Facebook

“TAPOS NA ANG SQUATTING AT UPAHAN NG BAHAY” — ISKO

“TAPOS na ang squatting at upahan ng bahay”.

Ganito inilalarawan ni Mayor Isko Moreno ang nais niyang mapagtagumpayan sa kabisera ng bansa nang lagdaan niya ang Ordinance No. 8730 na naglalaman ng implementing rules and regulations kaugnay ng in-city housing program ng lokal na pamahalaan, kabilang dito ang condominium buildings na malapit ng matapos.

Ayon kay Moreno, maikukumpara bilang ‘historical and ‘moving” para sa kanya ang pagpirma niya sa ordinansa at dahil dito ay pinasalamatan niya sina Vice Mayor Honey Lacuna, majority floorleader Joel Chua, assistant secretary to the mayor, Council president pro tempore Jhong Isip, assistant secretary to the mayor Letlet Zarcal, Manila councilors at Manila Urban Settlement and Housing Office chief Atty. Cris Fernandez sa mga naging ambag sa pagbuo ng nasabing ordinansa kabilang na ang handbook na magsisilbing gabay sa mga magiging beneficiaries ng housing program.

“Pangarap namin ito ng nanay at tatay ko. Di man namin nakamit, nakamit n’yo naman. Ako ay 23 years na in public service ngayon lang ako nakakita ng ganitong kakapal na ordinansa… pangarap ko ‘yan pero idea yan ni Lee Kuan Yew,” ayon kay Moreno na idinagdag na kinopya niya ang konsepto sa yumaong Singaporean Prime Minister.

Sinabi ni Moreno na hindi lamang squatters na nakatira sa paligid ng housing projects ang magiging beneficiaries kundi maging ang mga nangungupahan.

“Nasabi ko nga kay Vice Mayor Honey Lacuna, biro mo, nung araw nangangarap lang ako.. kaya naman nagpapasalamat kami sa mga taga-Maynila at binigyan nyo kami ng pagkakataon at napatunayan naman namin paano magmahal ang pamahalaan sa kanyang nasasakupan,” ayon kay Moreno na dati ring squatter.

Ang ordinansa na pinagtibay nina Secretary to the Mayor Bernie Ang at Manila Council Secretary Atty. Luch Gempis, ay nagsasaad ng terms of payment and ownership ng housing units, kung saan ang beneficiaries ay magbabayad ng P2,000 sa MUSHO kada buwan. Ang maiipong bayad ay ibabalik din sa beneficiary kapag gumanda na ang buhay, may kakayahan ng bumili ng bago at mas malaking bahay at nagdesisyon ng iwan ang lugar.

Sinabi ni Moreno na maaaring gamitin ng beneficiary ang unit hanggat gusto niya kabilang na ang kanyang tagapagmana at mga magiging anak pero ang pagmamay-ari ng unit ay nananatiling sa gobyerno at tanging mga kadugo lang ng beneficiary ang maaaring tumira sa nasabing unit..

Ang dahilan nito, ayon sa alkalde, ang katotohanan kapag ililipat na ang pagmamay-ari sa beneficiary ay dito na nagsisimula ang squatters at ang bisyo na paulit-ulit na ibebenta ang kanilang rights sa sindikato at balik na naman sa pagiging squatter.

“Walang sinumang magmamay-ari sa inyo ngunit habang kayo ay nabubuhay sampu ng inyong lahi, one to sawa kayo. Di pwede ibigay dahil kaya nagfa-fail and mga housing nung araw ay dahil binebenta ng beneficiarires sukdulang mapunta sila sa kalsada ulit. Pag nakaisip ng pera, panandalian lang ang gusto ko habambuhay kayong panatag na me masisilungang matino kaya di ko papayagan ang pagkakataon na kayo ang magmay-ari,” paliwanag ni Moreno.

Sa kaso naman ng isang kawani ng lungsod, ang nasabing empleyado ay maaaring gamitin ang unit na itinakda sa kanya hangga’t naglilingkod siya sa pamahalaang lungsod, pero kailangan niya itong iwan kapag siya ay nagretiro na upang pakinabangan naman ng ibang empleyado.

Kapag may kakayahan ng bumili, ang anumang halagang naibayad ng beneficiary ay kanyang mababawi upang maipandagdag sa bagong bahay na kanyang bibilhin.

Ang bawat site, ayon kay Moreno ay magkakaroon ng sariling drainage and water system, kabilang na rin ang supply ng kuryente sa bawat unit na mayroong comfort room, laundry area, kitchen, dining at sala area at mayroon ding second floor kung saan may dalawang kuwarto, isa para sa magulang at isa para sa mga anak.

Mayroon ding ginawang handbook para sa mga residente na naglalaman ng mga alituntunin na dapat sundin upang matiyak na mapapangalagaan ang buong housing site. Ang maitenance ng building, elevator, common lighting ay ipauubaya naman sa private management office.

“Kahit di ka may-ari ng condo, ikaw ay may karapatan na ‘yan ay gamitin mo at ng iyong pamilya habang nabubuhay kayo at andiyan ang building. Gusto ko, longterm at walang mamimihasa na magsisindikato o mapapaburan. Ayaw man ibenta ni nanay o tatay kaso binenta naman ng anak. Pag nagkabayaran sa bentahan ayoko kasi ang gusto ko, magkaroon ng ending ng pagiging iskwater o renter,” giit ni Moreno. (ANDI GARCIA)

The post “TAPOS NA ANG SQUATTING AT UPAHAN NG BAHAY” — ISKO appeared first on Police Files! Tonite.


Source: Police Files Tonite
“TAPOS NA ANG SQUATTING AT UPAHAN NG BAHAY” — ISKO “TAPOS NA ANG SQUATTING AT UPAHAN NG BAHAY” — ISKO Reviewed by misfitgympal on Marso 22, 2021 Rating: 5

Walang komento:

Pinapagana ng Blogger.