MULING idiniin ni Senator Christopher “Bong” Go ang nauna niyang apela na huwag siyang isali sa mga posibleng tatakbo sa mas mataas na posisyon sa darating na pambansang halalan sa Mayo 2022 sa pagsasabing mas nakatutok siya ngayon sa pagtulong sa marami nating kababayan para makabangon sa pagkakalugmok sa pandemya.
Matatandaan na noong Marso 5, pinuri ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kabutihang ginagawa ni Go kasabay ng pagtawag sa kanya na “president” sa joint meeting ng National and Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict sa Cagayan de Oro City, Misamis Oriental.
“Sabi ko, please po huwag nating pag-usapan ang pulitika ngayong panahong ito. Importante po malampasan natin itong pandemyang ito, dahil kung hindi natin malampasan itong pandemyang ito, wala na po tayong pulitikang pag-uusapan pa sa susunod na taon,” sabi ni Go sa panayam sa kanya matapos pangunahan ang distribusyon ng ayuda sa mga nasunugan sa Brgy. Governor Duterte, Davao City.
“Huwag natin pag-usapan ‘yung pulitika. Pangit po pag-usapan ang pulitika sa panahong ito. Darating din tayo diyan,” dagdag niya.
Ipinunto ni Go na sadyang maghahalal ang bansa ng susunod na pangulo sa 2022, gayunman, sinabi niyang ibubuhos niya ang ibinigay na oportunidad sa kanya upang magsilbi sa sambayanang Filipino.
“Whether we like it or not, pagdating po ng Oktubre, pagdating po ng Mayo, sa susunod na taon ay pipili po tayo ng bagong lider. So, piliin po natin ang lider po na talagang nagmamahal sa kapwa Pilipino, ‘yung talagang makakapag-patuloy ng pagbabago po na inumpisahan ni Pangulong Duterte,” ani Go.
“Please count me out po. Huwag niyo na po akong isali sa pulitika. Hanggang 2025 po ang aking termino bilang Senador at hindi ko po sasayangin ito. Bawat araw po na binigay niyo sa akin na pagkakataon na magserbisyo sa inyo ay hindi ko po ito sasayangin. Ibabalik ko po sa tao ang serbisyong para po sa inyo, araw-araw ‘yan, magtratrabaho ako para sa inyo,” dagdag niya.
Ukol naman sa resolusyon na inilabas ng ruling party Partido Demokratiko Pilipino na humihimok kay Pangulong Duterte na tumakbo sa pagka-Vice President sa darating na halalan, sinabi ni Go na ang panawagang ito ay patunay na ang taongbayan ay kuntento sa liderato ng Pangulo.
“Hindi na ako nagugulat sa mga panawagang ganito. Nakikita natin na very satisfied ang mga Pilipino sa naging performance ng ating Pangulong Duterte kaya patuloy pa rin ang tiwala ng taumbayan sa kanya,” ayon sa senador.
“Marahil, gusto nila ng continuity upang maipagpatuloy pa ang mga mabubuting pagbabago sa bansa at para rin maisakatuparan ang pangako ng Pangulo na walang maiiwan tungo sa ating full recovery mula sa pandemyang ito bilang isang nagkakaisa at mas matatag na bansa,” iginiit pa ni Go.
Ayon sa mambabatas, siya at si Pangulong Duterte ay lubos na nagpapasalamat sa tiwala at kumpiyansa ng publiko sa kasalukuyang administrasyon.
“But despite this, we continue to work hard and remain focused on serving the Filipino people especially during these trying times,” ani Go.
“Sa panahon ngayon, unahin natin ang serbisyo sa bayan at pagtulong sa kapwa. Dahil kung hindi natin malampasan ang krisis na ito, baka wala na tayong pulitika pang pag-uusapan pa,” giit niya pa. (PFT Team)
The post Bong Go sa 2022 election talks: Count me out appeared first on Police Files! Tonite.
Source: Police Files Tonite
Walang komento: