mga detalye ng lockdown sa Barangay 351 sa San Lazaro, Tayuman na nagrehistro ng 12 COVID cases; Barangay 725 sa Malate na may 14 cases; at bahagi ng Barangay 699 sa M. Adriatico partikular sa Bayview Mansion Building at Hop Inn Hotel sa Malate na may 17 cases.
Nagsimula ang lockdowns ganap na 12:01 a.m. ng March 11 (Thursday) hanggang 11:59 p.m. ng March 14 (Sunday).
Sa nasabing pulong ay nangako si Danao ng paglalagay ng 500 kapulisan mula Camp Bagong Diwa bilang suporta sa MPD personnel.
Sinabi ni Danao na ang bilang ay maaari pang madagdagan depende sa pangangailangan ng kabisera ng bansa at bilang suporta kina Moreno at Lacuna na masugpo ang pagkalat ng coronavirus sa lungsod.
Sa panig ni Moreno ay sinabi nito na: “Swerte namin dahil dinalaw kami ni Gen. Danao. Talagang malapit sa kanya ang Maynila. When he heard that we will have lockdowns, he immediately offered help.” Si Danao ang hepe ng MPD nang maupo si Moreno bilang alkalde ng lungsod.
Muling pinasalamatan ni Moreno si Lacuna bilang kanyang bise alkalde sa gitna ng pandemya, dahil malaking bagay ang pagiging doktor nito sa tagumpay ng mga programang ipinatutupad ng lokal na pamahalaan sa pakikipaglaban sa COVID-19.
Sinabi naman ni Francisco, na may 100 kapulisan ang itatalaga sa mga apektadong barangay kada shift.
Muli ay iginiit ni Moreno na hindi siya magdadalawang isip na magpatupad ng city-wide lockdown kung kinakailangan upang maprotektahan lamang ang mga residente ng Maynila sa coronavirus kung saan ang bilang ng mga kaso sa NCR at sa buong bansa ay tumaas kamakailan.
Samantala ay sinabi ni Moreno na maging ang mga private-owned and operated quarantine facilities ay kanyang ipapa-lockdown kung hindi aayusin ng mga operator nito ang kanilang trabaho.
“Pwede sila i-lockdown kung me magpapabaya. If they are private quarantine facilities, they should be responsible enough not to affect the neighboring community members,” pahayag ni Moreno na binigyang diin na sa kaso ng city government’s quarantine facilities, tanging mga personnel ng Manila Health Department ang pinapayagan na pumasok at lumabas.
“Baka mamaya gustong-gusto nila (patients) sa private kasi napapakiusapan nila. For all we know, baka pag gabi me bumibisita dun, we’ll never know,” dagdag pa ng alkalde. (ANDI GARCIA)
The post “UMAYOS KAYO” – ISKO appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: